Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SEKSIYON 8

Paglitaw ng Mesiyas

Paglitaw ng Mesiyas

MAHIGIT 500 taon matapos humula si Daniel, nagpakita ang anghel ng Diyos na si Gabriel sa dalagang si Maria, na inapo ni Haring David. “Magandang araw, isa na lubhang kinalulugdan, si Jehova ay sumasaiyo,” ang sabi ni Gabriel sa kaniya. (Lucas 1:28) Pero natakot si Maria. Ano ang ibig sabihin ng pagbati ni Gabriel?

Sinabi ni Gabriel kay Maria na isisilang niya ang Mesiyas

“Huwag kang matakot, Maria, sapagkat nakasumpong ka ng lingap ng Diyos; at, narito! ikaw ay maglilihi sa iyong bahay-bata at magsisilang ng isang anak na lalaki, at tatawagin mong Jesus ang pangalan nito,” ang paliwanag ni Gabriel. “Ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama, at . . . hindi magkakaroon ng wakas ang kaniyang kaharian.” (Lucas 1:30-33) Napakagandang balita! Isisilang ni Maria ang Mesiyas, ang pinakahihintay na “binhi”!

Nang sumunod na taon, isinilang si Jesus sa Betlehem. Ganito ang inihayag ng isang anghel sa mga pastol na naroroon noong gabing iyon: “Narito! Ipinahahayag ko sa inyo ang mabuting balita tungkol sa malaking kagalakan . . . sapagkat ipinanganak sa inyo ngayon ang isang Tagapagligtas, na siyang Kristo na Panginoon, sa lunsod ni David.” (Lucas 2:10, 11) Nang maglaon, lumipat ang pamilya ni Jesus sa Nazaret, kung saan siya lumaki.

Noong taóng 29 C.E.​—ang taon kung kailan dapat lumitaw ang Mesiyas​—nagsimulang maglingkod si Jesus bilang propeta ng Diyos, nang siya ay “mga tatlumpung taóng gulang.” (Lucas 3:23) Napag-unawa ng maraming tao na isinugo siya ng Diyos. Sinabi nila: “Isang dakilang propeta ang ibinangon sa gitna natin.” (Lucas 7:16, 17) Pero ano nga ba ang itinuro ni Jesus?

Tinuruan ni Jesus ang mga tao na ibigin at sambahin ang Diyos: Sinabi niya: “Si Jehova na ating Diyos ay iisang Jehova, at iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip at nang iyong buong lakas.” (Marcos 12:29, 30) Sinabi rin niya: “Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.”​—Lucas 4:8.

Pinasigla ni Jesus ang mga tao na ibigin ang isa’t isa: “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili,” ang sabi niya. (Marcos 12:31) Sinabi pa niya: “Lahat ng mga bagay . . . na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila; ito, sa katunayan, ang kahulugan ng Kautusan at ng mga Propeta.”​—Mateo 7:12.

Masigasig si Jesus sa pagsasabi sa iba ng tungkol sa Kaharian ng Diyos: “Dapat kong ipahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat sa dahilang ito ako isinugo,” ang sabi niya. (Lucas 4:43) Bakit napakahalaga ng Kaharian ng Diyos?

Itinuturo ng Kasulatan na ang Kaharian ng Diyos ay isang gobyerno sa langit na mamamahala sa buong lupa. Si Jesus, ang Mesiyas, ang inatasan ng Diyos na maging Hari. Sa isang pangitain, nakita ni propeta Daniel ang langit. Nakita niyang binigyan ng Diyos doon ang Mesiyas ng “pamamahala at dangal at kaharian.” (Daniel 7:14) Sa ilalim ng Kaharian, magiging Paraiso ang buong lupa at gagantimpalaan ang mga lingkod ng Diyos ng buhay na walang hanggan. Hindi ba’t napakagandang balita ito?