Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SEKSIYON 13

Tunay na Pananampalataya—Susi sa Walang-Hanggang Kaligayahan

Tunay na Pananampalataya—Susi sa Walang-Hanggang Kaligayahan

“ANG matuwid​—sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay siya,” ang sabi ng Banal na Kasulatan. (Roma 1:17) Puwedeng matupad sa iyo ang kapana-panabik na pangakong iyan. Paano?

Nang matapos ang kaniyang atas sa lupa, si Jesus, ang Mesiyas, ay umakyat sa langit para makasama ng Diyos. Habang nakatingin ang kaniyang mga alagad, “siya ay itinaas at kinuha siya ng isang ulap mula sa kanilang paningin.” (Gawa 1:9) Inatasan siya ng Diyos bilang makapangyarihang Hari sa langit. Sa malapit na hinaharap, ang “Anak ng tao” na si Jesus ay darating “sa kaniyang kaluwalhatian, at ang lahat ng mga anghel na kasama niya, kung magkagayon ay uupo siya sa kaniyang maluwalhating trono. At ang lahat ng mga bansa ay titipunin sa harap niya, at pagbubukud-bukurin niya ang mga tao sa isa’t isa, kung paanong ibinubukod ng pastol ang mga tupa mula sa mga kambing.” (Mateo 25:31, 32) Kailan ito mangyayari?

Inihula ng Banal na Kasulatan ang panahon kung kailan magkakaroon ng mga problema sa buong daigdig, na siyang tanda na malapit nang hatulan ng Mesiyas ang mga bansa. Ipinaliwanag ni Jesus kung ano ang mga kasama sa tandang iyan: “Ang bansa ay titindig laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; at magkakaroon ng malalakas na lindol, at sa iba’t ibang dako ay mga salot at mga kakapusan sa pagkain; at magkakaroon ng nakatatakot na mga tanawin at mula sa langit ay mga dakilang tanda.”​—Lucas 21:7, 10, 11.

Ang mga problema sa ngayon ay nagpapakitang malapit nang hatulan ng Mesiyas ang mga bansa

Malinaw nating nakikita sa ngayon ang katuparan ng inihula ni Jesus. Malapit nang lipulin ni Jesus ang masasama. Saka niya pupuksain si Satanas! Magiging paraiso ang buong lupa. Magkakaroon ng kapayapaan sa gitna ng mga tao at hayop. “Ang lobo ay tatahan ngang sandali kasama ng lalaking kordero, at ang leopardo ay hihigang kasama ng batang kambing, at ang guya at ang may-kilíng na batang leon at ang patabaing hayop ay magkakasamang lahat; at isang munting bata lamang ang mangunguna sa kanila. Hindi sila mananakit o maninira man.” (Isaias 11:6, 9) “Walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’ . . . Sa panahong iyon ay madidilat ang mga mata ng mga bulag, at ang mga tainga ng mga bingi ay mabubuksan.” (Isaias 33:24; 35:5) Bubuhayin ding muli ang mga patay. “Tiyak na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha mula sa lahat ng mukha,” at “hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” (Isaias 25:8; Apocalipsis 21:4) Tutuparin ng Diyos ang orihinal niyang layunin para sa lupa. Isa ngang napakagandang hinaharap!

Patuloy na Patibayin ang Iyong Pananampalataya

Anong uri ng mga tao ang gagantimpalaan ng Diyos ng buhay sa Paraiso? Mga taong may pananampalataya​—tunay na pananampalataya!

Tandaan na ang tunay na pananampalataya ay nakasalig sa tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos. Kaya patuloy na matuto tungkol sa Diyos at kay Jesus!

Ang mga may pananampalataya ay mabubuhay sa Paraiso magpakailanman!

Ang tunay na pananampalataya ay may kasamang matuwid na mga gawa. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay.” (Santiago 2:26) Kung gagawa ka ng mabuti, maipakikita mo ang kamangha-manghang mga katangian ng Diyos​—kapangyarihan, katarungan, karunungan, at pag-ibig. Patuloy na sikaping linangin ang mga katangiang ito!

Ang pagkakaroon ng tunay na pananampalataya ay magdudulot ng mayamang gantimpala. Sa katunayan, ito ang susi mo sa maligayang buhay​—ngayon at magpakailanman!