Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

APENDISE

Ano ba ang Sheol at Hades?

Ano ba ang Sheol at Hades?

SA ORIHINAL na mga wika nito, ginamit ng Bibliya ang salitang Hebreo na sheʼohlʹ at ang katumbas nito sa Griego na haiʹdes nang mahigit na 70 ulit. Ang dalawang salitang ito ay nauugnay sa kamatayan. Isinasalin ang mga ito ng ilang bersiyon ng Bibliya bilang “libingan,” “impiyerno,” o “hukay.” Gayunman, ang karamihan sa mga wika ay walang katumbas na salita na naghahatid ng eksaktong diwa ng mga salitang ito na Hebreo at Griego. Kaya ginamit ng Bagong Sanlibutang Salin ang mga salitang “Sheol” at “Hades.” Ano ba talaga ang kahulugan ng mga salitang ito? Tingnan natin kung paano ginagamit ang mga ito sa iba’t ibang talata ng Bibliya.

Ganito ang sinasabi ng Eclesiastes 9:10: “Walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol, ang dako na iyong paroroonan.” Nangangahulugan ba ito na ang Sheol ay tumutukoy sa isang espesipiko, o partikular, na dakong libingan kung saan natin inilibing ang isang mahal sa buhay? Hindi. Kapag tinutukoy ng Bibliya ang isang espesipikong dakong libingan, gumagamit ito ng ibang salitang Hebreo at Griego, hindi ng sheʼohlʹ at haiʹdes. (Genesis 23:7-9; Mateo 28:1) Gayundin, hindi ginagamit ng Bibliya ang salitang “Sheol” para sa isang libingan kung saan ilang indibiduwal ang magkakasamang nakalibing, gaya ng libingan ng pamilya o pangmaramihang libingan.​—Genesis 49:30, 31.

Kung gayon, sa anong uri ng lugar tumutukoy ang “Sheol”? Ipinakikita ng Salita ng Diyos na ang “Sheol,” o “Hades,” ay tumutukoy sa isang bagay na mas malaki pa kaysa sa isang malaking pangmaramihang libingan. Halimbawa, binanggit ng Isaias 5:14 na ang Sheol ay ‘maluwang at nakabukang mabuti ang bibig nito nang walang hangganan.’ Bagaman nilamon na ng Sheol, wika nga, ang napakaraming patay na tao, para bang gutom pa rin ito. (Kawikaan 30:15, 16) Di-tulad ng anumang literal na dakong libingan, na makapaglalaman lamang ng limitadong bilang ng mga patay, “ang Sheol . . . ay walang kasiyahan.” (Kawikaan 27:20) Samakatuwid nga, hindi kailanman nabubusog ang Sheol. Wala itong limitasyon. Kaya ang Sheol, o Hades, ay hindi isang literal na dako sa isang espesipikong lokasyon. Sa halip, ito ang karaniwang libingan ng patay na sangkatauhan, ang makasagisag na dako kung saan ang kalakhang bahagi ng sangkatauhan ay natutulog sa kamatayan.

Tinutulungan tayo ng turo ng Bibliya hinggil sa pagkabuhay-muli na magkaroon ng higit pang kaunawaan sa kahulugan ng “Sheol” at “Hades.” Iniuugnay ng Salita ng Diyos ang Sheol at Hades sa uri ng kamatayan na magkakaroon ng pagkabuhay-muli. * (Job 14:13; Gawa 2:31; Apocalipsis 20:13) Ipinakikita rin ng Salita ng Diyos na hindi lamang ang mga naglingkod kay Jehova ang kabilang sa mga nasa Sheol, o Hades, kundi ang marami ring hindi naglingkod sa kaniya. (Genesis 37:35; Awit 55:15) Kaya naman, itinuturo ng Bibliya na magkakaroon ng “pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.”​—Gawa 24:15.

^ par. 1 Sa kabaligtaran, ang mga patay na hindi na bubuhaying muli ay inilalarawang nasa “Gehenna,” wala sa Sheol, o Hades. (Mateo 5:30; 10:28; 23:33) Tulad ng Sheol at Hades, ang Gehenna ay hindi isang literal na dako.