Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ito ba ang Layunin ng Diyos?

Ito ba ang Layunin ng Diyos?

MAGBASA ka ng kahit na anong diyaryo. Manood ka ng telebisyon, o makinig sa radyo. Napakaraming kuwento ng krimen, digmaan, at terorismo! Pag-isipan mo naman ang sarili mong mga kabalisahan. Marahil ay lubha kang nababagabag dahil sa pagkakasakit o pagkamatay ng isang mahal sa buhay. Maaaring nadarama mo ang gaya ng nadama ng mabuting taong si Job, na nagsabing siya ay “tigmak ng kapighatian.”​—Job 10:15.

Tanungin ang iyong sarili:

  • Ito ba ang layunin ng Diyos para sa akin at sa buong sangkatauhan?

  • Saan ako makasusumpong ng tulong para malutas ang mga problema ko?

  • May pag-asa pa kayang makita natin ang kapayapaan sa lupa?

Ang Bibliya ay nagbibigay ng kasiya-siyang mga sagot sa mga tanong na ito.

ITINUTURO NG BIBLIYA NA PAIIRALIN NG DIYOS ANG MGA KALAGAYANG ITO SA LUPA.

“Papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.”​—Apocalipsis 21:4

“Aakyat ang pilay na gaya ng lalaking usa.”​—Isaias 35:6

“Madidilat ang mga mata ng mga bulag.”​—Isaias 35:5

“Ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay . . . lalabas.” —Juan 5:28, 29

“Walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’ ”​—Isaias 33:24

“Magkakaroon ng saganang butil sa lupa.”​—Awit 72:16

MAKINABANG SA ITINUTURO NG BIBLIYA

Huwag kaagad ipagpalagay na ang inihaharap sa naunang mga pahina ay pangangarap lamang nang gising. Nangako ang Diyos na tutuparin niya ang mga bagay na ito, at ipinaliliwanag ng Bibliya kung paano niya gagawin ito.

Ngunit higit pa riyan ang maitutulong ng Bibliya. Inilalaan nito ang susi sa pagtatamasa mo ng isang tunay na kasiya-siyang buhay maging sa ngayon. Pag-isipan mo sandali ang iyong mga kabalisahan at mga problema. Maaaring kabilang dito ang kawalan ng pera, problema sa pamilya, mahinang kalusugan, o pagkamatay ng isang minamahal. Matutulungan ka ng Bibliya na harapin ang mga problema sa ngayon, at mabibigyan ka nito ng kaginhawahan sa pamamagitan ng pagsagot sa mga tanong na tulad nito:

  • Bakit tayo nagdurusa?

  • Paano natin mahaharap ang mga kabalisahan sa buhay?

  • Paano magiging mas maligaya ang ating buhay pampamilya?

  • Ano ang nangyayari sa atin kapag namatay tayo?

  • Makikita pa kaya nating muli ang ating mga mahal sa buhay na namatay na?

  • Paano tayo makatitiyak na tutuparin ng Diyos ang kaniyang mga pangako para sa hinaharap?

Ang pagbabasa mo ng aklat na ito ay nagpapakitang nais mong malaman ang itinuturo ng Bibliya. Matutulungan ka ng aklat na ito. Mapapansin mo na ang mga parapo ay may katumbas na mga tanong. Milyun-milyon na ang nasiyahan sa paggamit ng tanong-sagot na pamamaraan kapag tinatalakay ang Bibliya kasama ng mga Saksi ni Jehova. Umaasa kaming masisiyahan ka rin dito. Nawa’y pagpalain ka ng Diyos habang tinatamasa mo ngayon ang kapana-panabik at kasiya-siyang karanasan na malaman kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya!