Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 17

Maging Malapít sa Diyos sa Panalangin

Maging Malapít sa Diyos sa Panalangin
  • Bakit tayo dapat manalangin sa Diyos?

  • Ano ang dapat nating gawin upang dinggin tayo ng Diyos?

  • Paano sinasagot ng Diyos ang ating mga panalangin?

Handang makinig “ang Maylikha ng langit at lupa” sa ating mga panalangin

1, 2. Bakit natin dapat ituring na isang malaking pribilehiyo ang panalangin, at bakit natin kailangang malaman kung ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol dito?

KUNG ihahambing sa napakalawak na uniberso, napakaliit lamang ng lupa. Sa katunayan, para kay Jehova, “ang Maylikha ng langit at lupa,” ang mga bansa ng sangkatauhan ay gaya ng isang maliit na patak ng tubig mula sa timba. (Awit 115:15; Isaias 40:15) Ngunit sinasabi ng Bibliya: “Si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya, sa lahat ng tumatawag sa kaniya sa katapatan. Ang nasa ng mga may takot sa kaniya ay kaniyang isasagawa, at ang kanilang paghingi ng tulong ay kaniyang diringgin.” (Awit 145:18, 19) Isip-isipin na lamang kung ano ang kahulugan niyan! Ang makapangyarihan-sa-lahat na Maylalang ay malapit sa atin at pakikinggan niya tayo kung ‘tatawag tayo sa kaniya sa katapatan.’ Kaylaking pribilehiyo nga natin na makalapit sa Diyos sa panalangin!

2 Subalit kung nais nating dinggin ni Jehova ang ating mga panalangin, kailangan tayong manalangin sa kaniya sa paraang sinasang-ayunan niya. Paano natin magagawa ito kung hindi natin nauunawaan ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa panalangin? Napakahalagang malaman natin kung ano ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa bagay na ito, sapagkat tinutulungan tayo ng panalangin na maging lalong malapít kay Jehova.

BAKIT TAYO DAPAT MANALANGIN KAY JEHOVA?

3. Ano ang isang mahalagang dahilan kung bakit tayo dapat manalangin kay Jehova?

3 Ang isang mahalagang dahilan kung bakit tayo dapat manalangin kay Jehova ay sapagkat inaanyayahan niya tayong gawin ito. Pinasisigla tayo ng kaniyang Salita: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:6, 7) Tiyak na hindi natin gustong ipagwalang-bahala ang gayong mabait na paglalaan sa atin ng Kataas-taasang Tagapamahala ng uniberso!

4. Paano napatitibay ng regular na pananalangin kay Jehova ang ating kaugnayan sa kaniya?

4 Ang isa pang dahilan kung bakit dapat manalangin ay sapagkat napatitibay ng regular na pananalangin kay Jehova ang ating kaugnayan sa kaniya. Ang tunay na magkakaibigan ay nag-uusap hindi lamang kapag may kailangan sila sa isa’t isa. Sa halip, ang matatalik na magkakaibigan ay interesado sa isa’t isa, at ang kanilang pagkakaibigan ay nagiging mas matibay habang malaya nilang ipinahahayag ang kanilang mga kaisipan, ikinababahala, at damdamin. Sa ilang aspekto, ganiyan din ang kalagayan kung tungkol sa pakikipag-ugnayan natin sa Diyos na Jehova. Sa tulong ng aklat na ito, marami kang natutuhan sa mga itinuturo ng Bibliya hinggil kay Jehova, sa kaniyang personalidad, at sa kaniyang mga layunin. Nakilala mo siya bilang isang tunay na persona. Ang panalangin ay nagbibigay sa iyo ng pagkakataong ipahayag ang iyong mga kaisipan at niloloob sa iyong makalangit na Ama. Habang ginagawa mo ito, napapalapít ka kay Jehova.​—Santiago 4:8.

ANONG MGA KAHILINGAN ANG DAPAT NATING MAABOT?

5. Ano ang nagpapakita na hindi dinirinig ni Jehova ang lahat ng panalangin?

5 Dinirinig ba ni Jehova ang lahat ng panalangin? Isaalang-alang kung ano ang sinabi niya sa rebelyosong mga Israelita noong panahon ni propeta Isaias: “Kahit nananalangin kayo ng marami, hindi ako nakikinig; ang inyo mismong mga kamay ay napuno ng pagbububo ng dugo.” (Isaias 1:15) Kaya maaaring hindi pakinggan ng Diyos ang ating mga panalangin dahil sa ilang bagay na ginagawa natin. Kung gayon, upang pakinggan ng Diyos nang may pagsang-ayon ang ating mga panalangin, kailangan nating maabot ang ilang pangunahing mga kahilingan.

6. Upang dinggin ng Diyos ang ating mga panalangin, ano ang isang pangunahing kahilingan, at paano natin ito maaabot?

6 Ang isang pangunahing kahilingan ay na magkaroon tayo ng pananampalataya. (Marcos 11:24) Sumulat si apostol Pablo: “Kung walang pananampalataya ay imposibleng palugdan [ang Diyos] nang lubos, sapagkat siya na lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya nga ay umiiral at na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Ang pagkakaroon ng tunay na pananampalataya ay hindi lamang basta pagkilala na umiiral ang Diyos at na pinakikinggan at sinasagot niya ang mga panalangin. Ang pananampalataya ay pinatutunayan sa pamamagitan ng ating mga gawa. Dapat nating ipakita ang malinaw na katibayan na may pananampalataya tayo sa pamamagitan ng paraan ng ating pamumuhay sa araw-araw.​—Santiago 2:26.

7. (a) Bakit tayo dapat maging magalang kapag nakikipag-usap kay Jehova sa panalangin? (b) Kapag nananalangin sa Diyos, paano natin maipakikita ang kapakumbabaan at kataimtiman?

7 Hinihiling din ni Jehova sa mga lumalapit sa kaniya sa panalangin na gawin ito nang may kapakumbabaan at kataimtiman. Hindi ba’t may dahilan tayo upang maging mapagpakumbaba kapag nakikipag-usap kay Jehova? Kapag nagkaroon ng pagkakataon ang mga tao na makausap ang isang hari o presidente, kadalasan nang ginagawa nila ito sa magalang na paraan, anupat kinikilala ang mataas na posisyon ng tagapamahala. Kung gayon, lalo tayong dapat maging magalang kapag lumalapit kay Jehova! (Awit 138:6) Sa katunayan, siya ang “Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” (Genesis 17:1) Kapag nananalangin tayo sa Diyos, dapat makita sa ating paraan ng paglapit sa kaniya na mapagpakumbaba nating kinikilala ang ating katayuan sa harap niya. Ang gayong kapakumbabaan ay tutulong din sa atin na manalangin nang taimtim mula sa ating puso, anupat iniiwasan ang rutin at paulit-ulit na mga panalangin.​—Mateo 6:7, 8.

8. Paano tayo kikilos alinsunod sa ating idinadalangin?

8 Ang isa pang kahilingan upang dinggin tayo ng Diyos ay kumilos tayo alinsunod sa ating mga panalangin. Inaasahan ni Jehova na gagawin natin ang ating buong makakaya upang kumilos alinsunod sa ating ipinananalangin. Halimbawa, kung idinadalangin natin na, “Ibigay mo sa amin ngayon ang aming tinapay para sa araw na ito,” kailangan nating magpagal sa anumang makukuhang trabaho na kaya nating gawin. (Mateo 6:11; 2 Tesalonica 3:10) Kung nananalangin tayo na tulungan tayong mapagtagumpayan ang isang kahinaan sa laman, dapat tayong maging maingat upang maiwasan ang mga kalagayan at mga situwasyon na maaaring umakay sa atin sa tukso. (Colosas 3:5) Bukod sa pangunahing mga kahilingang ito, may mga tanong tungkol sa panalangin na kailangan nating sagutin.

PAGSAGOT SA ILANG KATANUNGAN HINGGIL SA PANALANGIN

9. Kanino tayo dapat manalangin, at sa pamamagitan nino?

9 Kanino tayo dapat manalangin? Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na manalangin sa “Ama [natin] na nasa langit.” (Mateo 6:9) Kung gayon, sa Diyos na Jehova lamang tayo dapat manalangin. Gayunman, hinihiling ni Jehova na kilalanin natin ang posisyon ng kaniyang bugtong na Anak, si Jesu-Kristo. Gaya ng natutuhan natin sa Kabanata 5, isinugo si Jesus dito sa lupa upang tubusin tayo sa kasalanan at kamatayan. (Juan 3:16; Roma 5:12) Siya ang hinirang na Mataas na Saserdote at Hukom. (Juan 5:22; Hebreo 6:20) Kaya naman, sinasabi sa atin ng Kasulatan na manalangin tayo sa pamamagitan ni Jesus. Siya mismo ang nagsabi: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” (Juan 14:6) Upang dinggin ang ating mga panalangin, kay Jehova lamang tayo dapat manalangin sa pamamagitan ng kaniyang Anak.

10. Bakit walang hinihiling na espesipikong posisyon kapag nananalangin tayo?

10 May kinakailangan bang espesipikong posisyon kapag nananalangin tayo? Wala. Walang hinihiling si Jehova na anumang espesipikong posisyon, ng kamay man o ng buong katawan. Itinuturo ng Bibliya na kaayaayang manalangin sa iba’t ibang posisyon. Kabilang dito ang nakaupo, nakayuko, nakaluhod, at nakatayo. (1 Cronica 17:16; Nehemias 8:6; Daniel 6:10; Marcos 11:25) Ang talagang mahalaga ay, hindi ang isang espesipikong posisyon na nakikita ng iba, kundi ang tamang saloobin ng puso. Sa katunayan, sa araw-araw na gawain natin o kapag napapaharap tayo sa kagipitan, maaari tayong manalangin nang tahimik saanman tayo naroroon. Dinirinig ni Jehova ang gayong mga panalangin bagaman hindi napapansin ng mga nasa paligid natin na nananalangin tayo.​—Nehemias 2:1-6.

11. Ano ang ilang personal na bagay na angkop na ipanalangin natin?

11 Ano ang maaari nating idalangin? Ganito ang paliwanag ng Bibliya: “Anumang bagay ang hingin natin ayon sa kaniyang kalooban, tayo ay pinakikinggan niya [ni Jehova].” (1 Juan 5:14) Kaya maaari nating ipanalangin ang anumang bagay na ayon sa kalooban ng Diyos. Kalooban ba niya na ipanalangin natin ang personal na mga bagay na ikinababahala natin? Oo naman! Ang pananalangin kay Jehova ay maihahalintulad sa pakikipag-usap sa isang matalik na kaibigan. Maaari tayong magsalita nang may kalayaan, anupat ‘ibinubuhos ang ating puso’ sa Diyos. (Awit 62:8) Angkop na humiling tayo ng banal na espiritu, sapagkat tutulong ito sa atin na gawin ang tama. (Lucas 11:13) Maaari rin tayong humiling ng patnubay upang makagawa ng matatalinong pasiya at ng lakas upang maharap ang mga suliranin. (Santiago 1:5) Kapag nagkakasala tayo, dapat tayong humingi ng kapatawaran salig sa hain ni Kristo. (Efeso 1:3, 7) Sabihin pa, hindi lamang personal na mga bagay ang dapat maging paksa ng ating mga panalangin. Dapat nating palawakin ang ating mga panalangin upang ilakip ang ibang mga tao​—mga miyembro ng pamilya gayundin ang mga kapananampalataya.​—Gawa 12:5; Colosas 4:12.

12. Paano natin maaaring unahin sa ating mga panalangin ang mga bagay na may kaugnayan sa ating makalangit na Ama?

12 Dapat nating unahin sa ating mga panalangin ang mga bagay na may kaugnayan sa Diyos na Jehova. Tiyak na may dahilan tayo upang ipahayag ang taos-pusong papuri at pasasalamat sa kaniya dahil sa lahat ng kabutihan niya. (1 Cronica 29:10-13) Ibinigay ni Jesus ang modelong panalangin, na nakaulat sa Mateo 6:9-13, kung saan itinuro niya sa atin na idalangin natin na pakabanalin nawa ang pangalan ng Diyos, samakatuwid nga, ituring itong sagrado, o banal. Ang sumunod na binanggit niya ay na dumating nawa ang Kaharian ng Diyos at na mangyari nawa ang kaniyang kalooban sa lupa kung paano sa langit. Pagkatapos banggitin ang mahahalagang bagay na ito tungkol kay Jehova, saka lamang binigyang-pansin ni Jesus ang personal na mga bagay. Kapag iniuukol din natin sa Diyos ang pinakamahalagang dako sa ating mga panalangin, ipinakikita natin na interesado tayo hindi lamang sa ating sariling kapakanan.

13. Ano ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa haba ng kaayaayang mga panalangin?

13 Gaano ba dapat kahaba ang ating mga panalangin? Walang ibinigay na anumang limitasyon ang Bibliya kung gaano kahaba dapat ang pribado o pampublikong mga panalangin. Maaari itong isang maikling panalangin bago kumain o isang mahabang pribadong panalangin kung saan ibinubuhos natin ang ating puso kay Jehova. (1 Samuel 1:12, 15) Gayunman, hinatulan ni Jesus ang mapagmatuwid-sa-sariling mga indibiduwal na gumagawa ng mahaba at pakitang-taong mga panalangin sa harap ng iba. (Lucas 20:46, 47) Hindi humahanga si Jehova sa gayong mga panalangin. Ang mahalaga ay manalangin tayo mula sa ating puso. Kaya naman, ang haba ng kaayaayang mga panalangin ay maaaring iba-iba depende sa mga pangangailangan at mga kalagayan.

Naririnig ang iyong panalangin sa anumang pagkakataon

14. Ano ang ibig sabihin ng Bibliya kapag pinasisigla tayo nito na “manalangin nang patuluyan,” at ano ang nakaaaliw sa bagay na ito?

14 Gaano tayo kadalas dapat manalangin? Pinasisigla tayo ng Bibliya na “manalangin nang patuluyan,” na “magmatiyaga . . . sa pananalangin,” at “manalangin . . . nang walang lubay.” (Mateo 26:41; Roma 12:12; 1 Tesalonica 5:17) Sabihin pa, ang mga pananalitang ito ay hindi naman nangangahulugang dapat tayong manalangin kay Jehova sa bawat sandali. Sa halip, hinihimok tayo ng Bibliya na manalangin nang regular, anupat patuluyang pinasasalamatan si Jehova dahil sa kaniyang kabutihan sa atin at umaasa sa kaniya para sa patnubay, kaaliwan, at lakas. Hindi ba’t nakaaaliw malaman na hindi nililimitahan ni Jehova kung gaano kahaba o kadalas tayo maaaring makipag-usap sa kaniya sa panalangin? Kung talagang pinahahalagahan natin ang pribilehiyo ng panalangin, makasusumpong tayo ng maraming pagkakataon upang manalangin sa ating makalangit na Ama.

15. Bakit tayo dapat magsabi ng “Amen” sa pagtatapos ng personal at pampublikong mga panalangin?

15 Bakit tayo dapat magsabi ng “Amen” sa pagtatapos ng panalangin? Ang salitang “amen” ay nangangahulugang “tiyak,” o “mangyari nawa.” Ipinakikita ng mga halimbawa sa Kasulatan na angkop na magsabi ng “Amen” sa pagtatapos ng personal o pampublikong mga panalangin. (1 Cronica 16:36; Awit 41:13) Sa pagsasabi ng “Amen” sa pagtatapos ng ating panalangin, ipinahahayag nating taimtim ang ating mga pananalita. Kapag sinasabi natin ang “Amen”​—tahimik man o malakas—​sa pagtatapos ng pampublikong panalangin, ipinakikita natin na sumasang-ayon tayo sa mga kaisipang ipinahayag.​—1 Corinto 14:16.

KUNG PAANO SINASAGOT NG DIYOS ANG ATING MGA PANALANGIN

16. Sa ano tayo makapagtitiwala kung tungkol sa panalangin?

16 Talaga bang sinasagot ni Jehova ang mga panalangin? Oo, gayon nga! May matibay na saligan tayo para magtiwalang sinasagot ng “Dumirinig ng panalangin” ang taimtim na mga panalangin ng milyun-milyong tao. (Awit 65:2) Maaaring sagutin ni Jehova ang ating mga panalangin sa iba’t ibang paraan.

17. Bakit masasabing ginagamit ng Diyos ang kaniyang mga anghel at ang mga lingkod niya rito sa lupa upang sagutin ang ating mga panalangin?

17 Ginagamit ni Jehova ang kaniyang mga anghel at ang kaniyang mga lingkod dito sa lupa upang sagutin ang mga panalangin. (Hebreo 1:13, 14) Marami nang karanasan ng mga indibiduwal na nanalangin sa Diyos na tulungan silang maunawaan ang Bibliya at di-nagtagal ay natagpuan sila ng isa sa mga lingkod ni Jehova. Pinatutunayan ng gayong mga karanasan ang patnubay ng mga anghel sa pangangaral ng Kaharian. (Apocalipsis 14:6) Upang sagutin ang ating mga panalangin sa panahon ng kagipitan, maaaring udyukan ni Jehova ang isang Kristiyano na tulungan tayo.​Kawikaan 12:25; Santiago 2:16.

Bilang tugon sa ating mga panalangin, maaaring udyukan ni Jehova ang isang Kristiyano na tulungan tayo

18. Paano ginagamit ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu at ang kaniyang Salita upang sagutin ang mga panalangin ng kaniyang mga lingkod?

18 Ginagamit din ng Diyos na Jehova ang kaniyang banal na espiritu at ang kaniyang Salita, ang Bibliya, upang sagutin ang mga panalangin ng mga lingkod niya. Maaari niyang sagutin ang ating mga panalangin na tulungan tayong maharap ang mga pagsubok sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng patnubay at lakas sa tulong ng kaniyang banal na espiritu. (2 Corinto 4:7) Kadalasan na ang sagot sa ating mga panalangin para sa patnubay ay nagmumula sa Bibliya, kung saan tinutulungan tayo ni Jehova na gumawa ng matatalinong pasiya. Maaaring masumpungan natin ang nakatutulong na mga kasulatan sa panahon ng ating personal na pag-aaral ng Bibliya at habang nagbabasa tayo ng mga publikasyong Kristiyano, gaya ng aklat na ito. Ang mga punto sa Kasulatan na kailangan nating isaalang-alang ay maaaring maitawag-pansin sa atin sa pamamagitan ng mga tinatalakay sa Kristiyanong pagpupulong o sa pamamagitan ng mga komento ng isang nagmamalasakit na matanda sa kongregasyon.​—Galacia 6:1.

19. Ano ang dapat nating tandaan kapag waring hindi sinasagot kung minsan ang ating mga panalangin?

19 Kapag waring naaantala si Jehova sa pagsagot sa ating mga panalangin, hindi naman ito nangangahulugang hindi niya kayang sagutin ang mga ito. Sa halip, dapat nating tandaan na sinasagot ni Jehova ang mga panalangin ayon sa kaniyang kalooban at sa kaniyang takdang panahon. Di-hamak na mas alam niya kaysa sa atin kung ano ang mga kailangan natin at kung paano sasapatan ang mga ito. Kadalasan ay hinahayaan niya tayong ‘patuloy na humingi, maghanap, at kumatok.’ (Lucas 11:5-10) Sa gayong pagmamatiyaga, ipinakikita natin sa Diyos ang ating masidhing hangarin at tunay na pananampalataya. Karagdagan pa, maaaring sagutin ni Jehova ang ating mga panalangin sa paraang hindi natin namamalayan. Halimbawa, maaari niyang sagutin ang ating panalangin hinggil sa isang partikular na pagsubok, hindi sa pamamagitan ng pag-aalis sa suliranin, kundi sa pagbibigay sa atin ng lakas para mabata ito.​—Filipos 4:13.

20. Bakit natin dapat lubusang samantalahin ang mahalagang pribilehiyo ng panalangin?

20 Kaylaki ngang pasasalamat natin na ang Maylalang ng napakalawak na unibersong ito ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya sa tamang paraan sa pamamagitan ng panalangin! (Awit 145:18) Lubusan nawa nating samantalahin ang mahalagang pribilehiyo ng panalangin. Kung gagawin natin ito, magkakaroon tayo ng maligayang pag-asa na maging lalong malapít kay Jehova, ang Dumirinig ng panalangin.