Liham Mula sa Lupong Tagapamahala
Mahal Naming mga Kapatid na Umiibig kay Jehova:
Taóng 1971 noon. Napakasaya ng mga dumalo sa “Divine Name” na Pandistritong Asamblea dahil nakatanggap sila ng bagong mga publikasyon. Inilarawan ang mga publikasyong ito na “higit pa sa inaasahan ng sinuman.” Tungkol sa isa sa mga publikasyon, sinabi ng isang brother: “Sa lahat ng natanggap namin, ito ang pinakakapana-panabik na sulyap sa mga mangyayari sa hinaharap!” Ano ang tinutukoy niya? Ito ang aklat na “The Nations Shall Know That I Am Jehovah”—How? Bakit sila tuwang-tuwa sa aklat na ito? Dahil mababasa rito ang paglilinaw sa mga hula na nasa aklat ng Bibliya na Ezekiel—mga hulang makakaapekto sa kinabukasan ng lahat ng tao.
Mula nang ilabas ang aklat na ‘Know Jehovah,’ mabilis na dumami ang mga lingkod ng Diyos—ang mga 1.5 milyon ay naging mahigit 8 milyon. (Isa. 60:22) Sa kabuoan, ang milyon-milyong lingkod ni Jehova ay nagsasalita ng mahigit 900 wika. (Zac. 8:23) Marami sa kanila ang hindi nagkaroon ng pagkakataong pag-aralan ang isang aklat na may detalyadong paliwanag sa mga hulang iniulat ni propeta Ezekiel.
Bukod diyan, mula 1971, ang ating unawa sa maraming katotohanan sa Bibliya ay lalong lumilinaw habang ang liwanag ay patuloy na lumiliwanag. (Kaw. 4:18) Noong 1985, naging malinaw sa atin na ang “ibang mga tupa” ay ipinahahayag na matuwid bilang mga kaibigan ng Diyos. (Juan 10:16; Roma 5:18; Sant. 2:23) At noong 1995, naunawaan natin na ang paghatol sa mga tao bilang “tupa” o “kambing” ay mangyayari sa darating na “malaking kapighatian.” (Mat. 24:21; 25:31, 32) Ang lahat ng ito ay may epekto sa pag-unawa natin sa aklat ng Ezekiel.
“Anak ng tao, tumingin ka at makinig na mabuti, at bigyang-pansin mo ang lahat ng ipapakita ko sa iyo, dahil iyan ang dahilan kung bakit ka dinala rito.”—EZEKIEL 40:4
Nitong nakalipas na mga taon, ang liwanag ay patuloy pang lumiwanag. Isipin ang mga aral sa ilustrasyon ni Jesus. Marami sa mga iyon ay naging napakalinaw sa isip at puso natin, na ang ilan ay tumutukoy sa mga mangyayari sa nalalapit na malaking kapighatian. Sa katulad na paraan, may mga paglilinaw rin sa ating unawa sa ilang hula sa aklat ng Ezekiel. Kasama sa mga ito ang tungkol kay Gog ng Magog (kabanata 38 at 39), ang gagawin ng lalaking may tintero ng kalihim (kabanata 9), at ang kapatagan ng tuyong mga buto at ang makasagisag na pagdidikit ng dalawang patpat (kabanata 37). Dahil sa mga paglilinaw na ito, may mga pagbabago na rin sa nilalaman ng aklat na ‘Know Jehovah.’
Kaya maraming lingkod ni Jehova ang nagtatanong, “Kailan tayo magkakaroon ng aklat na magbibigay ng bagong paliwanag sa mga hula ni Ezekiel?” Ang aklat na Ibinalik ang Dalisay na Pagsamba kay Jehova ang sagot sa kahilingang iyan. Habang binabasa mo ang 22 kabanata nito at tinitingnan ang magagandang larawan, mamamangha ka sa ginawang pagsasaliksik para maihanda ang aklat na ito. Ipinanalangin at pinag-isipang mabuti kung bakit inilaan ni Jehova ang kamangha-manghang aklat ng Bibliya na Ezekiel. Maingat na isinaalang-alang ang mga tanong na gaya ng: Anong mga aral ang makikita sa aklat ng Ezekiel para sa mga nabuhay noong panahon niya at para sa atin? Anong mga hula ang may katuparan sa hinaharap? Dapat ba tayong maghanap
dito ng tipiko at antitipikong paglalarawan? Matutulungan tayo ng sagot sa mga tanong na iyan para malaman ang pinakamalinaw na paliwanag sa ngayon tungkol sa kapana-panabik na aklat na ito ng Bibliya.Sa pagbabasa mo ng aklat ng Ezekiel mula simula hanggang katapusan, siguradong hahanga ka sa makalangit na bahagi ng organisasyon ni Jehova. Mamamangha ka rin sa matataas na pamantayan niya para sa mga nasa langit at nasa lupa na gustong sumamba sa kaniya. Sa tulong ng aklat na Dalisay na Pagsamba, mas mapahahalagahan mo ang mga ginawa na ni Jehova para sa bayan niya at ang mga gagawin pa niya sa malapit na hinaharap. Mapapansin mo rin na paulit-ulit na idiniriin sa aklat na ito ang dalawang punto. Una, para mapasaya si Jehova, dapat nating malaman at kilalanin na siya ang Kataas-taasan ng Uniberso. Ikalawa, dapat nating sambahin si Jehova sa paraang sinasang-ayunan niya at iayon ang ating buhay sa matataas na pamantayan niya.
Mapatibay sana ng publikasyong ito ang inyong determinasyon na sambahin si Jehova sa paraang nagpaparangal sa kaniyang dakila at banal na pangalan. At mapatibay rin sana kayo na patuloy na hintayin ang panahong malalaman ng lahat ng bansa na siya si Jehova.—Ezek. 36:23; 38:23.
Pagpalain sana ng ating mapagmahal na Ama, si Jehova, ang mga pagsisikap ninyong maunawaan ang aklat na ipinasulat niya kay propeta Ezekiel.
Ang inyong mga kapatid,
Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova