Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KAHON 14A

Mga Aral Mula sa Templong Nakita ni Ezekiel sa Pangitain

Mga Aral Mula sa Templong Nakita ni Ezekiel sa Pangitain

Itinaas at Iningatan ang Dalisay na Pagsamba

Ang templo sa pangitain ay itinaas sa “isang napakataas na bundok” (1). Itinaas na ba natin, o ginawang priyoridad, ang dalisay na pagsamba sa ating buhay?

Ang nakapalibot na pader (2) sa templo at sa malaking espasyo (3) ay nagpapaalaala sa atin na hindi natin dapat hayaang madungisan ng anumang bagay ang pagsamba natin kay Jehova. Kung ang mga bagay na “di-banal,” o ang pang-araw-araw na mga gawain na walang kaugnayan sa espirituwal, ay dapat ilayo sa dalisay na pagsamba, lalong dapat alisin ng isang lingkod ni Jehova sa ngayon ang marumi o imoral na paggawi!—Ezek. 42:20.

Walang-Hanggang mga Pagpapala

May maliit na ilog na umaagos mula sa santuwaryo ng templo (4); lumalim ito at nagbigay ng buhay at kasaganaan sa lupain. Ang mga pagpapalang ito ay tatalakayin sa Kabanata 19.

Iisang Pamantayan Para sa Lahat

Ang matataas na pintuang-daan ng malaking looban (5) at ng maliit na looban (9) ay nagpapaalaala sa atin na mataas ang pamantayan ni Jehova sa paggawi para sa lahat ng nagsasagawa ng dalisay na pagsamba. Pansinin na magkakapareho ang sukat ng mga pintuang-daan ng malaki at maliit na looban. Angkop iyan, dahil iisa lang ang pamantayan ni Jehova para sa lahat ng lingkod niya, anuman ang pribilehiyo o atas nila.

Kumakaing Kasama ni Jehova

Ang mga silid-kainan (8) ay nagpapaalaala sa atin na noon, puwedeng makisalo ang bayan sa ilang handog na dinadala nila sa templo, na para bang kumakain silang kasama ni Jehova. Iba ang kalagayan sa espirituwal na templo kung saan sumasamba ang mga Kristiyano sa ngayon, dahil naihandog na ang “isang handog.” (Heb. 10:12) Pero naghahandog pa rin tayo ng mga papuri.​—Heb. 13:15.

Garantiya Mula sa Diyos

Baka malula ka sa napakaraming sukat sa pangitain. Pero ito ang punto: Ang eksakto at di-mababagong mga sukat sa templo ay garantiya na siguradong matutupad ang layunin ni Jehova na ibalik ang dalisay na pagsamba. Walang nabanggit si Ezekiel na may nakita siyang mga tao sa pangitain, pero iniulat niya ang matinding payo ni Jehova para sa mga saserdote, mga pinuno, at sa bayan. Dapat itaguyod ng lahat ng lingkod ng Diyos ang matuwid na mga pamantayan Niya.