KABANATA 5
“Tingnan Mo ang Masama at Kasuklam-suklam na mga Bagay na Ginagawa Nila”
POKUS: Pagkasadlak ng apostatang Juda sa espirituwal na karumihan at sa kasamaan
1-3. Ano ang gusto ni Jehova na makita ni Ezekiel sa templo sa Jerusalem, at bakit? (Tingnan ang larawan at impormasyon sa Seksiyon 2.)
BILANG anak ng saserdote, bihasa si propeta Ezekiel sa Kautusang Mosaiko. Kaya pamilyar siya sa templo sa Jerusalem at sa dalisay na pagsamba kay Jehova na dapat isagawa roon. (Ezek. 1:3; Mal. 2:7) Pero ang nangyayari sa templo ni Jehova noong 612 B.C.E. ay kakila-kilabot para sa sinumang tapat na Judio, kasama na si Ezekiel.
2 Gusto ni Jehova na makita ni Ezekiel ang napakasamang nangyayari sa templo para masabi niya iyon sa “matatandang lalaki ng Juda,” ang mga Judiong tapon na naroon sa bahay niya noon. (Basahin ang Ezekiel 8:1-4; Ezek. 11:24, 25; 20:1-3) Sa pamamagitan ng banal na espiritu, dinala ni Jehova si Ezekiel (sa isang pangitain) mula sa bahay niya sa Tel-abib, malapit sa ilog ng Kebar sa Babilonya, papunta sa Jerusalem na mga ilang daang kilometro pakanluran. Inilagay ni Jehova ang propeta sa templo, sa hilagang pintuang-daan ng maliit na looban. Mula rito, inilibot siya ni Jehova sa templo sa pamamagitan ng pangitain.
3 Makikita ngayon ni Ezekiel ang apat na nakakakilabot na eksena na nagpapakita kung gaano na kasamâ ang kalagayan ng bayan sa espirituwal. Ano ang nangyari sa dalisay na pagsamba kay Jehova? At ano ang matututuhan natin sa pangitaing ito? Samahan natin si Ezekiel sa paglibot niya sa templo. Pero alamin muna natin kung ano ang makatuwirang asahan ni Jehova sa mga mananamba niya.
Ako ay “Diyos na Humihiling ng Bukod-Tanging Debosyon”
4. Ano ang kahilingan ni Jehova sa mga mananamba niya?
4 Mga siyam na siglo bago ang panahon ni Ezekiel, malinaw na sinabi ni Jehova ang kahilingan niya sa mga mananamba niya. Sa ikalawa sa Sampung Utos, sinabi niya sa mga Israelita: a “Akong si Jehova na iyong Diyos ay Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon.” (Ex. 20:5) Sa pananalitang “bukod-tanging debosyon,” ipinapakita ni Jehova na hindi niya kukunsintihin ang pagsamba sa ibang diyos. Gaya ng tinalakay sa Kabanata 2, ang unang kahilingan sa dalisay na pagsamba ay na si Jehova ang dapat na tumanggap ng ating pagsamba. Dapat na siya ang priyoridad sa buhay ng mga mananamba niya. (Ex. 20:3) Ibig sabihin, inaasahan ni Jehova na mananatili silang malinis sa espirituwal at hindi nila hahaluan ng huwad ang tunay na pagsamba. Noong 1513 B.C.E., kusang-loob na tinanggap ng mga Israelita ang pakikipagtipan ng Diyos. Sa paggawa nito, sumang-ayon silang magbigay kay Jehova ng bukod-tanging debosyon. (Ex. 24:3-8) Tapat si Jehova sa mga tipan niya, at inaasahan niyang magiging tapat din ang bayang katipan niya.—Deut. 7:9, 10; 2 Sam. 22:26.
5, 6. Bakit karapat-dapat si Jehova sa bukod-tanging debosyon ng mga Israelita?
5 Makatuwiran bang humiling si Jehova ng bukod-tanging debosyon sa mga Israelita? Oo! Siya ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat, ang Kataas-taasan ng Uniberso, at ang Bukal ng buhay at Tagatustos sa bayan niya. (Awit 36:9; Gawa 17:28) Siya rin ang Tagapagligtas ng mga Israelita. Nang ibigay niya ang Sampung Utos, ipinaalaala niya sa bayan: “Ako si Jehova na iyong Diyos, na naglabas sa iyo sa Ehipto, kung saan ka naging alipin.” (Ex. 20:2) Talagang dapat lang na walang kaagaw si Jehova sa puso ng mga Israelita.
6 Hindi nagbabago si Jehova. (Mal. 3:6) Lagi siyang humihiling ng bukod-tanging debosyon. Kaya isipin kung ano ang naramdaman niya sa apat na nakakakilabot na eksena na ipapakita niya ngayon sa pangitain kay Ezekiel.
Unang Eksena: Ang Idolatrosong Simbolo ng Pagseselos
7. (a) Ano ang ginagawa ng apostatang mga Judio sa hilagang pintuang-daan ng templo, at ano ang naging reaksiyon ni Jehova? (Tingnan ang larawan sa simula ng kabanata.) (b) Saan maihahalintulad ang pagseselos ni Jehova? (Tingnan ang talababa.)
7 Basahin ang Ezekiel 8:5, 6. Siguradong kinilabutan si Ezekiel sa nakita niya! Sa hilagang pintuang-daan ng templo, sumasamba ang apostatang mga Judio sa isang idolatrosong simbolo, o imahen. Posibleng isa itong sagradong poste na kumakatawan kay Asera, ang huwad na diyosa na itinuturing ng mga Canaanita bilang asawa ni Baal. Anuman iyon, hindi tinupad ng idolatrosong mga Israelita ang tipan nila kay Jehova. Sa halip na ibigay ang kanilang bukod-tanging debosyon kay Jehova na nararapat tumanggap nito, sumamba sila sa isang imahen. Pinagselos nila ang Diyos at ginalit siya. b (Deut. 32:16; Ezek. 5:13) Ang santuwaryo ng templo ay iniuugnay sa presensiya ni Jehova sa loob ng mahigit 400 taon. (1 Hari 8:10-13) Pero ngayon, dahil nagsasagawa sila ng idolatriya sa templo, ‘pinalalayo nila siya sa santuwaryo niya.’
8. Ano ang matututuhan natin mula sa simbolo ng pagseselos sa pangitain ni Ezekiel?
8 Ano ang matututuhan natin mula sa simbolo ng pagseselos sa pangitain ni Ezekiel? Ang Sangkakristiyanuhan ay gaya ng apostatang Juda. Laganap ang idolatriya sa mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan, kaya hindi tinatanggap ng Diyos ang anumang pagsamba na sinasabi nilang para sa kaniya. Dahil hindi nagbabago si Jehova, siguradong ginagalit din siya ng Sangkakristiyanuhan, gaya ng apostatang Juda. (Sant. 1:17) Tiyak na malayong-malayo si Jehova sa pilipit na Kristiyanismong ito!
9, 10. Ano ang matututuhan natin mula sa ulat tungkol sa mga sumasamba sa idolo sa templo?
9 Ano ang matututuhan natin mula sa ulat tungkol sa mga sumasamba sa idolo sa templo? Para makapagbigay ng bukod-tanging debosyon kay Jehova, dapat tayong “tumakas . . . mula sa idolatriya.” (1 Cor. 10:14) Baka maisip natin, ‘Hinding-hindi ako gagamit ng imahen o simbolo para sambahin si Jehova!’ Pero may iba’t ibang anyo ang idolatriya; ang ilan ay hindi masyadong halata. Sinasabi ng isang reperensiya sa Bibliya: “Puwedeng tawaging idolo ang anumang bagay na may halaga o impluwensiya kapag ito ang pangunahin sa atin imbes na ang Diyos.” Kaya puwedeng kasama sa idolatriya ang mga pag-aari, pera, sex, o libangan—anumang puwedeng maging priyoridad natin at umagaw ng bukod-tanging debosyon na nararapat kay Jehova. (Mat. 6:19-21, 24; Efe. 5:5; Col. 3:5) Dapat nating iwasan ang lahat ng anyo ng idolatriya dahil si Jehova lang ang may karapatan sa ating puso at sa ating pagsamba!—1 Juan 5:21.
10 Ang ipinakita ni Jehova sa unang eksena ay “napakasama at kasuklam-suklam na mga bagay.” Pero sinabi ni Jehova sa kaniyang tapat na propeta: “May makikita ka pang mas kasuklam-suklam sa mga ito.” Ano pa kaya ang mas malala sa pagsamba sa idolatrosong simbolo ng pagseselos sa templo?
Ikalawang Eksena: 70 Matatandang Lalaki na Naghahandog ng Insenso sa Huwad na mga Diyos
11. Anong nakakakilabot na mga bagay ang nakita ni Ezekiel pagpasok niya sa maliit na looban na malapit sa altar ng templo?
11 Basahin ang Ezekiel 8:7-12. Pagkatapos lakihan ni Ezekiel ang isang butas sa pader, pumasok siya roon at nakarating sa maliit na looban na malapit sa altar ng templo. Dito, nakita niyang nakaukit sa pader ang mga “gumagapang na nilikha at nakapandidiring hayop at ang lahat ng karima-rimarim na idolo.” c Lumalarawan ang mga ito sa huwad na mga diyos. Mas nakakakilabot pa ang sumunod na nakita ni Ezekiel: “70 mula sa matatandang lalaki ng sambahayan ng Israel” ang nakatayo “sa dilim” at naghahandog ng insenso sa huwad na mga diyos. Sa Kautusan, ang pagsusunog ng mabangong insenso ay kumakatawan sa katanggap-tanggap na panalangin ng tapat na mga mananamba. (Awit 141:2) Pero ang inihahandog ng 70 lalaking iyon sa huwad na mga diyos ay umaalingasaw para kay Jehova. Ang mga panalangin nila ay mabaho para sa kaniya. (Kaw. 15:8) Dinaraya ng mga lalaking ito ang sarili nila at iniisip: “Hindi tayo nakikita ni Jehova.” Pero nakita sila ni Jehova, at ipinakita pa nga niya kay Ezekiel kung ano ang ginagawa nila sa Kaniyang templo!
12. Bakit dapat tayong maging tapat kahit “sa dilim”? Sino ang lalo nang dapat magpakita ng mabuting halimbawa rito?
12 Ano ang matututuhan natin sa ulat na ito ni Ezekiel? Para pakinggan ng Diyos ang panalangin natin—at para manatiling dalisay ang pagsamba natin sa kaniya—dapat tayong maging tapat kahit “sa dilim.” (Kaw. 15:29) Tandaan na nakikita ni Jehova ang lahat ng ginagawa natin. Kung totoo sa atin si Jehova, hindi tayo gagawa ng anumang ayaw niya kapag mag-isa lang tayo. (Heb. 4:13) Ang mga elder sa kongregasyon ang lalo nang dapat magpakita ng mabuting halimbawa sa pamumuhay bilang Kristiyano. (1 Ped. 5:2, 3) Makatuwiran lang na asahan ng kongregasyon na ang elder na nakatayo sa harapan at nangunguna sa kanila sa mga pulong ay namumuhay ayon sa mga simulain ng Bibliya kahit “sa dilim,” o kahit walang ibang nakakakita sa kaniya.—Awit 101:2, 3.
Ikatlong Eksena: “Mga Babaeng . . . Iniiyakan ang Diyos na si Tamuz”
13. Ano ang nakita ni Ezekiel na ginagawa ng apostatang mga babae sa isang pintuang-daan ng templo?
13 Basahin ang Ezekiel 8:13, 14. Pagkatapos ng dalawang kasuklam-suklam na eksena, sinabi ulit ni Jehova kay Ezekiel: “May makikita ka pang mas kasuklam-suklam na mga bagay na ginagawa nila.” Ano ang sumunod na nakita ng propeta? “Sa pasukan ng hilagang pintuang-daan ng bahay ni Jehova,” may nakita siyang “mga babaeng nakaupo at iniiyakan ang diyos na si Tamuz.” Si Tamuz, isang diyos ng Mesopotamia, ay tinatawag ding Dumuzi sa mga akdang Sumeryano at kinikilalang ang mangingibig ng diyosa ng pag-aanak na si Ishtar. d Lumilitaw na ang pag-iyak ng mga babaeng Israelita ay bahagi ng relihiyosong ritwal na may kaugnayan sa kamatayan ni Tamuz. Sa paggawa nito sa templo ni Jehova, ang mga babaeng ito ay nagsasagawa ng paganong ritwal sa sentro ng dalisay na pagsamba. Pero hindi nagiging banal ang isang paganong gawain dahil lang sa ginagawa ito sa templo ng Diyos. Para kay Jehova, “kasuklam-suklam” ang ginagawa ng apostatang mga babaeng iyon.
14. Ano ang matututuhan natin sa pananaw ni Jehova sa ginagawa ng apostatang mga babae?
14 Ano ang matututuhan natin sa pananaw ni Jehova sa ginagawa ng mga babaeng iyon? Para manatiling dalisay ang pagsamba natin, huwag natin itong haluan ng maruruming paganong gawain. Kaya hindi tayo makikibahagi sa mga pagdiriwang na may paganong pinagmulan. Mahalaga ba talaga ang pinagmulan? Oo! Baka parang wala namang masama sa mga gawain ngayon na may kaugnayan sa ilang pagdiriwang gaya ng Pasko at Easter. Pero tandaan na nakita mismo ni Jehova ang paganong pinagmulan ng mga pagdiriwang sa ngayon. Para kay Jehova, kasuklam-suklam pa rin ang paganong mga gawain kahit pa lumipas na ang mahabang panahon o inihalo ito ng ilan sa dalisay na pagsamba.—2 Cor. 6:17; Apoc. 18:2, 4.
Ikaapat na Eksena: 25 Lalaki na “Niyuyukuran . . . ang Araw”
15, 16. Ano ang ginagawa ng 25 lalaki sa maliit na looban ng templo? Bakit napakasakit para kay Jehova ng ginawa nila?
15 Basahin ang Ezekiel 8:15-18. Sinimulan ni Jehova ang ikaapat at huling eksena sa pamilyar na pananalita: “May makikita ka pang kasuklam-suklam na mga bagay na mas masahol pa sa mga ito.” Baka naisip ng propeta: ‘Ano pa kaya ang mas masahol sa mga nakita ko?’ Si Ezekiel ngayon ay nasa maliit na looban ng templo. Doon, sa pasukan ng templo, may nakita siyang 25 lalaki na yumuyukod para sambahin ang “araw sa silangan.” Napakasakit ng ginawa ng mga lalaking ito kay Jehova. Bakit?
16 Isipin ang eksena: Ang pasukan sa templo ng Diyos ay nakaharap sa silangan. Ang mga mananamba na pumapasok dito ay nakaharap sa kanluran at nakatalikod sa sikatan ng araw sa silangan. Pero ang 25 lalaki sa pangitain ay “nakatalikod sa templo” at nakaharap sa silangan para sambahin ang araw. Sa diwa, tinalikuran nila si Jehova, dahil ang templong iyon ang “bahay ni Jehova.” (1 Hari 8:10-13) Mga apostata ang 25 lalaking iyon. Binale-wala nila si Jehova, at nilabag nila ang utos sa Deuteronomio 4:15-19. Talagang sinaktan nila ang Diyos na karapat-dapat sa bukod-tanging debosyon!
Karapat-dapat si Jehova sa bukod-tanging debosyon ng mga mananamba niya
17, 18. (a) Ano ang matututuhan natin sa ulat tungkol sa mga mananamba ng araw sa templo? (b) Anong mga kaugnayan ang nasira ng apostatang mga Israelita, at bakit?
17 Ano ang matututuhan natin sa ulat tungkol sa mga mananamba ng araw? Para manatiling dalisay ang pagsamba natin, kay Jehova tayo dapat umasa para sa espirituwal na kaliwanagan. Tandaan, “ang Diyos na Jehova ay araw,” at ang kaniyang Salita ay “liwanag” sa landas natin. (Awit 84:11; 119:105) Sa pamamagitan ng kaniyang Salita at salig-Bibliyang mga publikasyon mula sa kaniyang organisasyon, pinagliliwanag niya ang ating puso at isip—ipinapakita niya sa atin kung paano magkakaroon ng masayang buhay ngayon at ng buhay na walang hanggan sa hinaharap. Kung aasa tayo sa mundong ito para sa kaliwanagan, para na rin nating tinalikuran si Jehova, at masasaktan natin siya. Ayaw na ayaw nating mangyari iyan! Ang pangitain ni Ezekiel ay isa ring babala sa atin na iwasan ang mga tumatalikod sa katotohanan—ang mga apostata.—Kaw. 11:9.
18 Natalakay natin ang nakita ni Ezekiel na apat na nakakakilabot na eksena na nagpapakita kung gaano na karumi sa espirituwal ang apostatang Juda. Nang maging marumi sila sa espirituwal, nasira ang kaugnayan nila sa Diyos. At ang pagiging marumi sa espirituwal ay nauugnay sa paglihis sa kabutihan. Kaya hindi nakapagtataka na ang apostatang mga Israelita ay nakagawa ng iba’t ibang kasamaan na sumira sa kaugnayan nila sa Diyos, pati na rin sa kanilang kapuwa. Tingnan natin ngayon kung paano inilarawan ni propeta Ezekiel, sa patnubay ng banal na espiritu, ang pagkasadlak ng apostatang Juda sa kasamaan.
Paglihis sa Kabutihan—“Mahalay na Gawain”
19. Paano inilarawan ni Ezekiel kung gaano kasamâ ang bayang katipan ni Jehova?
19 Basahin ang Ezekiel 22:3-12. Laganap ang kasamaan sa bayan—mula sa mga namumuno hanggang sa mga mamamayan. Ginagamit ng mga “pinuno” ang awtoridad nila para pumatay. Sa pangkalahatan, tinutularan ng bayan ang mga pinuno nila sa pagbale-wala sa Kautusan ng Diyos. “Hinahamak” ng mga anak ang mga magulang nila, at pangkaraniwan ang insesto. Dinaraya ng rebeldeng mga Israelita ang mga dayuhan at inaapi ang mga ulila at mga biyuda. Nakikipagtalik ang mga Israelita sa asawa ng kapuwa nila. Sakim ang bayan at laganap ang panunuhol, pangingikil, at labis na pagpapatong ng interes sa utang. Siguradong nasaktan si Jehova na tinapak-tapakan ng bayang katipan niya ang Kautusan, na ibinigay niya sa kanila dahil sa pag-ibig. Para kay Jehova, para na rin nila siyang iniwan. Sinabi ni Jehova kay Ezekiel na sabihin sa masamang bayan: “Talagang kinalimutan mo na ako.”
20. Ano ang matututuhan natin sa mga sinabi ni Ezekiel tungkol sa kasamaan ng Juda?
20 Ano ang matututuhan natin sa mga sinabi ni Ezekiel tungkol sa kasamaan ng Juda? Ang masamang mundo na kinabubuhayan natin ngayon ay gaya ng apostatang Juda. Inaabuso ng mga namamahala ang kapangyarihan nila at inaapi ang karaniwang mga tao. Binasbasan ng mga lider ng relihiyon—partikular na ng klero ng Sangkakristiyanuhan—ang mga digmaan na pumatay sa milyon-milyon. Pinilipit ng klero ang dalisay at malinaw na pamantayan ng Bibliya tungkol sa sekso. Kaya naman pababa nang pababa ang pamantayan ng mundo. Siguradong sasabihin din ni Jehova sa Sangkakristiyanuhan ang sinabi niya sa apostatang Juda: “Talagang kinalimutan mo na ako.”
21. Ano ang matututuhan natin mula sa masamang paggawi ng Juda?
21 Bilang bayan ni Jehova, ano ang matututuhan natin mula sa masamang paggawi ng Juda? Para maging katanggap-tanggap ang pagsamba natin kay Jehova, dapat tayong manatiling malinis sa lahat ng ating paggawi. Hindi iyan madali sa masamang mundong ito. (2 Tim. 3:1-5) Pero alam natin ang nadarama ni Jehova sa lahat ng karumihan. (1 Cor. 6:9, 10) Sinusunod natin ang mga pamantayan ni Jehova dahil mahal natin siya at ang mga kautusan niya. (Awit 119:97; 1 Juan 5:3) Kung magiging marumi tayo, ipinapakita nitong hindi natin mahal ang ating banal at malinis na Diyos. Ayaw nating magkaroon ng dahilan si Jehova para sabihin sa atin: “Talagang kinalimutan mo na ako.”
22. (a) Matapos pag-aralan ang pagbubunyag ni Jehova tungkol sa sinaunang Juda, ano ang determinado mong gawin? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na kabanata?
22 Marami tayong natutuhan mula sa pagbubunyag ni Jehova sa espirituwal na karumihan at sa kasamaan ng sinaunang Juda. Siguradong mas determinado pa tayong ibigay kay Jehova ang bukod-tanging debosyon na talagang nararapat sa kaniya. Para magawa iyan, dapat nating iwasan ang lahat ng anyo ng idolatriya at panatilihing malinis ang paggawi natin. Pero ano ang ginawa ni Jehova sa kaniyang di-tapat na bayan? Sa pagtatapos ng paglilibot ni Ezekiel sa templo, sinabi ni Jehova sa kaniya: “Sa galit ko ay kikilos ako.” (Ezek. 8:17, 18) Gusto nating malaman ang ginawa ni Jehova sa di-tapat na Juda, dahil ganiyan din ang magiging hatol sa masamang mundong ito. Tatalakayin sa susunod na kabanata kung paano natupad ang mga hula ng paghatol ni Jehova laban sa Juda.
a Sa aklat ng Ezekiel, ang terminong “Israel” ay kadalasang tumutukoy sa mga nakatira sa Jerusalem at Juda.—Ezek. 12:19, 22; 18:2; 21:2, 3.
b Makikita sa paggamit ng salitang “pagseselos” kung gaano kahalaga kay Jehova ang pagiging tapat sa kaniya. Maiisip natin ang pagseselos ng isang lalaki kapag pinagtaksilan siya ng asawa niya. (Kaw. 6:34) Gaya ng isang asawa, makatuwiran lang na nagalit si Jehova nang maging di-tapat ang bayang katipan niya at sumamba sa mga idolo. Sinasabi ng isang reperensiya: “Ang pagseselos ng Diyos . . . ay bunga ng Kaniyang kabanalan. Dahil Siya lang ang Banal . . . , hindi Siya papayag na magkaroon ng karibal.”—Ex. 34:14.
c Ang terminong Hebreo na isinaling “karima-rimarim na idolo” ay puwedeng iugnay sa isang salita para sa “dumi ng hayop”; isa itong ekspresyon ng paghamak.
d Iniisip ng ilan na ang Tamuz ay isa pang pangalan ni Nimrod, pero wala itong saligan.