Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 10

“Mabubuhay Kayo”

“Mabubuhay Kayo”

EZEKIEL 37:5

POKUS: Ang pangitain tungkol sa pagbuhay sa “tuyong mga buto” at ang mas malaking katuparan nito

1-3. Bakit biglang gumuho ang mundo ng mga Judio sa Babilonya? (Tingnan ang larawan sa simula ng kabanata.)

 BIGLANG gumuho ang mundo ng mga Judio sa Babilonya! Mga limang taon nang nagbababala sa kanila si Ezekiel na mawawasak ang Jerusalem, pero ayaw nilang maniwala. Nagsadula siya ng mga tanda, nagbigay ng mga ilustrasyon, at naghayag ng mga mensahe, pero hindi pa rin sila naniwalang hahayaan ni Jehova na mawasak ang Jerusalem. Kahit noong malaman nilang kinukubkob na ng hukbo ng Babilonya ang lunsod, iniisip pa rin nilang ligtas ang mga naninirahan doon.

2 Pero ngayon, dalawang taon mula nang simulan ang pagkubkob, dumating sa Babilonya ang isang takas mula sa Jerusalem, at may dala siyang balita: “Bumagsak na ang lunsod!” Parang pinagsakluban ng langit at lupa ang mga ipinatapon. Mahirap tanggapin ang katotohanan—wala na ang kanilang minamahal na lunsod at lupain at ang banal na templo! Naglaho ang pag-asa nila.—Ezek. 21:7; 33:21.

3 Pero sa panahong ito, nakatanggap si Ezekiel ng isang nakakaantig na pangitain ng pag-asa. Anong mensahe ang nilalaman nito para sa nanlulumong mga tapon? Ano ang kaugnayan nito sa bayan ng Diyos ngayon, at paano tayo makikinabang dito? Para masagot ang mga iyan, suriin natin ang isiniwalat ni Jehova kay Ezekiel.

“Humula Ka Tungkol sa mga Butong Ito” at “Humula Ka sa Hangin”

4. Sa pangitain ni Ezekiel, ano ang nakita niyang kapansin-pansin?

4 Basahin ang Ezekiel 37:1-10. Sa isang pangitain, ibinaba si Ezekiel sa isang kapatagang punô ng buto. Sinabi ni Jehova sa propeta na ‘dumaan sa palibot’ ng nagkalat na mga butong iyon. Habang naglalakad si Ezekiel sa kapatagan, dalawang bagay ang nakita niyang kapansin-pansin sa mga buto: ang dami at ang kalagayan ng mga ito. “Napakaraming buto,” ang sabi niya, at “tuyong-tuyo ang mga iyon.”

5. Ano ang dalawang iniutos ni Jehova kay Ezekiel, at ano ang nangyari nang gawin ni Ezekiel ang mga iyon?

5 Pagkatapos, binigyan ni Jehova si Ezekiel ng dalawang utos na magpapasimula sa isang unti-unting pagbuhay. Ang una: “Humula ka tungkol sa mga butong ito” para ‘mabuhay’ sila. (Ezek. 37:4-6) Habang humuhula si Ezekiel, “may narinig [siyang] ingay, may kumakalampag, at nagsimulang magdugtong-dugtong ang mga buto.” Pagkatapos, nagkaroon ng “mga litid at laman” ang mga buto, “at nabalot sila ng balat.” (Ezek. 37:7, 8) Ang ikalawa: “Humula ka sa hangin” at sabihin mong “hipan” nito ang mga katawan. Nang humula si Ezekiel, “nagkaroon sila ng hininga, at nabuhay sila at tumayo, isang napakalaking hukbo.”—Ezek. 37:9, 10.

“Natuyo ang Aming mga Buto, at Nawala ang Aming Pag-asa”

6. Ano ang sinabi ni Jehova para maunawaan ni Ezekiel ang pangitain?

6 Pagkatapos, tinulungan ni Jehova si Ezekiel na maunawaan ang pangitain. Sinabi Niya: “Ang mga butong ito ay ang buong sambahayan ng Israel.” Nang malaman ng mga ipinatapon na nawasak na ang Jerusalem, pakiramdam nila, para na rin silang patay. Kaya malungkot nilang sinabi: “Natuyo ang aming mga buto, at nawala ang aming pag-asa. Lubusan kaming inihiwalay sa iba.” (Ezek. 37:11; Jer. 34:20) Bilang sagot, isiniwalat ni Jehova na ang malungkot na pangitaing ito tungkol sa mga buto ay may napakagandang mensahe ng pag-asa para sa Israel.

7. Ano ang isiniwalat ni Jehova kay Ezekiel sa Ezekiel 37:12-14, at ano ang epekto nito sa ipinatapong bayan Niya?

7 Basahin ang Ezekiel 37:12-14. Sa pamamagitan ng pangitaing ito, tiniyak ni Jehova sa mga ipinatapon na bubuhayin niya sila, ibabalik sa lupain nila, at patitirahin doon. Bukod diyan, tinawag ulit sila ni Jehova na “bayan ko.” Tiyak na napatibay nito ang nagdadalamhating mga tapon! Bakit sila makapagtitiwalang matutupad ang pangakong ito? Dahil si Jehova mismo ang nangako. Sinabi niya: “Akong si Jehova ang nagsalita at gumawa nito.”

8. (a) Bakit masasabing ang “buong sambahayan ng Israel” ay patay? (b) Ano ang ipinapakita ng Ezekiel 37:9 tungkol sa makasagisag na pagkamatay ng Israel? (Tingnan ang talababa.)

8 Paano natupad sa bansang Israel noon ang malungkot na bahaging ito ng hula? Ang makasagisag na paghihingalo ng Israel ay nagsimula noong 740 B.C.E. nang bumagsak at ipatapon ang 10-tribong kaharian. Pagkalipas ng mga 130 taon, nang ipatapon din ang bayan ng Juda, ang “buong sambahayan ng Israel” ay naging bihag. (Ezek. 37:11) Sa makasagisag na paraan, ang lahat ng ipinatapon ay patay, gaya ng mga buto sa pangitain ni Ezekiel. a Tandaan din na ang nakita ni Ezekiel ay hindi lang basta mga buto kundi ‘tuyong-tuyong’ mga buto, na nagpapakitang mahabang panahon silang nanatiling patay. Kapag pinagsama ang tagal ng pagkabihag ng Israel at ng Juda, aabot iyon nang mahigit 200 taon, mula 740 hanggang 537 B.C.E.—Jer. 50:33.

9. Ano ang pagkakatulad ng sinaunang bansang Israel at ng “Israel ng Diyos”?

9 Ang mga hula tungkol sa pagbabalik ng Israel, gaya ng mga inihula ni Ezekiel, ay may mas malaking katuparan. (Gawa 3:21) Kung paanong ang sinaunang bansang Israel ay “pinatay” at makasagisag na nanatiling patay sa loob ng mahabang panahon, ang “Israel ng Diyos”—ang pinahirang kongregasyong Kristiyano—ay makasagisag ding pinatay at nabihag sa espirituwal nang mahabang panahon. (Gal. 6:16) Napakatagal na nabihag ng pinahirang kongregasyon kaya ang espirituwalidad nila ay maikukumpara sa ‘tuyong-tuyong’ mga buto. (Ezek. 37:2) Gaya ng tinalakay sa naunang kabanata, ang pagkabihag ng pinahirang kongregasyong Kristiyano ay nagsimula noong ikalawang siglo C.E. at tumagal nang maraming siglo, gaya ng ipinahiwatig ni Jesus sa kaniyang ilustrasyon tungkol sa trigo at sa panirang-damo.—Mat. 13:24-30.

Ang ‘tuyong-tuyong’ mga buto na nakita ni Ezekiel sa pangitain ay lumalarawan sa mahabang-panahong pagkabihag sa espirituwal ng mga pinahiran ni Jehova (Tingnan ang parapo 8, 9)

“Nagsimulang Magdugtong-dugtong ang mga Buto”

10. (a) Ano ang inihula tungkol sa bayan ng Diyos sa Ezekiel 37:7, 8? (b) Ano ang ilang dahilan kung bakit unti-unting bumalik ang pananampalataya ng mga Judiong may takot sa Diyos?

10 Inihula ni Jehova noon na unti-unting ibabalik, o ‘mabubuhay,’ ang bayan niya. (Ezek. 37:7-10) Ano ang ilang dahilan kung bakit unti-unting bumalik ang pananampalataya ng mga Judiong may takot sa Diyos na makakabalik sila sa Israel? Malamang na isa rito ang mga hula ng mga propetang nauna kay Ezekiel. Halimbawa, inihula ni Isaias na may ilang matitira, “isang banal na binhi,” na babalik sa lupain. (Isa. 6:13; Job 14:7-9) Siguradong nagbigay rin ng pag-asa ang maraming hula ni Ezekiel tungkol sa pagbabalik. At tiyak na lalo pang tumibay ang pag-asa ng mga ipinatapon dahil kasama nila sa Babilonya ang mga tapat, gaya ni propeta Daniel, at dahil na rin sa pagbagsak ng Babilonya noong 539 B.C.E.

11, 12. (a) Paano unti-unting ibinalik ang “Israel ng Diyos”? (Tingnan din ang kahong “Unti-unting Ibinalik ang Dalisay na Pagsamba.”) (b) Anong tanong ang bumabangon tungkol sa Ezekiel 37:10?

11 Paano rin unti-unting ibinalik ang “Israel ng Diyos,” ang pinahirang kongregasyong Kristiyano? Maraming siglo nang bihag sa espirituwal ang bayan ng Diyos nang ‘may marinig na ingay, may kalampag’; nangyari ito nang ang mga may takot sa Diyos ay manindigan para sa dalisay na pagsamba. Halimbawa, noong ika-16 na siglo, isinalin ni William Tyndale ang Bibliya sa wikang Ingles. Nagalit ang klero ng Romano Katoliko dahil mababasa na ng karaniwang mga tao ang Bibliya. Pinatay si Tyndale. Pero lakas-loob na ipinagpatuloy ng ilan ang pagsasalin ng Bibliya sa iba pang wika, at unti-unting suminag ang espirituwal na liwanag sa madilim na mundong ito.

12 Nang maglaon, nang simulan ni Charles T. Russell at ng mga kasamahan niya na ibalik ang mga katotohanan ng Bibliya, para bang nagkaroon ng “mga litid at laman” ang mga buto. Nakatulong ang Zion’s Watch Tower at ang iba pang publikasyon para malaman ng mga tapat-puso ang katotohanan. At napakilos sila nito na sumama sa pinahirang mga lingkod ng Diyos. Sa unang bahagi ng ika-20 siglo, lalong napatibay ang pinahirang bayan ng Diyos dahil sa mga pantulong na gaya ng “Photo-Drama of Creation” at ng aklat na The Finished Mystery. Di-nagtagal, dumating na ang takdang panahon ng Diyos para ‘patayuin’ ang kaniyang bayan. (Ezek. 37:10) Kailan at paano ito nangyari? Masasagot natin iyan sa tulong ng mga pangyayaring naganap sa sinaunang Babilonya.

“Nabuhay Sila at Tumayo”

13. (a) Paano nagsimulang matupad ang Ezekiel 37:10, 14 noong 537 B.C.E.? (b) Anong mga teksto ang nagpapakita na bumalik sa Israel ang ilang kabilang sa 10-tribong kaharian?

13 Noong 537 B.C.E., nagsimula nang matupad ang pangitain sa mga Judiong nasa Babilonya. Paano? Binuhay sila ni Jehova at ‘itinayo’ nang palayain niya sila at ibalik sa Israel. Umalis sa Babilonya ang 42,360 Israelita at mga 7,000 di-Israelita para muling itayo ang Jerusalem at ang templo nito at para tumira sa lupain ng Israel. (Ezra 1:1-4; 2:64, 65; Ezek. 37:14) Pagkaraan ng mga 70 taon, mga 1,750 tapon ang sumama kay Ezra pabalik sa Jerusalem. (Ezra 8:1-20) Sa kabuoan, mahigit 44,000 Judio ang bumalik—isa ngang “napakalaking hukbo.” (Ezek. 37:10) Isa pa, ipinapakita ng Salita ng Diyos na bumalik din sa Israel at tumulong sa muling pagtatayo ng templo ang mga kabilang sa 10-tribong kaharian, ang mga inapo ng mga ipinatapon ng Asirya noong ikawalong siglo B.C.E.—1 Cro. 9:3; Ezra 6:17; Jer. 33:7; Ezek. 36:10.

14. (a) Paano makakatulong sa atin ang Ezekiel 37:24 para malaman kung kailan naganap ang pangunahing katuparan ng hula? (b) Ano ang nangyari noong 1919? (Tingnan din ang kahong “‘Tuyong mga Buto’ at Dalawang Saksi—Ano ang Kaugnayan Nila?”)

14 Paano nagkaroon ng mas malaking katuparan ang bahaging ito ng hula ni Ezekiel? Gaya ng isiniwalat ni Jehova kay Ezekiel sa isang kaugnay na hula, ang pangunahing katuparan ng hulang ito ay magaganap ilang panahon matapos magsimulang maghari ang Lalong Dakilang David, si Jesu-Kristo. b (Ezek. 37:24) Noong 1919, inilagay ni Jehova ang espiritu niya sa kaniyang bayan. Bilang resulta, ‘nabuhay’ sila at napalaya mula sa Babilonyang Dakila. (Isa. 66:8) Pagkatapos, pinatira sila ni Jehova sa kanilang “lupain,” o sa espirituwal na paraiso. Pero paano naging isang “napakalaking hukbo” ang bayan ni Jehova ngayon?

15, 16. (a) Bakit masasabing “isang napakalaking hukbo” ang bayan ni Jehova ngayon? (b) Paano makakatulong ang hulang ito ni Ezekiel para makayanan natin ang mga pagsubok sa buhay? (Tingnan ang kahong “Tulong Para Muling Makatayo.”)

15 Di-nagtagal matapos atasan ni Kristo ang tapat na alipin noong 1919, nakita ng mga lingkod ng Diyos na natutupad ang hula ni Zacarias, isang propetang kasama ng mga bumalik na tapon. Sinabi ni Zacarias: “Maraming bayan at makapangyarihang bansa ang pupunta . . . para hanapin si Jehova.” Inilarawan niya ang mga maghahanap kay Jehova bilang “10 lalaki mula sa lahat ng wika ng mga bansa.” Ang mga lalaking ito ay hahawak nang mahigpit sa “isang Judio,” ang espirituwal na Israel, habang sinasabi: “Gusto naming sumama sa inyo, dahil nabalitaan naming ang Diyos ay sumasainyo.”—Zac. 8:20-23.

16 Sa ngayon, ang espirituwal na Israel (ang natitirang mga pinahiran), kasama ang “10 lalaki” (ang ibang mga tupa), ay matutukoy na “isang napakalaking hukbo,” na umaabot na nang milyon-milyon. (Ezek. 37:10) Bilang mga sundalo ni Kristo sa lumalaking hukbong ito, maingat nating sinusundan ang ating Hari, si Jesus, na umaakay sa atin sa mga pagpapala sa hinaharap.—Awit 37:29; Ezek. 37:24; Fil. 2:25; 1 Tes. 4:16, 17.

17. Ano ang susuriin natin sa susunod na kabanata?

17 Dahil sa pagbabalik na ito ng dalisay na pagsamba, magkakaroon ng mahalagang pananagutan ang bayan ng Diyos. Ano iyon? Para masagot iyan, suriin natin sa susunod na kabanata ang atas na natanggap ni Ezekiel mula kay Jehova bago pa mawasak ang Jerusalem.

a Ang mga buto na nakita ni Ezekiel sa pangitain ay hindi buto ng mga namatay, kundi ng mga “pinatay.” (Ezek. 37:9) Sa makasagisag na paraan, pinatay ang “buong sambahayan ng Israel” nang magkasunod na sakupin, bihagin, at ipatapon ng mga Asiryano at Babilonyo ang 10-tribong kaharian ng Israel at ang 2-tribong kaharian ng Juda.

b Ang hulang ito tungkol sa Mesiyas ay tinalakay sa Kabanata 8.