Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 14

“Ito ang Kautusan sa Templo”

“Ito ang Kautusan sa Templo”

EZEKIEL 43:12

POKUS: Ang pangitain tungkol sa templo—mga aral para sa panahon ni Ezekiel at para sa panahon natin

1, 2. (a) Ano ang natutuhan natin sa naunang kabanata tungkol sa templong nakita ni Ezekiel? (b) Anong dalawang tanong ang tatalakayin natin sa kabanatang ito?

 NATUTUHAN natin sa naunang kabanata na ang nakita ni Ezekiel sa pangitain ay hindi ang dakilang espirituwal na templo na tinalakay ni apostol Pablo makalipas ang ilang siglo. Natutuhan din natin na ibinigay ang pangitain para ituro sa bayan ang kahalagahan ng pamantayan ng Diyos sa dalisay na pagsamba. Sasang-ayunan lang ulit sila ni Jehova kung susundin nila ang pamantayang iyon. Posibleng iyan ang dahilan kung bakit dalawang beses inulit ni Jehova ang mahalagang pananalitang ito sa iisang talata: “Ito ang kautusan sa templo.”​—Basahin ang Ezekiel 43:12.

2 Ngayon, talakayin natin ang dalawang tanong. Una: Anong mga aral tungkol sa pamantayan ni Jehova sa dalisay na pagsamba ang malamang na natutuhan ng mga Judio noon mula sa pangitaing ito? Ang sagot sa tanong na iyan ay tutulong sa atin na masagot ang ikalawang tanong: Sa mga huling araw na ito, ano ang matututuhan natin sa pangitain?

Mga Aral Mula sa Pangitain—Noon

3. Bakit posibleng nahiya ang mga tao nang makita nilang nasa mataas na bundok ang templo sa pangitain?

3 Para masagot ang unang tanong, suriin natin ang ilang kapansin-pansing detalye sa pangitain. Ang mataas na bundok. Malamang na iniugnay ng mga tao ang detalyeng ito ng pangitain ni Ezekiel sa nakakaantig na hula ni Isaias tungkol sa pagbabalik ng dalisay na pagsamba. (Isa. 2:2) Pero ano ang natutuhan nila tungkol sa bahay ni Jehova na nasa isang napakataas na bundok? Natutuhan nila na ang dalisay na pagsamba ay dapat itaas nang mas mataas sa lahat ng ibang bagay. Talaga namang napakataas na ng dalisay na pagsamba, dahil mula ito sa Isa na “higit [na] nakatataas sa lahat ng iba pang diyos.” (Awit 97:9) Pero hindi ito sinuportahan ng mga tao. Sa loob ng maraming siglo, paulit-ulit nilang hinayaang madusta, mapabayaan, at madungisan ang dalisay na pagsamba. Siguradong nahiya ang mga tapat-puso nang makita nila ang sagradong bahay ng Diyos na itinaas sa nararapat nitong kalagayan—isang posisyon ng kaluwalhatian at karangalan.

4, 5. Anong aral ang posibleng natutuhan ng mga tao mula sa matataas na pintuang-daan sa templo?

4 Ang matataas na pintuang-daan. Sa simula ng pangitain, nakita ni Ezekiel na sinusukat ng anghel ang mga pintuang-daan. Mga 30 metro ang taas ng mga ito! (Ezek. 40:14) May mga silid ng bantay sa loob ng mga pasukang ito. Ano ang posibleng ipinapahiwatig nito sa sinumang sumusuri ng plano? Sinabi ni Jehova kay Ezekiel: “Tingnan mong mabuti ang pasukan ng templo.” Bakit? Dahil dinadala ng bayan ang mga taong “di-tuli ang puso at laman” doon mismo sa sagradong bahay ng Diyos. Ang resulta? “Nalalapastangan nila ang templo ko,” ang sabi ni Jehova.​—Ezek. 44:5, 7.

5 Ang mga “di-tuli ang . . . laman” ay hindi sumunod sa malinaw na utos ng Diyos na mula pa noong panahon ni Abraham. (Gen. 17:9, 10; Lev. 12:1-3) Pero mas malala ang mga “di-tuli ang puso.” Matigas ang ulo nila, at ayaw nilang sumunod sa tagubilin at gabay ni Jehova. Hindi dapat pinayagang pumasok ang mga taong ito sa sagradong bahay ng Diyos! Ayaw na ayaw ni Jehova ang pagkukunwari, pero hinayaan ng bayan niya na lumaganap ito sa bahay niya. Malinaw ang aral na itinuturo ng mga pintuang-daan at mga silid ng bantay: Hindi na puwedeng magpatuloy ang ganitong kasamaan! Ang mataas na pamantayan ni Jehova para sa mga gustong makapasok sa bahay niya ay dapat sundin ng bayan. Kung gagawin nila ito, pagpapalain niya ang pagsamba nila.

6, 7. (a) Ano ang gustong sabihin ni Jehova sa bayan niya gamit ang pader sa palibot ng buong templo? (b) Paano tinrato noon ng bayan ni Jehova ang bahay niya? (Tingnan ang talababa.)

6 Ang nakapalibot na pader. Kapansin-pansin din ang pader na nakapalibot sa buong templo. Sinabi ni Ezekiel na ang bawat panig ng pader ay may haba na 500 tambo, o 1,555 metro! (Ezek. 42:15-20) Pero ang templo at ang mga looban nito, na hugis kuwadrado, ay 500 siko lang—o 259 na metro—ang bawat panig. Kaya may malawak na espasyo sa pagitan ng templo at ng nakapalibot na pader. a Para saan ito?

7 Sinabi ni Jehova: “Ilayo nila ngayon sa akin ang kanilang espirituwal na prostitusyon at ang mga bangkay ng mga hari nila, at maninirahan ako sa gitna nila magpakailanman.” (Ezek. 43:9) Ang “mga bangkay ng mga hari nila” ay malamang na tumutukoy sa mga idolo. Kaya nang ilarawan ni Jehova ang templo na may malawak na espasyo sa palibot, para bang sinasabi niya: “Huwag ninyong ilalapit sa akin ang karumihang iyan.” Kung pananatilihin ng bayan na dalisay ang pagsamba nila, mananatili si Jehova na kasama nila.

8, 9. Ano ang posibleng natutuhan ng mga tao mula sa matinding payo ni Jehova sa mga lalaking may pananagutan?

8 Matinding payo sa mga lalaking may pananagutan. Nagbigay rin si Jehova ng matindi pero maibiging payo sa mga lalaking may mabigat na pananagutan sa bayan niya. Ang mga Levita na lumayo sa kaniya nang mahulog ang bayan sa idolatriya ay itinuwid niya, at kinomendahan naman niya ang mga anak ni Zadok na “nag-asikaso sa mga gawain sa [kaniyang] santuwaryo nang iwan [siya] ng mga Israelita.” Nakitungo siya nang may katarungan at awa sa bawat grupo, ayon sa ginawa nila. (Ezek. 44:10, 12-16) Nakatanggap din ng matinding pagtutuwid ang mga pinuno ng Israel.​—Ezek. 45:9.

9 Kaya malinaw na ipinakita ni Jehova na ang mga lalaking nangangasiwa at may awtoridad ay mananagot sa kaniya sa paraan ng pagganap nila ng kanilang pananagutan. Kailangan pa rin nila ng payo, pagtutuwid, at disiplina. Sa katunayan, sila ang dapat manguna sa pagtanggap ng payo ni Jehova para maitaguyod ang mga pamantayan niya!

10, 11. Ano ang nagpapakitang isinabuhay ng ilan sa bumalik na mga tapon ang mga natutuhan nila sa pangitain ni Ezekiel?

10 Isinabuhay ba ng bumalik na mga tapon ang mga natutuhan nila sa pangitain ni Ezekiel? Hindi natin alam kung ano talaga ang iniisip noon ng tapat na mga lalaki at babae tungkol sa pangitain. Pero mababasa sa Bibliya ang mga ginawa ng bumalik na mga tapon at kung ano ang naging pananaw nila sa dalisay na pagsamba kay Jehova. Kumilos ba sila ayon sa mga natutuhan nila sa pangitain? Masasabing oo—lalo na kung ikukumpara sa mga ginawa ng rebeldeng mga ninuno nila bago ang pagkatapon sa Babilonya.

11 Ang mga tapat gaya ng mga propetang sina Hagai at Zacarias, ng saserdote at tagakopyang si Ezra, at ng gobernador na si Nehemias ay nagsikap na ituro sa bayan ang mga simulain gaya ng mga aral sa pangitain ni Ezekiel. (Ezra 5:1, 2) Itinuro nila na dapat itaas ang dalisay na pagsamba at dapat na ito ang maging priyoridad imbes na ang materyal na mga bagay at pansariling kagustuhan. (Hag. 1:3, 4) Idiniin nila na ang pamantayan sa pakikibahagi sa dalisay na pagsamba ay dapat sundin. Halimbawa, sinabihan nina Ezra at Nehemias ang bayan na humiwalay sa mga asawa nilang banyaga, na nagpapahina sa espirituwalidad nila. (Basahin ang Ezra 10:10, 11; Neh. 13:23-27, 30) Kumusta naman pagdating sa idolatriya? Lumilitaw na nang makalaya ang bayan, natutuhan na nilang kapootan ang kasalanang iyan na maraming ulit nilang nagawa noon. Ano naman ang nangyari sa mga saserdote at mga pinuno? Gaya ng ipinahiwatig sa pangitain ni Ezekiel, kasama sila sa mga tumanggap ng payo at pagtutuwid mula kay Jehova. (Neh. 13:22, 28) Marami ang nagpakumbaba at nakinig sa payo.​—Ezra 10:7-9, 12-14; Neh. 9:1-3, 38.

Itinuro ni Nehemias sa bayan ang tungkol sa dalisay na pagsamba habang gumagawa siyang kasama nila (Tingnan ang parapo 11)

12. Paano pinagpala ni Jehova ang mga tapon nang makalaya sila?

12 Bilang resulta, pinagpala ni Jehova ang bayan niya. Pinagpala sila sa espirituwal, at naging malusog sila at panatag. Matagal na nila itong hindi nararanasan. (Ezra 6:19-22; Neh. 8:9-12; 12:27-30, 43) Bakit sila pinagpala? Dahil sinunod na nila ang matuwid na pamantayan ni Jehova sa dalisay na pagsamba. Marami ang naantig at napakilos ng pangitain ni Ezekiel. Bilang sumaryo, masasabi nating nakinabang dito ang bayan sa dalawang paraan. (1) Itinuro nito sa kanila kung paano itataguyod ang pamantayan sa dalisay na pagsamba. (2) Tiniyak nito sa kanila na ibabalik ang dalisay na pagsamba, at inihula rin nito na pagpapalain ni Jehova ang bayan niya hangga’t nagsasagawa sila ng dalisay na pagsamba. Pero gusto nating malaman: May katuparan ba sa ngayon ang pangitaing ito?

Mga Aral Mula sa Pangitain ni Ezekiel—Ngayon

13, 14. (a) Paano natin nalaman na may katuparan sa ngayon ang pangitain ni Ezekiel tungkol sa templo? (b) Sa anong dalawang paraan tayo nakikinabang sa pangitain? (Tingnan din ang kahon 13A, “Magkaibang Templo, Magkaibang Aral.”)

13 Talaga bang may katuparan din sa ngayon ang pangitain ni Ezekiel tungkol sa templo? Oo! Tandaan na may pagkakatulad ang pangitain ni Ezekiel tungkol sa sagradong bahay ng Diyos na nasa “isang napakataas na bundok” at ang hula ni Isaias na “ang bundok ng bahay ni Jehova ay itatatag nang matibay at mas mataas pa sa tuktok ng mga bundok.” Sinabi ni Isaias na matutupad ang hula niya “sa huling bahagi ng mga araw,” o “sa mga huling araw.” (Ezek. 40:2; Isa. 2:2-4; tlb.; tingnan din ang Mikas 4:1-4.) Sa mga huling araw, nagsimulang matupad ang mga hulang ito mula 1919 nang ang dalisay na pagsamba ay ibinalik, na para bang itinaas sa isang napakataas na bundok. b

14 Walang alinlangang may katuparan din sa ngayon ang pangitain ni Ezekiel. Gaya ng ipinatapong mga Judio noon, nakikinabang din tayo rito sa dalawang paraan. (1) Itinuturo nito kung paano itataguyod ang pamantayan ni Jehova sa dalisay na pagsamba. (2) Tinitiyak nito na ibabalik ang dalisay na pagsamba at na pagpapalain tayo ni Jehova.

Pamantayan sa Dalisay na Pagsamba Ngayon

15. Ano ang dapat nating tandaan habang tinatalakay natin ang mga aral mula sa pangitain ni Ezekiel?

15 Suriin natin ang ilang detalye ng pangitain ni Ezekiel. Isipin na sasama tayo sa kaniya sa paglibot sa kahanga-hangang templo sa pangitaing iyon. Tandaan na hindi ito ang dakilang espirituwal na templo. Sa halip, ang templong ito ay magtuturo sa atin ng mga aral may kaugnayan sa pagsamba natin sa ngayon. Anong mga aral ang matututuhan natin?

16. Ano ang matututuhan natin sa napakaraming sukat sa pangitain ni Ezekiel? (Tingnan ang larawan sa simula ng kabanata.)

16 Bakit napakaraming sukat? Nakatingin si Ezekiel habang kinukuha ng anghel na kumikinang na gaya ng tanso ang eksaktong sukat ng mga bahagi ng templo, gaya ng pader, pintuang-daan, silid ng bantay, looban, at altar. Baka malula ang mambabasa sa dami ng detalyeng ito. (Ezek. 40:1–42:20; 43:13, 14) Pero isipin ang mga aral na makukuha natin dito. Idiniriin dito ni Jehova ang kahalagahan ng pamantayan niya. Siya ang nagtatakda nito, hindi mga tao. Maling-mali ang mga nagsasabing hindi mahalaga kung paano natin sinasamba ang Diyos. At sa pagkuha ng eksaktong mga sukat ng templo, tinitiyak ni Jehova na talagang ibabalik ang dalisay na pagsamba. Kung paanong eksakto ang mga sukat, eksakto ring matutupad ang pangako ng Diyos. Kaya tinitiyak ni Ezekiel na sa mga huling araw, talagang ibabalik ang dalisay na pagsamba!

Ano ang natutuhan mo mula sa eksaktong mga sukat ng templo? (Tingnan ang parapo 16)

17. Ano ang maaaring ipaalaala sa atin ngayon ng nakapalibot na pader?

17 Ang nakapalibot na pader. Gaya ng natalakay natin, nakita ni Ezekiel sa pangitain ang isang pader sa palibot ng buong templo. Iyan ay isang mariing paalaala sa bayan ng Diyos noon na dapat nilang ilayo ang lahat ng espirituwal na karumihan mula sa dalisay na pagsamba para hindi madungisan ang bahay ng Diyos. (Basahin ang Ezekiel 43:7-9.) Kailangan din natin ang payong iyan! Nang makalaya ang bayan ng Diyos sa matagal na pagkabihag sa Babilonyang Dakila, inatasan ni Kristo ang kaniyang tapat at matalinong alipin noong 1919. Mula noon, lalong nagsikap ang bayan ng Diyos na alisin ang maling mga turo at mga gawain na may kaugnayan sa idolatriya at paganismo. Tinitiyak natin na hindi madurungisan ang dalisay na pagsamba. Hindi rin tayo nagnenegosyo sa Kingdom Hall para hindi mahaluan ng ibang bagay ang ating pagsamba.​—Mar. 11:15, 16.

18, 19. (a) Ano ang matututuhan natin sa matataas na pintuang-daan ng templo sa pangitain? (b) Paano tayo dapat tumugon sa mga nagtatangkang ibaba ang mataas na pamantayan ni Jehova? Magbigay ng halimbawa.

18 Ang matataas na pintuang-daan. Ano ang matututuhan natin dito? Tiyak na itinuro nito sa ipinatapong mga Judio na napakataas ng pamantayan ni Jehova sa paggawi. Kumusta naman sa ngayon? Sumasamba tayo sa dakilang espirituwal na templo ni Jehova. Hindi ba lalong mahalaga sa ngayon ang pananatiling matuwid nang walang pagkukunwari? (Roma 12:9; 1 Ped. 1:14, 15) Sa mga huling araw, ginagabayan ni Jehova ang bayan niya para lalo nilang masunod ang pamantayan niya sa paggawi. c Halimbawa, inaalis sa kongregasyon ang mga nagkasala na di-nagsisisi. (1 Cor. 5:11-13) At mula sa mga silid ng bantay sa mga pintuang-daan, maaalaala rin natin na sa ngayon, hindi makakapasok sa espirituwal na templo ang sinumang hindi sinasang-ayunan ni Jehova. Halimbawa, makakapasok sa Kingdom Hall ang isang taong may dobleng pamumuhay, pero hangga’t hindi niya ginagawa ang tama sa paningin ng Diyos, hindi siya sasang-ayunan ni Jehova. (Sant. 4:8) Talagang iniingatan ni Jehova ang dalisay na pagsamba para manatili itong malinis sa napakasamang panahong ito!

19 Inihula ng Bibliya na ang kalagayan sa mundong ito ay lalong lalala bago ang wakas: “Ang masasamang tao at mga impostor ay lalo pang sásamâ. Sila ay manlíligaw at maililigaw.” (2 Tim. 3:13) Parami nang parami ang naililigaw at napapaniwalang ang mataas na pamantayan ni Jehova ay napakahigpit, makaluma, o mali pa nga. Magpapadaya ka ba? Halimbawa, kung may magsabi sa iyo na mali ang pamantayan ng Diyos tungkol sa homoseksuwalidad, maniniwala ka ba sa kaniya? O maniniwala ka sa Diyos na Jehova, na malinaw na nagsasabi sa kaniyang Salita na ang nagsasagawa nito ay “gumagawa . . . ng kalaswaan”? Nagbabala ang Diyos—hindi tayo dapat matuwa sa imoral na paggawi. (Roma 1:24-27, 32) Sa ganitong sitwasyon, isipin ang matataas na pintuang-daan sa pangitain ni Ezekiel at tandaan: Hindi ibababa ni Jehova ang matuwid na pamantayan niya anuman ang gawin ng masamang mundong ito. Naniniwala ba tayong tama ang ating makalangit na Ama at maninindigan sa kung ano ang tama?

‘Naghahandog tayo ng papuri’ kapag nakikibahagi tayo sa dalisay na pagsamba

20. Paano napapatibay ng pangitain ni Ezekiel ang “malaking pulutong”?

20 Ang mga looban. Nang makita ni Ezekiel ang malaking looban, tiyak na natuwa siya dahil naisip niyang napakaraming mananamba ni Jehova ang masayang makakapagtipon doon. Sa ngayon, ang mga Kristiyano ay sumasamba sa isang mas sagradong lugar. Napapatibay ng pangitain ni Ezekiel ang “malaking pulutong” na sumasamba sa malaking looban ng espirituwal na templo ni Jehova. (Apoc. 7:9, 10, 14, 15) Sa palibot ng loobang ito, may nakita si Ezekiel na mga silid-kainan kung saan puwedeng kainin ng mga mananamba ang dala nilang haing pansalo-salo. (Ezek. 40:17) Para bang puwede nilang makasalo ang Diyos na Jehova sa pagkain—isang tanda ng mapayapang ugnayan at pagkakaibigan! Sa ngayon, hindi tayo naghahandog gaya ng mga Judio na nasa ilalim ng Kautusang Mosaiko. Pero ‘naghahandog tayo ng papuri’ sa pamamagitan ng pakikibahagi sa dalisay na pagsamba, gaya ng pagkokomento sa mga pulong at paghahayag ng ating pananampalataya sa ministeryo. (Heb. 13:15) Napapalakas din tayo ng espirituwal na pagkaing inilalaan ni Jehova. Kaya naman nadarama rin natin ang inawit kay Jehova ng mga anak ni Kora: “Ang isang araw sa mga looban mo ay mas mabuti kaysa sa isang libong araw sa ibang lugar!”—Awit 84:10.

21. Ano ang maaaring matutuhan ng pinahirang mga Kristiyano mula sa mga saserdote sa pangitain ni Ezekiel?

21 Ang mga saserdote. Nakita ni Ezekiel na ang pintuang-daan na ginagamit ng mga saserdote at mga Levita para makapasok sa maliit na looban ay kagaya ng pintuang-daan na ginagamit ng ibang Israelita para makapasok sa malaking looban. Malinaw na ipinapaalaala nito sa mga saserdote na kailangan din nilang sundin ang pamantayan ni Jehova sa dalisay na pagsamba. Kumusta naman sa ngayon? Hindi nagmamana ng pagkasaserdote ang mga lingkod ng Diyos sa ngayon, pero sinabi sa pinahirang mga Kristiyano: “Kayo ay ‘isang piniling lahi, mga saserdoteng maglilingkod bilang mga hari.’” (1 Ped. 2:9) Noon, may hiwalay na looban para sa mga saserdote. Sa ngayon, hindi naman literal na nakahiwalay ang pinahirang mga Kristiyano sa mga kapuwa nila mananamba, pero inampon sila ni Jehova bilang mga anak kaya may espesyal silang kaugnayan sa kaniya. (Gal. 4:4-6) May makukuha ring aral ang mga pinahiran mula sa pangitain ni Ezekiel. Halimbawa, ipinakita sa pangitain na nangangailangan din ng payo at disiplina ang mga saserdote. Dapat tandaan ng lahat ng Kristiyano na bahagi tayo ng “iisang kawan” sa ilalim ng “iisang pastol.”​—Basahin ang Juan 10:16.

22, 23. (a) Anong aral ang maaaring matutuhan ng mga elder ngayon mula sa pinuno sa pangitain ni Ezekiel? (b) Ano ang posibleng mangyari sa hinaharap?

22 Ang pinuno. Sa pangitain ni Ezekiel, may mahalagang papel ang isang pinuno. Hindi siya mula sa tribo ng mga saserdote, at sa loob ng templo, kailangan niyang magpasakop sa mga saserdote. Pero pinangangasiwaan niya ang bayan at tinutulungan sila sa paglalaan ng mga handog. (Ezek. 44:2, 3; 45:16, 17; 46:2) Kaya isa siyang halimbawa sa mga Kristiyanong lalaki sa ngayon na may pananagutan sa kongregasyon. Lahat ng elder, pati na ang mga naglalakbay na tagapangasiwa, ay kailangang magpasakop sa pinahirang tapat na alipin. (Heb. 13:17) Nagsisikap ang mga elder para matulungan ang bayan ng Diyos sa paghahandog ng papuri sa mga pulong at sa ministeryo. (Efe. 4:11, 12) Puwede ring alalahanin ng mga elder na pinagsabihan ni Jehova ang mga pinuno ng Israel dahil inabuso nila ang kapangyarihan nila. (Ezek. 45:9) Kaya hindi iniisip ng mga elder na hindi na nila kailangan ng payo at pagtutuwid. Ang totoo, pinahahalagahan nila ang anumang pagdadalisay ni Jehova para maging mas mahusay silang mga pastol at tagapangasiwa.​—Basahin ang 1 Pedro 5:1-3.

23 Patuloy na maglalaan si Jehova ng kuwalipikado at mapagmalasakit na mga tagapangasiwa sa darating na Paraisong lupa. Masasabing sinasanay na ngayon ang maraming elder para maging mahuhusay na pastol sa Paraiso. (Awit 45:16) Hindi ba kapana-panabik isipin kung paano magiging pagpapala ang mga lalaking ito sa bagong sanlibutan? Sa takdang panahon ni Jehova, baka mas maunawaan pa natin ang pangitain ni Ezekiel, gaya ng iba pang hula tungkol sa pagbabalik. Baka ang ilang bahagi nito ay magkaroon ng kapana-panabik na katuparan sa hinaharap o baka mayroon pa tayong aral na matututuhan dito, na imposibleng malaman sa ngayon. Panahon lang ang makapagsasabi.

Ano ang itinuturo ng matataas na pintuang-daan at ng mga looban tungkol sa ating pagsamba? (Tingnan ang parapo 18-21)

Mga Pagpapala ni Jehova sa Dalisay na Pagsamba

24, 25. Paano inilarawan sa pangitain ni Ezekiel ang pagpapala ni Jehova sa bayan niya hangga’t nagsasagawa sila ng dalisay na pagsamba?

24 Bilang konklusyon, alalahanin natin ang kapana-panabik na nangyari sa pangitain ni Ezekiel. Dumating si Jehova sa templo, at nangako siyang mananatili roon hangga’t sinusunod ng bayan ang pamantayan niya sa dalisay na pagsamba. (Ezek. 43:4-9) Ano ang magiging epekto ng presensiya ni Jehova sa kaniyang bayan at sa lupain nila?

25 Ipinakita ng pangitain ang darating na mga pagpapala gamit ang dalawang nakapagpapatibay na paglalarawan: (1) Mula sa santuwaryo ng templo, dumaloy ang isang ilog na nagbigay ng buhay at kasaganaan sa lupain; at (2) ang lupain ay hinati nang maayos at eksakto, at nasa gitna nito ang templo. Ano ang ibig sabihin ng mga ito sa ngayon? Mahalaga sa atin ang sagot dahil nabubuhay na tayo sa panahong dinalisay at sinang-ayunan ni Jehova ang isang mas sagradong kaayusan ng pagsamba, ang dakilang espirituwal na templo. (Mal. 3:1-4) Tatalakayin natin ang dalawang paglalarawang iyan sa Kabanata 19 hanggang 21.

a Ipinapakita ni Jehova na ibang-iba ito sa pagtrato noon ng bayan niya sa kaniyang sagradong bahay: “Itinabi nila ang pasukan ng templo nila sa pasukan ng templo ko at ang poste ng pinto nila sa poste ng pinto ko, kaya isang pader lang ang pagitan namin, at nagsagawa sila ng kasuklam-suklam na mga bagay. Sa gayon, dinungisan nila ang aking banal na pangalan.” (Ezek. 43:8) Sa Jerusalem noon, isang pader lang ang naghihiwalay sa templo ni Jehova mula sa bahay ng mga tao. Sa paglihis ng bayan sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova, dinala nila ang karumihan nila, ang idolatriya nila, sa tabi mismo ng bahay ni Jehova. Talagang napakasama ng sitwasyong iyon!

b Ang pangitain ni Ezekiel tungkol sa templo ay tugma rin sa iba pang hula tungkol sa pagbabalik na nagkaroon ng katuparan sa mga huling araw. Halimbawa, pansinin ang pagkakatulad ng Ezekiel 43:1-9 at Malakias 3:1-5; at ng Ezekiel 47:1-12 at Joel 3:18.

c Ang espirituwal na templo ay nagsimulang umiral noong 29 C.E. nang mabautismuhan si Jesus at magsimulang maglingkod bilang Mataas na Saserdote. Pero pagkamatay ng mga apostol ni Jesus, maraming siglong napabayaan ng karamihan ang dalisay na pagsamba sa lupa. Noong 1919, sinimulang itaas ang tunay na pagsamba.