KABANATA 20
‘Hati-hatiin Ninyo ang Lupain Bilang Mana’
POKUS: Ang ibig sabihin ng paghahati sa lupain
1, 2. (a) Ano ang iniutos ni Jehova kay Ezekiel? (b) Anong mga tanong ang sasagutin natin?
KATATAPOS lang makakita ni Ezekiel ng isang pangitain na nagpaalaala sa kaniya sa mga nangyari noong panahon nina Moises at Josue mga 900 taon na ang nakakalipas. Sinabi noon ni Jehova kay Moises ang mga hangganan ng Lupang Pangako, at nang maglaon, sinabi Niya kay Josue kung paano hahati-hatiin ang lupain sa mga tribo ng Israel. (Bil. 34:1-15; Jos. 13:7; 22:4, 9) Pero ngayong 593 B.C.E., inuutusan ni Jehova si Ezekiel at ang mga kasama niyang tapon na hati-hatiin ulit ang Lupang Pangako sa mga tribo ng Israel!—Ezek. 45:1; 47:14; 48:29.
2 Ano ang mensahe ng pangitaing ito kay Ezekiel at sa mga kasama niyang tapon? Bakit ito nakapagpapatibay sa bayan ng Diyos ngayon? May mas malaking katuparan ba ito sa hinaharap?
Isang Pangitain—Apat na Katiyakan
3, 4. (a) Anong apat na katiyakan ang ibinigay ng huling pangitain ni Ezekiel sa mga tapon? (b) Anong garantiya ang tatalakayin sa kabanatang ito?
3 Sinasaklaw ng huling pangitain ni Ezekiel ang siyam na kabanata ng aklat niya. (Ezek. 40:1–48:35) Ang pangitaing ito ay nagbigay sa mga tapon ng apat na nakapagpapatibay na katiyakan tungkol sa ibinalik na bansang Israel. Ano-ano iyon? Una, ibabalik ang dalisay na pagsamba sa templo ng Diyos. Ikalawa, ang ibinalik na bansa ay pangungunahan ng matuwid na mga saserdote at pastol. Ikatlo, magmamana ng lupain ang lahat ng babalik sa Israel. At ikaapat, makakasama nila si Jehova; muli siyang maninirahan sa gitna nila.
4 Tinalakay sa Kabanata 13 at 14 kung paano matutupad ang una at ikalawang garantiya—ibabalik ang tunay na pagsamba at ang bansa ay pangungunahan ng matuwid na mga pastol. Sa kabanatang ito, magpopokus tayo sa ikatlong garantiya—ang pangako na magmamana ng lupain ang lahat. At tatalakayin naman sa susunod na kabanata ang pangako tungkol sa presensiya ni Jehova.—Ezek. 47:13-21; 48:1-7, 23-29.
‘Ang Lupaing Ito ay Ibinibigay sa Inyo Bilang Mana’
5, 6. (a) Sa pangitain ni Ezekiel, anong teritoryo ang hahati-hatiin? (Tingnan ang larawan sa simula ng kabanata.) (b) Bakit ibinigay ang pangitaing ito?
5 Basahin ang Ezekiel 47:14. Sa pangitain, itinuon ni Jehova ang pansin ni Ezekiel sa isang bahagi ng lupain na malapit nang maging “gaya ng hardin ng Eden.” (Ezek. 36:35) Pagkatapos, sinabi ni Jehova: “Ito ang teritoryong hahati-hatiin ninyo sa 12 tribo ng Israel bilang mana.” (Ezek. 47:13) Ang “teritoryong hahati-hatiin” ay ang lupain ng Israel na babalikan ng mga tapon. At gaya ng nakaulat sa Ezekiel 47:15-21, espesipikong sinabi ni Jehova ang magiging hangganan ng buong lupain.
6 Bakit ibinigay ang pangitaing ito? Ang eksaktong mga hangganan sa pangitain ay tumitiyak kay Ezekiel at sa mga kasama niyang tapon na talagang ibabalik ang kanilang minamahal na lupain. Siguradong napatibay ang mga tapon sa detalyadong garantiya na ito mula kay Jehova! Talaga bang natanggap ng bayan ng Diyos noon ang lupaing hinati-hati para sa kanila? Oo.
7. (a) Ano ang nangyari noong 537 B.C.E., at ano ang ipinapaalaala nito sa atin? (b) Anong tanong ang dapat muna nating sagutin?
7 Noong 537 B.C.E., mga 56 na taon matapos makita ni Ezekiel ang pangitain, libo-libong tapon ang nagsimulang bumalik sa lupain ng Israel at binigyan sila ng bahagi sa lupaing ito. Ipinapaalaala sa atin ng kamangha-manghang pangyayaring iyon ang nangyayari ngayon sa bayan ng Diyos. Masasabing sila rin ay nagmana ng lupain. Sa anong paraan? Hinayaan ni Jehova na makapasok ang mga lingkod niya sa isang espirituwal na lupain at magkaroon ng bahagi rito. Kaya ang pagbabalik ng Lupang Pangako noon ay maraming ituturo sa atin tungkol sa pagbabalik ng espirituwal na lupain ng bayan ng Diyos ngayon. Pero bago natin talakayin ang mga aral na iyan, sagutin muna natin ang tanong na “Bakit natin masasabi na talagang may espirituwal na lupain sa ngayon?”
8. (a) Ano ang ipinalit ni Jehova sa bansang Israel? (b) Ano ang espirituwal na lupain, o paraiso? (c) Kailan ito nagsimula, at sino na ang mga naninirahan dito?
8 Sa isang naunang pangitain ni Ezekiel, ipinahiwatig ni Jehova na ang mga hula tungkol sa pagbabalik ng Israel ay magkakaroon ng mas malaking katuparan kapag naghari na ang “lingkod [niyang] si David,” si Jesu-Kristo. (Ezek. 37:24) Nangyari iyan noong 1914 C.E. Nang panahong iyon, matagal nang pinalitan ng Diyos ang bansang Israel ng espirituwal na Israel, na binubuo ng pinahirang mga Kristiyano. (Basahin ang Mateo 21:43; 1 Pedro 2:9.) Bukod diyan, pinalitan din ni Jehova ang lupain—ang literal na lupain ng Israel ay pinalitan ng espirituwal na lupain, o paraiso. (Isa. 66:8) Gaya ng tinalakay sa Kabanata 17, ang espirituwal na lupain ay ang panatag na espirituwal na kalagayan ng mga sumasamba kay Jehova, na nararanasan ng natitirang mga pinahiran mula pa noong 1919. (Tingnan ang kahon 9B, “Bakit 1919?”) Sa paglipas ng panahon, nanirahan din sa espirituwal na lupain ang mga may makalupang pag-asa, ang “ibang mga tupa.” (Juan 10:16) Patuloy na lumalago sa ngayon ang espirituwal na paraisong ito, pero mararanasan lang natin ang lahat ng pagpapala nito pagkatapos ng Armagedon.
Pantay at Eksaktong Pagkakahati sa Lupain
9. Anong detalyadong utos ang ibinigay ni Jehova tungkol sa paghahati sa lupain?
9 Basahin ang Ezekiel 48:1, 28. Matapos itakda ni Jehova ang mga hangganan ng lupain, detalyado niyang sinabi kung paano ito hahati-hatiin. Iniutos niya na ang lupain ay hati-hatiin sa 12 tribo nang pantay at eksakto mula hilaga hanggang timog; ang tribo ni Dan ang nasa pinakahilaga at ang tribo ni Gad ang nasa pinakatimog. Ang bawat tribo ay magmamana ng isang pahabang bahagi ng lupain na nagsisimula sa hangganan ng lupain sa silangan hanggang sa Malaking Dagat, o Dagat Mediteraneo, sa kanluran.—Ezek. 47:20; tingnan ang mapa sa kahong “Ang Pagkakahati sa Lupain.”
10. Ano ang tinitiyak ng pangitaing ito sa mga tapon?
10 Ano ang tinitiyak ng pangitaing ito sa mga tapon? Malamang na naidiin ng detalyadong paglalarawan ni Ezekiel sa mamanahin ng bawat tribo na magiging isang organisadong proyekto ang paghahati sa lupain. Isa pa, idiniriin ng eksaktong pagkakahati ng lupain sa 12 tribo na ang bawat isa sa bumalik na tapon ay siguradong may mamanahin. Lahat ay magkakaroon ng sariling lupain o tirahan.
11. Anong mga aral ang makukuha natin sa pangitain tungkol sa lupaing hinati-hati? (Tingnan ang kahong “Ang Pagkakahati sa Lupain.”)
11 Anong nakapagpapatibay na mga aral ang makukuha natin sa pangitaing ito? Ang ibinalik na Lupang Pangako ay hindi lang para sa mga saserdote, Levita, at pinuno; may lugar din dito ang lahat ng iba pang kabilang sa 12 tribo. (Ezek. 45:4, 5, 7, 8) Sa ngayon din naman, ang espirituwal na paraiso ay hindi lang para sa natitirang mga pinahiran at mga nangunguna sa “malaking pulutong”; may lugar din dito ang lahat ng iba pang kabilang sa malaking pulutong. a (Apoc. 7:9) Gaano man kaliit ang atas natin sa organisasyon, siguradong may lugar tayo at mahalagang atas sa espirituwal na lupain. Talaga ngang nakapagpapatibay!
Dalawang Malaking Pagkakaiba—Ano ang Kahalagahan ng mga Ito sa Atin?
12, 13. Ano ang espesipikong sinabi ni Jehova tungkol sa lupaing mamanahin ng mga tribo?
12 Baka nagtaka si Ezekiel sa ilang utos ni Jehova tungkol sa paghahati sa lupain dahil naiiba ang mga ito sa iniutos Niya kay Moises. Tingnan natin ang dalawang pagkakaiba. Ang isa ay tungkol sa lupain; ang isa naman, sa mga naninirahan dito.
13 Una, ang lupain. Inutusan si Moises na bigyan ng mas malaking lupain ang malalaking tribo. (Bil. 26:52-54) Pero sa pangitain ni Ezekiel, espesipikong sinabi ni Jehova na ang lupaing mamanahin ng bawat tribo ay dapat na “magkakapareho ng sukat [“ang bawat isa gaya ng sa kapatid niya,” tlb.].” (Ezek. 47:14) Kaya kung susukatin ang laki ng bawat mana mula sa hilagang hangganan nito hanggang sa timog, magkakapantay ang lahat ng ito. Ang lahat ng Israelita—anuman ang tribo nila—ay pantay-pantay na makikinabang sa kasaganaan ng Lupang Pangako.
14. Ano ang kaibahan ng utos ni Jehova kay Ezekiel tungkol sa mga dayuhan at ng sinasabi sa Kautusang Mosaiko?
14 Ikalawa, ang mga naninirahan. Sa Kautusang Mosaiko, ang mga dayuhan ay binigyan ng proteksiyon at ng pagkakataong sumamba kay Jehova, pero wala silang bahagi sa lupain. (Lev. 19:33, 34) Pero iba ang sinabi ni Jehova kay Ezekiel: “Ang manang ibibigay ninyo sa dayuhan ay dapat na nasa teritoryo ng tribo kung saan siya naninirahan.” Sa utos na iyan ni Jehova, inalis niya ang malaking pagkakaiba ng “katutubong Israelita” at ng dayuhan sa lupain. (Ezek. 47:22, 23) Sa pangitain ni Ezekiel, nakita niyang may pagkakapantay-pantay sa mga naninirahan sa lupain at nagkakaisa sila sa pagsamba.—Lev. 25:23.
15. Anong di-mababagong katotohanan tungkol kay Jehova ang kitang-kita sa utos niya tungkol sa lupain at sa mga naninirahan dito?
15 Siguradong napatibay ang mga tapon sa dalawang utos na ito tungkol sa lupain at sa mga naninirahan dito. Alam nila na lahat sila ay bibigyan ni Jehova ng mana, katutubong Israelita man sila o mga dayuhang sumasamba kay Jehova. (Ezra 8:20; Neh. 3:26; 7:6, 25; Isa. 56:3, 8) Kitang-kita rin sa mga utos na ito ang isang nakapagpapatibay at di-mababagong katotohanan—para kay Jehova, ang lahat ng lingkod niya ay mahalaga. (Basahin ang Hagai 2:7.) Sa ngayon, sa langit man o sa lupa ang pag-asa natin, pinahahalagahan natin ang katotohanang iyan.
16, 17. (a) Paano tayo nakikinabang sa pagtalakay sa mga detalye tungkol sa lupain at sa mga naninirahan dito? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na kabanata?
16 Paano tayo nakikinabang sa pagtalakay sa mga detalyeng ito tungkol sa lupain at sa mga naninirahan dito? Ipinapaalaala nito sa atin na ang pagkakapantay-pantay at pagkakaisa ay dapat na maging litaw na litaw sa pandaigdig nating kapatiran. Hindi nagtatangi si Jehova. Dapat nating itanong sa ating sarili: ‘Tinutularan ko ba si Jehova na hindi nagtatangi? Iginagalang ko ba ang lahat ng kapananampalataya ko, anuman ang kanilang lahi o sitwasyon?’ (Roma 12:10) Ipinagpapasalamat natin na lahat tayo ay binigyan ni Jehova ng pantay-pantay na pagkakataong manirahan sa espirituwal na paraiso, kung saan buong kaluluwa tayong naglilingkod sa ating makalangit na Ama at tumatanggap ng mga pagpapala niya.—Gal. 3:26-29; Apoc. 7:9.
17 Tingnan naman natin ngayon ang ikaapat na katiyakan sa huling bahagi ng huling pangitain ni Ezekiel—ang pangako na si Jehova ay makakasama ng mga tapon. Anong mga aral ang makukuha natin dito? Alamin natin ang sagot sa susunod na kabanata.
a Tingnan ang Kabanata 14 para sa pagtalakay tungkol sa pantanging atas na ibinigay ni Jehova sa mga saserdote at sa pinuno ng espirituwal na lupain.