Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sumaryo ng mga Paglilinaw

Sumaryo ng mga Paglilinaw

Sa nakalipas na mga taon, naglabas ang Bantayan ng paglilinaw sa ilang bahagi ng hula ni Ezekiel. At sa publikasyong ito, Ibinalik ang Dalisay na Pagsamba kay Jehova, mababasa ang ilan pang karagdagang paglilinaw. Subukang sagutin ang sumusunod na mga tanong.

Saan kumakatawan ang apat na mukha ng buháy na mga nilalang?

Dating unawa: Ang bawat isa sa apat na mukha ng buháy na mga nilalang, o kerubin, ay kumakatawan sa isa sa apat na pangunahing katangian ni Jehova.

Paglilinaw: Totoo na ang bawat isa sa apat na mukha ng buháy na nilalang ay kumakatawan sa isa sa apat na pangunahing katangian ni Jehova. Pero kapag tiningnan sa kabuoan ang apat na mukha, kumakatawan ang mga ito sa lahat ng katangian ni Jehova. Idiniriin din ng mga ito na walang kapantay ang kapangyarihan at kaluwalhatian ni Jehova.

Batayan ng pagbabago: Madalas gamitin sa Salita ng Diyos ang bilang na apat para ilarawan ang pagiging kumpleto, na sinasaklaw ang lahat. Kaya kapag tiningnan sa kabuoan ang apat na mukha, hindi lang ito basta apat na katangian—ang mga ito ang pinakabatayan ng kamangha-manghang personalidad ni Jehova. Bukod diyan, ang mga mukha ng nilalang ay lumalarawan sa karingalan, kapangyarihan, at lakas. Pero ang apat na makapangyarihang nilalang, na inilalarawan ng apat na mukha ng bawat kerubin, ay nasa ilalim ng trono ni Jehova. Idiniriin ng paglalarawang iyan na si Jehova ang Kataas-taasang Tagapamahala ng lahat.

Kanino kumakatawan ang lalaking may tintero ng kalihim?

Dating unawa: Ang lalaking may tintero ay lumalarawan sa natitirang mga pinahiran. Sa pamamagitan ng pangangaral at paggawa ng alagad, ang mga pinahiran ay naglalagay ngayon ng makasagisag na marka sa noo ng mga kasama sa “malaking pulutong.”​—Apoc. 7:9.

Paglilinaw: Ang lalaking may tintero ng kalihim ay kumakatawan kay Jesu-Kristo. Mamarkahan niya ang mga kasama sa malaking pulutong kapag hinatulan niya sila bilang tupa sa “malaking kapighatian.”​—Mat. 24:21.

Batayan ng pagbabago: Ipinagkatiwala ni Jehova sa Anak niya ang paghatol. (Juan 5:22, 23) Ayon sa Mateo 25:31-33, si Jesus ang hahatol sa mga tao bilang “tupa” o “kambing.”

Ang magkapatid na babaeng bayaran ba na sina Ohola at Oholiba ay lumalarawan sa Sangkakristiyanuhan, partikular na sa mga relihiyong Katoliko at Protestante?

Dating unawa: Ang nakatatandang si Ohola (Samaria, ang kabisera ng Israel) ay kumakatawan sa relihiyong Katoliko; ang nakababatang si Oholiba (Jerusalem, ang kabisera ng Juda) ay kumakatawan sa relihiyong Protestante.

Paglilinaw: Ang magkapatid na babaeng bayaran na ito ay hindi mga tipikong paglalarawan ng anumang bahagi ng Sangkakristiyanuhan. Pero matututuhan natin sa ulat na ito kung ano ang nararamdaman ni Jehova kapag ang dating mga tapat sa kaniya ay nagsagawa ng espirituwal na prostitusyon. Ganiyan din ang nararamdaman niya sa lahat ng huwad na relihiyon.

Batayan ng pagbabago: Walang anumang pahiwatig sa Kasulatan na sina Ohola at Oholiba ay mga tipikong paglalarawan ng Sangkakristiyanuhan. Ang Israel at Juda ay itinuturing na asawa ni Jehova noong una, pero ang Sangkakristiyanuhan ay hindi masasabing naging asawa ni Jehova. Bukod diyan, ang di-tapat na bayan ng Diyos na itinulad sa mga babaeng bayaran sa Ezekiel kabanata 16 at 23 ay binigyan ng pag-asa. Pero wala nang pag-asa ang Sangkakristiyanuhan, na bahagi ng Babilonyang Dakila.

Ang Sangkakristiyanuhan ba ay ang antitipiko ng sinaunang apostatang Jerusalem?

Dating unawa: Ang di-tapat na Jerusalem ay ang tipiko ng Sangkakristiyanuhan. Kaya ang pagkawasak ng Jerusalem ay lumalarawan sa mangyayari sa Sangkakristiyanuhan.

Paglilinaw: Ang mga nangyari sa Jerusalem—gaya ng idolatriya at laganap na kasamaan—ay nagpapaalaala sa atin sa Sangkakristiyanuhan, pero hindi na natin sinasabi na ang Sangkakristiyanuhan ay ang antitipiko ng Jerusalem.

Batayan ng pagbabago: Walang malinaw na batayan sa Kasulatan para sa ganitong tipiko at antitipikong paraan ng pagpapaliwanag. Di-gaya ng sinaunang Jerusalem, ang Sangkakristiyanuhan ay hindi kailanman nagsagawa ng dalisay na pagsamba. At may pagkakataong pinatawad ni Jehova ang Jerusalem, pero hindi patatawarin ang Sangkakristiyanuhan.

Paano natupad ang pangitain tungkol sa kapatagan ng tuyong mga buto?

Dating unawa: Noong 1918, ang pinag-usig na mga pinahiran ay binihag ng Babilonyang Dakila, at makasagisag silang naging patay. Nagwakas ang maikling panahon ng pagkabihag na iyan noong 1919 nang buhayin sila ni Jehova bilang mga tagapaghayag ng Kaharian.

Paglilinaw: Ang pagiging patay, o pagkabihag sa espirituwal, ay tumagal nang mahabang panahon; nangyari ito bago pa ang taóng 1918. Nagsimula ito noong ikalawang siglo C.E. at natapos noong 1919 C.E., at halos kapareho ito ng mahabang panahong saklaw ng ilustrasyon ni Jesus tungkol sa trigo at sa panirang-damo.

Batayan ng pagbabago: Matagal na nabihag ang sinaunang Israel—mula 740 B.C.E. hanggang 537 B.C.E. Sinasabi sa hula ni Ezekiel na ang mga buto ay ‘tuyo’ o “tuyong-tuyo,” na nagpapakitang ang inilalarawan ng mga buto ay mahabang panahong nanatiling patay. Ipinapakita rin sa hula na ang pagbuhay sa mga buto ay unti-unti, na nangangailangan ng panahon.

Ano ang ibig sabihin ng pagdidikit sa dalawang patpat?

Dating unawa: Matapos ang maikling panahon ng pagkakabaha-bahagi noong Digmaang Pandaigdig I, ang tapat na mga miyembro ng natitirang pinahiran ay muling nagkaisa noong 1919.

Paglilinaw: Idiniriin ng hula na pagkakaisahin ni Jehova ang mga mananamba niya. Pagkatapos ng 1919, parami nang paraming may makalupang pag-asa ang sumasama sa natitirang mga pinahiran. Ang dalawang grupong ito ay magkasamang naglilingkod kay Jehova bilang isang bayan.

Batayan ng pagbabago: Ang hula ay hindi tungkol sa isang patpat na binali at pagkatapos ay pinagdikit. Kaya hindi ito lumalarawan sa isang grupo na nagkabaha-bahagi at nang maglaon ay nagkaisa. Sa halip, inilalarawan nito kung paano magkakaisa ang dalawang grupo.

Sino si Gog ng Magog?

Dating unawa: Ang Gog ng Magog ay isa pang pangalan ni Satanas matapos siyang palayasin sa langit.

Paglilinaw: Ang Gog ng Magog ay tumutukoy sa koalisyon ng mga bansa na sasalakay sa tunay na mga mananamba sa malaking kapighatian.

Batayan ng pagbabago: Ang mga inihulang mangyayari kay Gog—ibibigay siya bilang pagkain sa mga ibon at bibigyan siya ng libingan sa lupa—ay nagpapahiwatig na hindi isang espiritung nilalang si Gog. Isa pa, ang pagsalakay ni Gog ay gaya ng sinasabi sa aklat ng Daniel at Apocalipsis na pagsalakay ng mga bansa sa bayan ng Diyos.​—Dan. 11:40, 44, 45; Apoc. 17:14; 19:19.

Nakita ba at nalibot ni Ezekiel ang dakilang espirituwal na templo na tinalakay ni apostol Pablo nang maglaon?

Dating unawa: Iisa ang templong nakita ni Ezekiel sa pangitain at ang espirituwal na templong tinalakay ni apostol Pablo.

Paglilinaw: Hindi nakita ni Ezekiel ang espirituwal na templo na nagsimulang umiral noong 29 C.E.; ang nakita niya ay ang pagbabalik ng dalisay na pagsamba pagkatapos ng pagkatapon—isang perpektong parisan ng pagsamba ayon sa Kautusang Mosaiko. Ang espirituwal na templong tinalakay ni Pablo ay nakapokus sa gawain ni Jesus mula 29 hanggang 33 C.E. bilang ang Lalong Dakilang Mataas na Saserdote. Sa pangitain ni Ezekiel tungkol sa templo, walang binabanggit tungkol sa mataas na saserdote, at nakapokus ito sa espirituwal na pagbabalik na nagsimula noong 1919 C.E. Kaya hindi natin hinahanapan ng antitipikong kahulugan ang lahat ng detalye at sukat ng templo sa pangitain ni Ezekiel. Sa halip, nakapokus tayo pangunahin na sa mga matututuhan natin tungkol sa pamantayan ni Jehova sa dalisay na pagsamba.

Batayan ng pagbabago: May mga pagkakaiba ang templong nakita ni Ezekiel at ang espirituwal na templo. Halimbawa, maraming hayop ang inihahandog sa templong nakita ni Ezekiel; sa espirituwal na templo, isa lang ang inihandog “nang minsanan.” (Heb. 9:11, 12) Noong mga taon bago dumating si Kristo, hindi pa panahon para isiwalat ni Jehova ang katotohanan tungkol sa espirituwal na templo.