Arabe; Arabia
Ang terminong “Arabia” ay pangunahin nang tumutukoy sa Peninsula ng Arabia sa timog-kanlurang Asia malapit sa kontinente ng Aprika. Pero puwede rin itong tumukoy sa katabing mga rehiyon sa hilaga at kanluran ng Peninsula ng Arabia, gaya ng Disyerto ng Sirya at Peninsula ng Sinai. Hindi lumitaw ang “Arabia” sa Hebreong Kasulatan, pero ginamit dito ang terminong “Arabe” para tumukoy sa mga nakatira dito.—1Ha 10:15; 2Cr 9:14; 21:16; Ne 4:7.
Disyerto at tigang na mga talampas ang kalakhang bahagi ng Arabia. Ang mga Arabeng binabanggit sa Kasulatan ay karaniwan nang pagala-gala—tumitira lang sa mga tolda at nagpapastol ng mga hayop. (Isa 13:20; Jer 3:2, tlb.) Ang iba naman ay mga mangangalakal, na ang ilan ay nagtrabaho noon para sa Tiro. (Eze 27:21) Dumadaan sa Peninsula ng Arabia ang mga mangangalakal; nakikipagpalitan ng produkto ang mga nasa Silangang Aprika, India, at mga lunsod sa timog ng Arabia sa mga nasa Ehipto at mga lupain sa norte, gaya ng Asirya, Sirya, at Babilonya. Nagkakampo ang mga Arabeng mangangalakal sa mga oasis, dala ang mga produktong gaya ng mga pampalasa, olibano, mira, ginto, kahoy ng algum, at mamahaling mga hiyas.—1Ha 10:10, 11, 15; Isa 60:6.
May mga lingkod ng Diyos na nanirahan sa Arabia, at nakasalamuha naman ng iba ang mga tagaroon. Halimbawa, nakatira si Job sa lupain ng Uz, na malamang na nasa hilagang Arabia. (Job 1:1) Tumira si Moises sa Arabia nang 40 taon kasama ang Midianitang si Jetro. (Exo 3:1; Gaw 7:29, 30) Noong panahon ng mga Hukom, sinalakay ang Israel ng mga Midianita, Amalekita, at taga-Silangan mula sa Arabia sakay ng mga kamelyo. (Huk 6:3-6) Posibleng nasa timog-kanlurang Arabia ang kaharian ng reyna ng Sheba. (1Ha 10:1-10, 15; 2Cr 9:1-9, 14; Mat 12:42 at study note) At noong namamahala si Haring Jehoram ng Judea, dinambong ng mga Arabe ang Jerusalem. Ninakawan nila ang bahay ng hari at binihag ang mga anak at mga asawa niya.—2Cr 21:16, 17.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dalawang beses mababasa ang “Arabia” at isang beses naman ang “Arabe.” Kasama ang mga “Arabe” sa nagtipon sa Jerusalem noong Pentecostes 33 C.E. Kaya posibleng naging Kristiyano ang ilang Judiong Arabe nang panahong iyon. (Gaw 2:11, 41) Dalawang beses binanggit ni Pablo ang “Arabia” sa liham niya sa mga taga-Galacia. Sinabi niya sa Gal 1:17 na pagkatapos niyang makumberte sa Damasco (sa Sirya), “pumunta [siya] sa Arabia at saka bumalik sa Damasco.” Puwedeng tumukoy ang terminong “Arabia” sa anumang bahagi ng Peninsula ng Arabia. Pero posible ring sa katabi nitong Disyerto ng Sirya pumunta si Pablo, na nasa silangan ng Sirya at Israel. Noong unang siglo C.E., tinatawag kung minsan na Arabia ang lugar na ito, at inaayunan ito ni Josephus. Isinulat niya na mula sa isang tore (tore ng Psephinus) sa Jerusalem, matatanaw sa bandang silangan ang Arabia. (The Jewish War, Aklat 5, kab. 4, par. 3 [Loeb 5.159-160]) Sa Gal 4:25, tinawag ni Pablo ang Bundok Sinai na “isang bundok sa Arabia.” Doon itinatag ni Jehova ang tipang Kautusan, ang pakikipagtipan niya sa bansang Israel.—Tingnan sa Media Gallery, “Bundok Sinai.”