Codex Sinaiticus
Ang manuskritong ito na gawa sa vellum, na mula noong ikaapat na siglo C.E., ay naglalaman ng buong Bibliya sa wikang Griego. Sa ngayon, ito na lang ang manuskrito na nakasulat sa istilong uncial na may kumpletong Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Tingnan ang MANUSKRITO; UNCIAL.) Pero nawawala ang halos lahat ng laman ng Hebreong Kasulatan nito bago ang Ezra 9:9, pati na rin ang iba pang bahagi pagkatapos ng tekstong ito. Kaya sa tinatayang 730 pahina nito, mahigit 400 na lang ang naingatan.
Walang gaanong impormasyon tungkol sa pinagmulan ng codex na ito. Ipinapalagay ng ilan na ginawa ito sa Roma, Cesarea, o Alejandria. Nang maglaon, iningatan ito sa aklatan ng Monastery of St. Catherine, na nasa paanan ng Bundok Sinai. Nalaman ng mga iskolar sa Europa ang tungkol dito noong ika-19 na siglo, at marami sa mga bahagi ng codex ang dinala sa ibang mga aklatan. Sa ngayon, ang mga bahagi ng manuskritong ito ay nasa apat na institusyon, kasama na ang monasteryo sa Bundok Sinai, pero karamihan sa mga ito ay nasa British Library sa London.
Ginamit ng mga iskolar ang mapananaligang manuskritong ito, kasama ang Codex Vaticanus at Codex Alexandrinus, para matukoy at maitama ang mga pagkakamali at naidagdag ng mga eskriba sa sumunod na mga manuskrito.—Tingnan sa Media Gallery, “Codex Sinaiticus—Ang Katapusan ng Ebanghelyo ni Marcos.”