Efeso
Isang sinaunang lunsod na nasa kanlurang baybayin ng Asia Minor (nasa Turkey ngayon). Ito ang kabisera ng Romanong lalawigan ng Asia at isa sa pinakamalalaking lunsod sa Imperyo ng Roma.—Tingnan ang ASIA.
Maunlad na lunsod ang Efeso dahil maganda ang lokasyon nito. Dinadaanan ito ng mahahalagang ruta ng barko sa Mediteraneo, at nasa gitna ito ng pangunahing mga ruta ng kalakalan, kasama na ang isang malaking kalsada na nagdurugtong sa Efeso sa silangan na umaabot hanggang India. Naging mayaman din ang Efeso dahil maraming bumibisita dito. Maraming tao rin ang nagbibigay ng donasyon sa templo ni Artemis, na nagsisilbing isang kabang-yaman. Kinikilala ang templong iyon na isa sa pinakakamangha-manghang lugar ng sinaunang daigdig. Marami rin ditong iba pang templo at monumento para sa pagsamba sa mga diyos-diyusan ng Gresya, Roma, Ehipto, at Anatolia (Asia Minor). Nasa lunsod na ito ang pinakamalaking teatro sa Asia Minor, pati na ang isang malaking istadyum para sa paligsahan ng mga atleta at labanan ng mga gladiator. Mayroon ditong agora ng Estado (isang malawak na pampublikong lugar na ginagamit ng gobyerno at relihiyon para sa mga pagtitipon) at agora na pangkomersiyo (isang pamilihan).—Tingnan ang Ap. B13, at Media Gallery, “Ang Teatro at Iba Pang Lugar sa Efeso.”
Maraming beses na dumalaw si apostol Pablo sa lunsod na ito. Sandali lang ang unang pagbisita niya dito noong ikalawang paglalakbay niya bilang misyonero nang papunta siya sa Jerusalem galing Corinto. Iniwan niya sina Aquila at Priscila sa Efeso para ipagpatuloy ang pangangaral doon. Sa Efeso rin nakilala at sinanay ng mag-asawang ito si Apolos. (Gaw 18:18-26) Mas matagal na nanatili si Pablo sa Efeso noong ikatlong paglalakbay niya bilang misyonero. (Gaw 19:1, 8-10; 20:31) Pagkatapos ng 61 C.E., naglingkod si Timoteo nang ilang panahon sa kongregasyon sa Efeso. (1Ti 1:3) Pagkalipas ng maraming taon, nagpadala ng mensahe ang binuhay-muling si Jesu-Kristo sa kongregasyong iyon sa pamamagitan ni apostol Juan.—Apo 2:1-7.