Fenicia
Isang di-pormal na alyansa ng mga estadong lunsod na makikita noon sa silangang baybayin ng Dagat Mediteraneo. Sinasabing ang sinaunang Fenicia ay nasa rehiyon ngayon ng Lebanon at ilang bahagi ng Sirya at Israel. Noong una, Sidon ang pangunahing lunsod ng Fenicia, pero napalitan ito ng Tiro, dating kolonya ng Sidon.
Makikita sa Kasulatan na ang mga Sidonio ay inapo ni Noe mula sa linya nina Ham, Canaan, at Sidon. (Gen 10:1, 6, 15, 18, 19) Tinawag nilang Canaan ang lupain at isinagawa ang relihiyong Canaanita. Nang maglaon, tinawag ng mga Griego na Fenicia ang lupaing iyon. Sa Kasulatan, iisang rehiyon lang kung minsan ang tinutukoy ng mga terminong Fenicia, Canaan, at Sidon. (Jos 13:6; Huk 1:32; Gaw 21:2) Ang alpabeto ng Fenicia, na kahawig ng sinaunang Hebreo, ang pinagmulan ng alpabetong Griego at Latin. Ang mga taga-Fenicia ay mahusay sa paglalayag at paggawa ng mga barko. Isa sila sa magagaling na mangangalakal noon dahil nakakapaglayag sila hanggang sa pinakamalayong bahagi ng mundo.—Eze 27:1-9.
Sa paglipas ng panahon, ang Fenicia ay nasakop ng Asirya, Babilonya, Persia, at Gresya. Nasakop din ito ng Roma noong 64 B.C.E. Noong unang siglo C.E., ang Fenicia ay bahagi ng Romanong lalawigan ng Sirya. Pinapatunayan ng kasaysayan ng Fenicia at ng pangunahing mga lunsod nito na tumpak ang mga hula sa Bibliya.—Isa 23:1-14; Jer 25:17, 22, 27; Eze 26:3, 4.