Josephus, Flavius
(mga 37–mga 100 C.E.) Isang Judiong istoryador mula sa pamilya ng mga saserdote. Si Josephus ay naging Pariseo at nang maglaon ay inatasan ng Sanedrin bilang isang kumander noong mag-alsa ang mga Judio laban sa Roma. Ang orihinal na pangalan niya ay Joseph ben Matthias (Yoseph ben Mattityahu).
Noong panahon ng pag-aalsa ng mga Judio, si Josephus at ang mga tauhan niya ay natalo sa Galilea noong 67 C.E. Sumuko siya sa Romanong kumander na si Vespasian, pero pinalaya siya nito. Gaya ng nakaugalian noon, ginamit niya ang apelyido ni Vespasian na Flavius. Bago pa nito, kinilala na ni Josephus ang pagiging makapangyarihan ng Roma, at sinubukan pa nga niyang maging tagapamagitan ng mga Romano at ng mga nasakop na rebelde sa Jerusalem. Matapos pabagsakin ng anak ni Vespasian na si Tito ang lunsod noong 70 C.E., sumama si Josephus kay Tito sa Roma at nagpokus sa pagsusulat. Kasama sa mga akda niya ang The Jewish War, The Jewish Antiquities, Against Apion, at ang talambuhay niya na pinamagatang Life.
Nagkakamali rin si Josephus sa pag-uulat, pero itinuturing siyang mapagkakatiwalaang istoryador. Nakapagbigay siya ng mahahalagang detalye sa kasaysayan ng mga Judio at ng karagdagang impormasyon tungkol sa ilang bahagi ng Bibliya. Ang mga isinulat niya ay pumapangalawa sa Bibliya bilang pangunahing pinagkukunan ng impormasyon tungkol sa kasaysayan ng unang-siglong Jerusalem at ng templo nito. Binanggit din niya sa mga akda niya si Jesus, ang kapatid ni Jesus sa ina na si Santiago, at si Juan Bautista. Gayundin, ang ulat ni Josephus tungkol sa pagkawasak ng Jerusalem at ng templo nito, na personal niyang nasaksihan, ay patunay na talagang natupad ang hula ng Bibliya.—Dan 9:24-27; Luc 19:41-44; 21:20-24.