Galacia
Ang terminong ito ay tumutukoy noong una sa isang rehiyon at, nang maglaon, sa isang lalawigan ng Roma na nasa gitnang bahagi ng Anatolia (na tinawag na Asia Minor nang maglaon) sa Turkey ngayon.
Galing ang pangalan ng rehiyong ito sa mga taong tumira doon, na tinatawag ng mga Griego na Ga·laʹtai dahil nagmula ang mga ito sa Gaul, sa Kanlurang Europa. Maraming Celt, o Galli, ang nandayuhan mula sa bayan nilang Gaul at nakarating hanggang sa Kipot ng Bosporus. Noong mga 278-277 B.C.E., tumawid sila ng Bosporus nang gawin silang mga sundalo ng hari ng Bitinia. Kapalit ng serbisyong ito, ibinigay sa kanila ang isang malaking bahagi ng gitnang Anatolia, at ito ang naging kaharian ng Galacia. Isinama ng upahang mga sundalong ito ang kanilang mga asawa at anak. Lumilitaw na noong una, hindi nila kinuhang asawa ang mga nakatira na doon na mula sa ibang lahi. Kaya naingatan nila ang kanilang kultura, relihiyon, at wika. Pero nang maglaon, sumamba na rin sila sa mga diyos at diyosa ng mga nakatira doon. Ang huli nilang hari, si Amyntas, ay naging kontrolado ng hari ng Roma. Sa ilalim ng pamamahala niya, lumaki pa ang sakop ng kaharian ng Galacia. Napatay sa digmaan si Amyntas noong 25 B.C.E., at ang buong kaharian niya ay naging Romanong lalawigan ng Galacia.
Sa paglipas ng daan-daang taon, maraming beses na nagbago ang hangganan ng lalawigang ito ng Roma. Noong panahon ni apostol Pablo, ang Galacia ang isa sa pinakamalalaking lalawigan sa Imperyo ng Roma. Bukod sa orihinal na teritoryo ng Galacia, saklaw din nito ang silangang Frigia, Licaonia, Isauria, ilang bahagi ng rehiyon ng Pisidia, Pamfilia, at Paphlagonia, at ang mga rehiyon ng Ponto sa hilagang-silangan.—Tingnan ang Ap. B13; tingnan din ang “Introduksiyon sa Galacia” at study note sa Gal 1:2.