Panatiko
Sa Ingles, zealot. Ang terminong Griego na ze·lo·tesʹ ay tumutukoy sa isa na masigasig o aktibo. Nang maglaon, tumukoy na ang terminong ito sa mga miyembro ng isang militanteng sekta ng mga Judio na prominente noong unang siglo C.E. at nakipaglaban sa Roma dahil sa pananakop nito sa lupain ng mga Judio.
Sa ilalim ng pamamahala ng Roma, nagkaroon ng malaking kaguluhan sa relihiyon at politika sa Judea. Iniulat ni Josephus, ang pangunahing pinagmumulan ng impormasyon tungkol sa magulong panahong iyon, na may iba’t ibang rebeldeng grupo na nabuo. Isa na rito ang mga Panatiko. Ipinakikipaglaban nila ang kalayaan ng mga Judio, at dahil panatiko sila, handa silang gumamit ng dahas sa kagustuhang maging mga tagapagligtas. Galit na galit pa nga sila sa kapuwa nila Judio na gustong magpasakop sa Roma. Hindi naman naging malaya ang bayan dahil sa pag-aaklas ng mga Panatiko. Ang totoo, napahamak ang bansa dahil sa kanila. Winasak ng Roma ang Jerusalem at ang templo nito noong 70 C.E. Ang ilang Panatiko ay posibleng tumakas papuntang moog ng Masada, kung saan nagkakampo ang mga Sicarii (Mga Lalaking May Punyal). Noong 73 C.E., matapos silang palibutan ng hukbo ng Roma nang dalawang taon, nagpakamatay ang mga Judio sa Masada sa halip na sumuko.