Tacitus, Publius Cornelius
(mga 56–mga 120 C.E.) Isang Romanong orador at opisyal ng gobyerno. Madalas siyang tukuyin bilang ang pinakamahusay na istoryador ng sinaunang Roma.
Ang pinakakilalang mga akda ni Tacitus ay ang Histories (mga 104-109 C.E.) at Annals (mga 115-117 C.E.), na parehong tungkol sa kasaysayan ng Imperyo ng Roma mula 14 hanggang 96 C.E. Hindi lang siya nagpokus sa kasaysayan kundi pati sa moralidad at paggawi ng mga tao, kaya kinondena niya ang mga Romanong diktador dahil sa kanilang korapsiyon at pag-abuso sa kapangyarihan. Halimbawa, kahit mababa ang tingin ni Tacitus sa mga Kristiyano, iniulat niya ang kalupitan sa kanila ni Nero. Sinabi niyang isinisi ni Nero sa mga Kristiyano ang malaking sunog sa Roma noong 64 C.E.
Madalas mabasa sa ulat ni Tacitus ang ilang indibidwal na binanggit sa Bibliya. Kasama rito si Quirinio, Romanong gobernador ng Sirya; si Felix, prokurador ng Judea; at si Poncio Pilato, na nagpapatay kay Kristo noong namamahala si Tiberio Cesar. Ang mga pagbanggit na ito ay sumusuporta sa ulat ng Bibliya.—Mat 27:2; Luc 2:1, 2; 3:1; Gaw 23:24, 26.