Retorikal na tanong
Tanong na hindi naghihintay ng sagot. Dinisenyo ito para pag-isipin ang mga tagapakinig, magdiin, gumawa ng mahalagang punto, at pakilusin ang mga tagapakinig na mangatuwiran.
Ang retorikal na mga tanong ay isang epektibong paraan ng pagtuturo na madalas gamitin sa Bibliya. Ginamit ito ni Jehova para sawayin ang bayan niya noon. (Isa 40:18, 21, 25; Jer 18:14) Ginamit ito ni Jesus para idiin ang mahahalagang katotohanan. (Luc 11:11-13) Ginamit niya rin ito para pag-isipin ang mga tao, at kung minsan ay sunod-sunod pa nga ang mga tanong niya. (Mat 11:7-9) Mahusay rin si apostol Pablo sa paggamit ng retorikal na mga tanong.—Ro 8:31-34; 1Co 1:13; 11:22.
Kapag may nababasa sa Bibliya na isang retorikal na tanong, makakabuting huminto sandali ang mambabasa at pag-isipan kung para saan ang tanong na ito. Halimbawa, nang itanong ni Jesus: “Sino sa inyo ang magbibigay ng bato sa kaniyang anak kapag humingi ito ng tinapay?” ang inaasahang sagot ay: “Imposibleng gawin iyan ng isang ama.”—Tingnan ang study note sa Mat 7:9.