Saling Coptic
Noong ikatlong siglo C.E., may iba’t ibang tagapagsalin na gumawa ng sari-sariling salin ng mga bahagi ng Hebreong Kasulatan at Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Coptic. Isa itong wika sa sinaunang Ehipto, at karamihan sa mga letra nito ay mula sa Griego. May mga sinaunang manuskrito ng Bibliya na isinulat sa ilang diyalektong Coptic, gaya ng Sahidic at Bohairic.
Ang mga bersiyon ng Bibliya sa wikang Coptic ay isinalin mula sa Griego. Lumilitaw na karamihan ng mga aklat sa Bibliya ay naisalin na sa wikang Coptic noong pasimula ng ikaapat na siglo C.E.
Ang pinakamatandang kumpletong Coptic codex ng mga Ebanghelyo na mayroon tayo sa ngayon ay mula noong ika-11 o ika-12 siglo C.E., pero ang kopya ng indibidwal na mga aklat ng Bibliya, o bahagi ng mga ito, ay mula pa noong ikaapat at ikalimang siglo C.E. Mahalaga ang mga saling Coptic, lalo na ang mga unang kopya, dahil base ito sa tekstong Griego na mas nauna pa sa maraming manuskritong Griego na mayroon tayo sa ngayon. Makakatulong ang mga saling Coptic para mas maintindihan natin ang sinaunang mga manuskrito na pinagbatayan ng mga ito. Halimbawa, sa ilang saling Coptic para sa Ju 1:1, malinaw na makikita na si Jesus, na tinukoy na “isang diyos,” ay iba sa Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat.