Samaritan Pentateuch
Tumutukoy ang terminong ito sa mga manuskrito na naglalaman ng unang limang aklat ng Bibliya, na kinikilala ng mga Samaritano na tanging mga aklat na sagrado. (Tingnan ang SAMARITANO.) Hindi ito isang salin; transliterasyon ito ng Hebreong Pentateuch gamit ang mga letrang Samaritano na may kasamang idyomang Samaritano. Ang mga letrang Samaritano ay bersiyon ng sinaunang mga letrang Hebreo.
Ang pinakamatatandang manuskrito sa ngayon ng Samaritan Pentateuch ay mula noong mga ika-9 hanggang ika-11 siglo C.E. Pero may mas nauna pang mga manuskrito ng Samaritan Pentateuch kaysa sa mga ito. Ayon sa pagtantiya ng mga iskolar, ang unang bersiyon nito ay ginawa sa pagitan ng ikaapat at ikalawang siglo B.C.E. May sariling mga tagakopya ang mga Samaritano para maipasa ang mga manuskritong ito sa sumunod na mga henerasyon.
Malaking tulong ang Samaritan Pentateuch dahil may pagkakaiba ito sa Hebreong Masoretiko na tugma naman sa iba pang mga manuskrito, gaya ng Griegong Septuagint. Nakakatulong ang mga pagkakaibang ito para mas maunawaan ang ilang talata sa Bibliya. Halimbawa, sa Gen 4:8 ng Samaritan Pentateuch at ng iba pang sinaunang manuskrito, mababasa ang ekspresyong “Pumunta tayo sa parang.” Pero wala ito sa mga manuskritong Hebreo sa ngayon.—Para sa higit pang impormasyon tungkol sa Samaritan Pentateuch, tingnan ang study note sa Ju 4:20.