Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tagapagtaguyod ng Judaismo

Tagapagtaguyod ng Judaismo

Ang ekspresyong ito ay kadalasan nang tumutukoy sa unang-siglong mga Judio na nag-aangking Kristiyano pero nagtataguyod pa rin ng pagsunod sa Kautusang Mosaiko at sa mga kaugalian at tradisyong Judio. Napakahalaga sa kanila ng pagtutuli.

Dahil sa mga turo nila, nasisikil ang kalayaan ng mga Kristiyano at nagkakaroon ng pagkakabaha-bahagi sa kongregasyon noong unang siglo. Binatikos ni apostol Pablo ang mga turo nila, partikular na sa liham niya sa mga taga-Galacia, kung saan tinawag niya ang ilang tagapagtaguyod ng Judaismo na “nagkukunwaring mga kapatid.” (Gal 1:7; 2:4, 5; 4:9, 10; 6:12, 13; tingnan din ang Gaw 15:1, 2.) Posibleng pareho sila ng paniniwalang itinataguyod ng “ubod-galing na mga apostol” na binanggit sa 2 Corinto 11:5, 13. Posibleng maraming taóng naging problema sa kongregasyon ang impluwensiya ng mga tagapagtaguyod ng Judaismo, dahil patuloy na binatikos ni Pablo ang mga turo nila sa sumunod pang mga liham niya.—Col 2:11, 16, 17; Tit 1:10, 11.

Hindi lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang ekspresyong “tagapagtaguyod ng Judaismo,” pero ginamit ito sa mga akda ng Judiong istoryador noong unang siglo na si Flavius Josephus. (The Jewish War, II, 463 [xviii, 2]) Gumamit si Pablo ng kaugnay nitong terminong Griego sa liham niya sa mga taga-Galacia. Sa Galacia 2:11-14, sinabi niya kung paano niya itinuwid si Pedro sa Antioquia ng Sirya nang hindi ito kumaing kasama ng mga Kristiyanong di-Judio. Ginamit sa talata 14 ang pandiwang Griego na I·ou·da·iʹzo kasama ng pandiwang Griego na isinaling “inoobliga” sa ekspresyong “inoobliga . . . na mamuhay ayon sa kaugalian ng mga Judio.”