Tetragrammaton
Ang salitang ito ay literal na nangangahulugang “apat na letra” (mula sa Griegong te·tra-, na nangangahulugang “apat,” at gramʹma, “letra”). Tumutukoy ito sa apat na katinig sa Hebreo na יהוה (isinusulat nang pakaliwa) na kumakatawan sa pangalan ng Diyos.
Lumitaw nang halos 7,000 beses ang Tetragrammaton sa Hebreong Kasulatan. Sa Ingles, ang transliterasyon nito ay YHWH (o, JHVH). Gaya ng lahat ng iba pang salita sa sinaunang Hebreo, walang patinig ang Tetragrammaton, pero kapag binabasa ito ng mga Judio noon, nilalagyan nila ito ng patinig. Sa ngayon, hindi na natin alam ang mga patinig na ginagamit nila noon. May mga nagsasabing binibigkas itong “Yahweh.” Mas pabor naman ang iba sa paggamit ng tatlong pantig. Ang anyong “Jehovah” ay matagal nang ginagamit ng marami sa wikang Ingles, gayundin ang “Jehova” sa wikang Tagalog.
Maraming iskolar ang nagsasabi na ang pangalan ng Diyos ay galing sa pandiwang Hebreo na nangangahulugang “maging” at posibleng ang pandiwang ito ay nasa causative form. Hindi natin puwedeng ipilit kung ano talaga ang kahulugan ng pangalan ng Diyos, pero ang kahulugang “Pinangyayari Niyang Maging Gayon” ay angkop na angkop sa papel ni Jehova bilang Maylalang ng lahat ng bagay at Tagatupad ng kaniyang layunin. Hindi lang niya pinangyaring umiral ang uniberso at ang matatalinong nilikha, kundi sa paglipas ng panahon, patuloy niyang pinangyayari na matupad ang kalooban niya at layunin.—Para sa higit pang impormasyon tungkol sa kahulugan ng pangalan ng Diyos, tingnan ang Ap. A4, “Ang Pangalan ng Diyos sa Hebreong Kasulatan.”