Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 1

“Maging Tagasunod Kita”—Ano ang Ibig Sabihin ni Jesus?

“Maging Tagasunod Kita”—Ano ang Ibig Sabihin ni Jesus?

“Ano ang dapat kong gawin para tumanggap ng buhay na walang hanggan?”

1, 2. Ano ang pinakamagandang paanyaya na puwedeng matanggap ng isang tao, at ano ang puwede nating itanong sa sarili?

 ANO ang pinakamagandang paanyaya na natanggap mo? Isa bang espesyal na okasyon o kasal ng dalawang taong mahalaga sa iyo? Binigyan ka ba ng isang importanteng trabaho? Kung nakatanggap ka na ng ganiyang mga paanyaya, tiyak na tuwang-tuwa ka. Baka itinuring mo pa ngang karangalan iyan para sa iyo. Pero ang totoo, nakatanggap ka at ang bawat isa sa atin ng di-hamak na mas magandang paanyaya. Anuman ang maging tugon natin dito, malaki ang magiging epekto nito sa atin. Ito ang pinakamahalagang desisyon na gagawin natin.

2 Ano ang paanyayang iyan? Paanyaya iyan ni Jesu-Kristo, ang kaisa-isang Anak ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova. Nakaulat ito sa Bibliya. Sa Marcos 10:21, sinabi ni Jesus: “Sumama ka sa akin, at maging tagasunod kita.” Paanyaya din iyan ni Jesus sa bawat isa sa atin. Kaya dapat nating tanungin ang ating sarili, ‘Paano ako tutugon?’ Baka sabihin mo, ‘Sino naman ang tatanggi sa gayong napakagandang paanyaya?’ Pero ang nakakagulat, karamihan ay tumatanggi rito. Bakit?

3, 4. (a) Anong mga bagay ang pinapangarap ng iba na nasa lalaking lumapit kay Jesus para magtanong tungkol sa buhay na walang hanggan? (b) Anong magagandang katangian ang posibleng nakita ni Jesus sa mayamang tagapamahala?

3 Pag-isipan ang halimbawa ng isang lalaki na direktang tumanggap ng paanyayang iyan mga 2,000 taon na ang nakakalipas. Isa siyang lubhang iginagalang na tao. Nasa kaniya ang tatlo sa mga bagay na pinapangarap ng maraming tao—lakas, yaman, at kapangyarihan. Inilalarawan siya sa Bibliya na isang kabataan, “napakayaman,” at isang “tagapamahala.” (Mateo 19:20; Lucas 18:18, 23) Pero may katangian ang lalaking ito na mas mahalaga. Nabalitaan niya ang tungkol sa Dakilang Guro, si Jesus, at nagustuhan niya ang kaniyang narinig.

4 Hindi iginagalang si Jesus ng karamihan sa mga tagapamahala noong panahong iyon. (Juan 7:48; 12:42) Pero iba ang ginawa ng tagapamahalang ito. Sinasabi ng Bibliya: “Habang naglalakad [si Jesus], isang lalaki ang tumakbo palapit sa kaniya at lumuhod sa harap niya. Nagtanong ito: ‘Mabuting Guro, ano ang dapat kong gawin para tumanggap ng buhay na walang hanggan?’” (Marcos 10:17) Pansinin na gustong-gusto ng lalaking ito na makausap si Jesus. Sa harap ng maraming tao, tumakbo siya papalapít kay Jesus, na para bang isa lang siyang ordinaryo o mahirap na tao. Pagkatapos, lumuhod ang lalaki sa harap ng Kristo. Mapagpakumbaba siya at alam niyang dapat siyang magkaroon ng kaugnayan sa Diyos. Pinahalagahan ni Jesus ang magagandang katangiang ito. (Mateo 5:3; 18:4) Kaya nga hindi na tayo dapat magulat na “tumingin si Jesus sa kaniya at nakadama ng pagmamahal sa kaniya.” (Marcos 10:21) Paano sinagot ni Jesus ang tanong ng lalaki?

Isang Napakahalagang Paanyaya

5. Paano sinagot ni Jesus ang mayamang lalaki, at paano natin nalaman na hindi kailangang maging mahirap ang lalaki para maging lingkod ng Diyos? (Tingnan din ang talababa.)

5 Ipinahiwatig ng sagot ni Jesus na may ibinigay nang impormasyon ang kaniyang Ama kung paano magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Sumipi siya sa Kasulatan, at sinabi naman ng lalaki na buong-katapatan niyang sinusunod ang Kautusang Mosaiko. Pero dahil sa pambihirang kaunawaan ni Jesus, nakikita niya ang nasa puso ng tao. (Juan 2:25) Nahalata niyang may seryosong problema ang tagapamahalang ito sa kaugnayan nito sa Diyos. Kaya sinabi ni Jesus: “May isa ka pang kailangang gawin.” Ano iyon? Sinabi ni Jesus: “Ipagbili mo ang mga pag-aari mo at ibigay mo sa mahihirap ang napagbilhan.” (Marcos 10:21) Ang ibig bang sabihin ni Jesus, kailangang maging mahirap ang isang tao para makapaglingkod sa Diyos? Hindi. a May mahalagang aral na gustong ituro si Jesus sa lalaki.

6. Ano ang paanyaya ni Jesus, at ano ang isinisiwalat ng naging tugon ng mayamang tagapamahala hinggil sa kaniyang puso?

6 Para ipakita kung ano ang kulang pa sa lalaki, binigyan siya ni Jesus ng napakagandang pagkakataon: “Sumama ka sa akin, at maging tagasunod kita.” Isip-isipin na lang—direktang inanyayahan ng Anak ng Kataas-taasang Diyos ang lalaking iyon na maging tagasunod niya! Napakaganda rin ng pangako ni Jesus sa kaniya: “Magkakaroon ka ng kayamanan sa langit.” Tinanggap ba ng mayamang tagapamahala ang napakahalagang paanyayang ito? Sinasabi ng ulat: “Nang marinig ito ng lalaki, nanlumo siya at malungkot na umalis, dahil marami siyang pag-aari.” (Marcos 10:21, 22) Dahil sa sinabi ni Jesus, lumabas kung ano talaga ang nasa puso ng lalaki. Sobrang mahal niya ang mga pag-aari niya, pati na ang kapangyarihan at katanyagang naibibigay nito. Nakakalungkot, mas mahal niya ang mga ito kaysa kay Kristo. Kaya ang talagang kulang sa lalaki ay ang buong-puso at mapagsakripisyong pag-ibig kay Jesus at kay Jehova. Dahil wala siya nito, tinanggihan niya ang isang napakahalagang paanyaya! Pero paano ka naman nasasangkot dito?

7. Paano tayo nakakatiyak na kasama tayo sa inaanyayahan ni Jesus?

7 Ang paanyaya ni Jesus ay hindi lang para sa lalaking iyon o sa iilang tao. Sinabi ni Jesus: “Kung gusto ng isa na sumunod sa akin, . . . patuloy [niya] akong sundan.” (Lucas 9:23) Pansinin na puwedeng maging tagasunod ni Kristo ang “isa” kung talagang “gusto” niya. Inilalapit ng Diyos sa kaniyang Anak ang gayong tapat-pusong mga tao. (Juan 6:44) Binibigyan ng pagkakataon ang lahat na tanggapin ang paanyaya ni Jesus, hindi lang ang mayayaman, mahihirap, isang partikular na lahi o bansa, o mga nabuhay noong panahong iyon. Kaya ang sinabi ni Jesus na “Sumama ka sa akin, at maging tagasunod kita” ay paanyaya rin niya sa iyo. Pero bakit dapat kang maging tagasunod ni Kristo? At ano ang kailangan para magawa iyon?

Bakit Dapat Tayong Maging Tagasunod ni Kristo?

8. Ano ang kailangan ng lahat ng tao, at bakit?

8 Isang bagay ang hindi natin maikakaila: Kailangang-kailangan natin ang isang mabuting lider. Hindi lahat ng tao ay sumasang-ayon dito, pero talagang kailangan nila ito. Ginabayan ng espiritu ni Jehova ang kaniyang propetang si Jeremias na iulat ang katotohanang ito: “Alam na alam ko, O Jehova, na ang landasin ng isang tao ay hindi sa kaniya. Hindi para sa taong lumalakad ang ituwid man lang ang sarili niyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Walang kakayahan o karapatan ang mga tao na pamahalaan ang sarili nila. Sa katunayan, makikita sa kasaysayan ng tao ang maraming rekord ng masasamang pamumuno. (Eclesiastes 8:9) Noong panahon ni Jesus, inapi, inabuso, at iniligaw ng mga lider ang mga tao. Nakita niyang parang “mga tupa na walang pastol” ang karaniwang mga tao. (Marcos 6:34) Ganito rin ang kalagayan ng mga tao ngayon. Kailangan nating lahat ng isang lider na maigagalang at mapagkakatiwalaan natin. Makikita ba ang mga katangiang iyan kay Jesus? Oo. Tingnan natin ang ilang dahilan kung bakit.

9. Paano naiiba si Jesus sa lahat ng ibang lider?

9 Una, ang Diyos na Jehova ang pumili kay Jesus. Karamihan sa mga taong lider ay pinili ng di-perpektong mga tao, na madalas madaya at magkamali. Pero iba ang pumili kay Jesus. Makikita natin iyan sa kaniyang titulong “Kristo.” Tulad ito ng salitang “Mesiyas,” na nangangahulugang “Pinahiran.” Oo, si Jesus ay pinahiran, o pinili para sa isang sagradong posisyon. At ang pumili sa kaniya ay walang iba kundi ang Kataas-taasang Panginoon ng uniberso. Sinabi ng Diyos na Jehova tungkol sa kaniyang Anak: “Narito ang aking lingkod na pinili ko, ang minamahal ko, na kinalulugdan ko! Ibibigay ko sa kaniya ang aking espiritu.” (Mateo 12:18) Mas alam ng ating Maylalang kung anong uri ng lider ang kailangan natin. Walang limitasyon ang karunungan ni Jehova, kaya talagang makakapagtiwala tayo sa pinili niya.—Kawikaan 3:5, 6.

10. Bakit ang halimbawa ni Jesus ang pinakamabuting huwaran na matutularan ng mga tao?

10 Ikalawa, nagpakita si Jesus ng perpektong halimbawa na matutularan natin. Ang pinakamahusay na lider ay may mga katangiang hahangaan at tutularan ng kaniyang mga nasasakupan. Ang mabuting halimbawa niya ay nagpapakilos sa iba na tularan siya para maging mas mabuting tao sila. Ano-anong katangian ng isang lider ang pinakagusto mo? Lakas ng loob? Karunungan? Pagiging maawain? Hindi madaling sumuko sa harap ng mahihirap na kalagayan? Habang pinag-aaralan mo ang ulat sa buhay ni Jesus dito sa lupa, makikita mong nasa kaniya ang mga katangiang iyan at iba pang katangian ng Diyos. Bilang isang perpektong tao sa lupa, talagang natularan ni Jesus ang kaniyang Ama sa langit. Kaya ang lahat ng ginawa niya, lahat ng sinabi niya, at bawat damdaming nakita natin sa kaniya ay mga halimbawang dapat nating tularan. Sinasabi ng Bibliya na nag-iwan si Jesus ng “huwaran para sundan [nating] mabuti ang mga yapak niya.”—1 Pedro 2:21.

11. Paano napatunayang “mabuting pastol” si Jesus?

11 Ikatlo, lubusang tinupad ni Kristo ang sinabi niya: “Ako ang mabuting pastol.” (Juan 10:14) Pamilyar sa mga tao noong panahon ng Bibliya ang paglalarawang iyan. Inaalagaang mabuti ng mga pastol ang kanilang mga tupa. Uunahin ng isang “mabuting pastol” ang kaligtasan at kapakanan ng kawan bago ang sarili niya. Halimbawa, ang ninuno ni Jesus na si David ay isang pastol noong nasa kabataan pa. May mga pagkakataong isinapanganib ni David ang kaniyang buhay para iligtas ang kaniyang mga tupa mula sa pagsalakay ng mabangis na hayop. (1 Samuel 17:34-36) Higit pa rito ang ginawa ni Jesus alang-alang sa kaniyang mga tagasunod dito sa lupa. Ibinigay niya ang kaniyang buhay para sa kanila. (Juan 10:15) Mayroon bang ibang lider na makakapantay sa pagsasakripisyo ni Jesus?

12, 13. (a) Gaano kakilala ng pastol ang kaniyang mga tupa, at gaano rin kakilala ng mga tupa ang pastol nila? (b) Bakit gusto mong maging lider ang Mabuting Pastol?

12 Sa anong paraan pa naging “mabuting pastol” si Jesus? Sinabi niya: “Kilala ko ang aking mga tupa at kilala ako ng aking mga tupa.” (Juan 10:14) Pag-isipan ang paglalarawang ito ni Jesus. Para sa isang nagmamasid, ang isang kawan ng mga tupa ay parang isang grupo lang ng mabalahibong mga hayop. Pero ang isang pastol, kilala niya ang bawat tupa. Alam niya kung alin sa mga babaeng tupa ang malapit nang manganak at mangangailangan ng kaniyang tulong, kung alin sa mga tupa ang kailangang buhatin dahil napakaliit at napakahina pa ng mga ito para maglakad nang malayo, at kung alin sa mga tupa ang nagkasakit o napinsala kamakailan. Kilala rin ng mga tupa ang kanilang pastol. Kabisado nila ang kaniyang tinig, at hindi sila susunod sa tinig ng ibang pastol. Kapag nahalata nila sa tinig ng pastol na may panganib, agad silang tumutugon. Sumusunod sila sa kaniya saanman man siya pumunta. At alam niya kung saan sila aakayin. Alam niya kung saan may sariwang damo, malinis na tubig, at ligtas na pastulan. Habang binabantayan niya ang mga tupa, panatag ang mga ito.—Awit 23.

13 Hindi ba ganitong lider ang gusto mo? Ang Mabuting Pastol ay may di-mapapantayang rekord ng ganiyang pakikitungo sa mga tagasunod niya. Nangangako siyang aakayin ka niya sa isang masaya at makabuluhang buhay ngayon at sa hinaharap! (Juan 10:10, 11; Apocalipsis 7:16, 17) Kaya kailangan nating malaman kung paano tayo magiging tagasunod ni Kristo.

Ang Kahulugan ng Pagiging Tagasunod ni Kristo

14, 15. Bakit hindi sapat na sabihin lang nating Kristiyano tayo o na mahal natin si Jesus para maging tagasunod niya?

14 Malamang na inaakala ng daan-daang milyong tao sa ngayon na tumugon na sila sa paanyaya ni Kristo. Sa katunayan, sinasabi nilang Kristiyano sila. Baka miyembro sila ng relihiyon kung saan sila pinabinyagan ng mga magulang nila. Baka inaangkin nilang mahal nila si Jesus at tinatanggap siya bilang Tagapagligtas nila. Pero dahil ba diyan, masasabi nang tagasunod sila ni Kristo? Hindi lang iyan ang nasa isip ni Jesus nang anyayahan niya tayong maging tagasunod niya.

15 Karamihan sa mga mamamayan ng mga bansa ang nag-aangking tagasunod ni Kristo. Nakikita ba sa kanila ang mga turo ni Jesu-Kristo? O ang nakikita natin sa mga lupaing ito ay pagkapoot, pang-aapi, krimen, at kawalang-katarungan, na makikita rin sa ibang bahagi ng mundo?

16, 17. Ano pa ang kailangang gawin ng mga nag-aangking Kristiyano, at paano naiiba ang mga tunay na tagasunod ni Kristo?

16 Sinabi ni Jesus na makikilala ang mga tunay na tagasunod niya sa kanilang mga gawa, hindi lang sa sinasabi nila o sa tawag nila sa kanilang sarili. Halimbawa, sinabi niya: “Hindi lahat ng nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa Kaharian ng langit, kundi ang gumagawa lang ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.” (Mateo 7:21) Bakit napakaraming nag-aangking Panginoon nila si Jesus ang hindi gumagawa ng kalooban ng kaniyang Ama? Natatandaan mo ba ang mayamang tagapamahala? Kadalasan, may kailangan pang gawin ang mga nag-aangking Kristiyano—ang buong-kaluluwang pag-ibig kay Jesus at sa Isa na nagsugo sa kaniya.

17 Nakakagulat iyan, kasi ang mga nagsasabing Kristiyano sila ay nagsasabi ring mahal nila si Kristo. Pero ang pag-ibig kay Jesus at kay Jehova ay hindi lang sa salita. Sinabi ni Jesus: “Kung ang sinuman ay nagmamahal sa akin, tutuparin niya ang aking salita.” (Juan 14:23) At muli bilang pastol, sinabi niya: “Ang mga tupa ko ay nakikinig sa tinig ko, at kilala ko sila, at sumusunod sila sa akin.” (Juan 10:27) Oo, maipapakita nating mahal natin si Kristo, hindi lang sa salita o sa damdamin, kundi sa gawa.

18, 19. (a) Paano dapat makaapekto sa atin ang pagkakaroon ng kaalaman tungkol kay Jesus? (b) Ano ang layunin ng aklat na ito, at paano makikinabang dito ang mga matagal nang itinuturing ang kanilang sarili na mga tagasunod ni Kristo?

18 Makikita sa mga ginagawa natin kung ano ang pagkatao natin. Dito natin dapat simulan ang pagbabago. Sinabi ni Jesus: “Para magkaroon sila ng buhay na walang hanggan, kailangan nilang makilala ka, ang tanging tunay na Diyos, at ang isinugo mo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Kung pag-aaralan natin at bubulay-bulayin ang tungkol kay Jesus, maaantig ang puso natin. Mas mamahalin natin siya, at mas mapapakilos tayong sundan siya araw-araw.

19 Kaya ang layunin ng aklat na ito ay hindi para magbigay ng kumpletong sumaryo ng buhay at ministeryo ni Jesus, kundi para tulungan tayong makita nang mas malinaw kung paano siya susundan. b Dinisenyo ito para tulungan tayong makita o masalamin mula sa Bibliya ang sarili natin at itanong, ‘Talaga bang sinusundan ko si Jesus?’ (Santiago 1:23-25) Maaaring sabihin mo na matagal ka nang nagpapaakay sa Mabuting Pastol. Pero hindi ka ba sasang-ayon na puwede pa tayong sumulong? Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Patuloy na subukin kung kayo ay nasa pananampalataya; patuloy na patunayan kung ano nga kayo.” (2 Corinto 13:5) Sulit talagang sundang mabuti ang ating maibigin at Mabuting Pastol, si Jesus, na pinili mismo ni Jehova bilang lider natin!

20. Ano ang tatalakayin natin sa susunod na kabanata?

20 Makatulong sana sa iyo ang pag-aaral sa aklat na ito para lumalim ang pag-ibig mo kay Jesus at kay Jehova. Dahil diyan, magkakaroon ka ng saganang kapayapaan at kasiyahan kahit sa lumang sanlibutang ito. Puwede ka ring mabuhay magpakailanman para purihin si Jehova dahil ibinigay niya sa atin ang Mabuting Pastol. Siyempre, ang pag-aaral natin tungkol kay Kristo ay dapat na nakabase sa tamang pundasyon. Kaya sa Kabanata 2, susuriin natin ang papel ni Jesus sa layunin ni Jehova para sa uniberso.

a Hindi hinilingan ni Jesus ang lahat ng tagasunod niya na iwan ang lahat ng pag-aari nila. Kahit sinabi niya kung gaano kahirap para sa isang taong mayaman na pumasok sa Kaharian ng Diyos, idinagdag niya: “Ang lahat ng bagay ay posible sa Diyos.” (Marcos 10:23, 27) Ang totoo, may ilang mayayamang tao na naging tagasunod ni Kristo. Tumanggap sila ng espesipikong payo mula sa Kristiyanong kongregasyon, pero hindi sila hinilingang iabuloy ang lahat ng kanilang kayamanan sa mahihirap.—1 Timoteo 6:17.

b Para sa kumpleto at kronolohikal na sumaryo ng mga pangyayari sa buhay at ministeryo ni Jesus, tingnan ang aklat na Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.