KABANATA 16
“Patuloy Niya Silang Inibig Hanggang sa Wakas”
1, 2. Paano ginamit ni Jesus ang huling gabing kasama niya ang mga apostol, at bakit napakahalaga sa kaniya ang gabing iyon?
NANG tipunin ni Jesus ang mga apostol sa silid sa itaas ng isang bahay sa Jerusalem, alam niyang ito na ang huling gabing makakasama niya sila. Malapit na siyang bumalik sa kaniyang Ama. Ilang oras na lang, aarestuhin na si Jesus at lubusang masusubok ang pananampalataya niya. Pero kahit malapit na siyang mamatay, iniisip pa rin niya ang kapakanan ng mga apostol niya.
2 Sinabi na ni Jesus sa mga apostol niya na malapit na niya silang iwan. Pero gusto pa rin niya silang patibayin para makayanan nila ang mga pagsubok na mararanasan nila. Kaya ginamit niya ang huling gabing iyon para turuan sila ng mahahalagang aral. Tutulong iyon sa kanila na manatiling tapat. Kitang-kita sa mga sinabi ni Jesus na talagang mahal niya sila. Bakit mas inuna ni Jesus ang mga apostol niya kaysa sa sarili niya? Bakit napakahalaga sa kaniya na makasama niya sila sa huling gabing iyon? Dahil mahal na mahal niya sila.
3. Bakit natin masasabing hindi lang noong gabing iyon nagpakita ng pag-ibig si Jesus sa mga tagasunod niya?
3 Pagkalipas ng maraming taon, isinulat ni apostol Juan ang mga nangyari noong gabing iyon: “Alam na ni Jesus bago pa ang kapistahan ng Paskuwa na dumating na ang oras niya para umalis sa mundong ito at pumunta sa Ama. Dahil mahal niya ang mga sariling kaniya na nasa mundo, patuloy niya silang inibig hanggang sa wakas.” (Juan 13:1) Hindi lang noong gabing iyon nagpakita si Jesus ng pag-ibig sa “mga sariling kaniya.” Sa buong ministeryo niya, pinatunayan niyang mahal niya ang mga alagad niya sa iba’t ibang paraan. Tingnan natin ang ilang halimbawa. Kung tutularan natin ang pag-ibig niya, maipapakita nating tunay na mga alagad niya tayo.
Naging Matiisin Siya
4, 5. (a) Bakit kailangang pagtiisan ni Jesus ang mga alagad niya? (b) Ano ang reaksiyon ni Jesus nang makatulog ang tatlong apostol niya sa hardin ng Getsemani?
4 Kung mahal natin ang isang tao, pagtitiisan natin siya. “Ang pag-ibig ay matiisin,” ayon sa 1 Corinto 13:4. Kailangan bang pagtiisan ni Jesus ang mga alagad niya? Oo. Nakita natin sa Kabanata 3 na hindi agad natutong maging mapagpakumbaba ang mga apostol. Maraming beses nilang pinagtalunan kung sino ang pinakadakila sa kanila. Ano ang reaksiyon ni Jesus? Nagalit ba siya at sinukuan sila? Hindi. Matiyaga siyang nangatuwiran sa kanila, kahit nagkaroon na naman sila ng “matinding pagtatalo-talo” tungkol dito noon mismong huling gabing kasama niya sila!—Lucas 22:24-30; Mateo 20:20-28; Marcos 9:33-37.
5 Noong gabi ring iyon, nasubok ulit ang pagiging matiisin ni Jesus nang pumunta siya at ang 11 tapat na apostol sa hardin ng Getsemani. Isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago, at Juan sa bandang looban ng hardin. “Sukdulan ang kalungkutang nararamdaman ko,” ang sabi ni Jesus sa kanila. “Dito lang kayo at patuloy na magbantay kasama ko.” Lumayo siya nang kaunti sa kanila at marubdob na nanalangin. Pagkatapos ng mahabang panalangin, bumalik siya sa tatlong apostol. Ano ang nakita niya? Sa panahon ng pinakamatinding pagsubok na napaharap kay Jesus, naabutan niya silang natutulog imbes na nananalangin! Pinagalitan ba niya sila? Hindi. Matiyaga niya silang pinayuhan. Makikita sa mabait na pananalita niya na naiintindihan niyang pagod na pagod sila. a Sinabi niya: “Totoo naman, gusto ng puso, pero mahina ang laman.” At kahit dalawang beses pa niya silang naabutang natutulog nang gabing iyon, naging matiisin pa rin si Jesus!—Mateo 26:36-46.
6. Paano natin matutularan si Jesus sa pakikitungo natin sa iba?
6 Hindi sinukuan ni Jesus ang mga apostol. Noong bandang huli, nagbunga rin ang pagtitiis niya. Natutuhan ng mga tapat na lalaking ito kung bakit mahalagang maging mapagpakumbaba at laging handang manalangin. (1 Pedro 3:8; 4:7) Paano natin matutularan si Jesus sa pakikitungo natin sa iba? Halimbawa, mahalagang maging matiisin ang mga elder. Baka sa panahong pagod o problemado ang isang elder, may lumapit na kapatid sa kaniya para humingi ng tulong. Kung minsan naman, baka hindi agad sumusunod sa payo ang ilang kapatid. Sa ganitong mga sitwasyon, ang mga elder ay ‘mahinahon’ pa ring nagtuturo at ‘nakikitungo nang magiliw sa kawan.’ (2 Timoteo 2:24, 25; Gawa 20:28, 29) Maganda ring tularan ng mga magulang ang pagiging matiisin ni Jesus. Kung minsan, hindi agad sumusunod sa payo o pagtutuwid ang mga anak. Dahil sa pag-ibig at pagtitiis, hindi magsasawa ang mga magulang na sanayin ang mga anak nila. Siguradong sulit ang pagtitiyaga at pagsisikap nila!—Awit 127:3.
Ibinigay Niya ang Pangangailangan Nila
7. Paano ibinigay ni Jesus ang pisikal na pangangailangan ng mga alagad niya?
7 Kung mahal natin ang isang tao, tutulungan natin siya. (1 Juan 3:17, 18) “Hindi inuuna [ng pag-ibig] ang sariling kapakanan.” (1 Corinto 13:5) Dahil mahal ni Jesus ang mga alagad niya, ibinigay niya ang pisikal na pangangailangan nila. Madalas, ginagawa na niya ito bago pa sila humingi ng tulong. Nang makita niyang pagód na sila, niyaya niya silang ‘sumama sa kaniya sa isang lugar na malayo sa mga tao at magpahinga nang kaunti.’ (Marcos 6:31) Nang mapansin niyang gutom na sila, nagkusa siyang pakainin sila—pati na ang libo-libong iba pa na pumunta sa kaniya para makinig sa turo niya.—Mateo 14:19, 20; 15:35-37.
8, 9. (a) Bakit natin masasabing alam ni Jesus ang espirituwal na pangangailangan ng mga alagad niya at inilaan niya ito? (b) Noong nakapako sa tulos si Jesus, paano niya ipinakita ang pag-ibig niya sa nanay niya?
8 Alam ni Jesus ang espirituwal na pangangailangan ng mga alagad niya at inilaan niya ito. (Mateo 4:4; 5:3) Kapag nagtuturo siya, nagpopokus siya sa kailangan nilang matutuhan. Ang kaniyang Sermon sa Bundok ay partikular nang para sa mga alagad niya. (Mateo 5:1, 2, 13-16) Kapag gumamit siya ng mga ilustrasyon, “ipinapaliwanag niya ang lahat ng bagay sa mga alagad niya kapag sila-sila na lang.” (Marcos 4:34) Inihula ni Jesus na mag-aatas siya ng isang “tapat at matalinong alipin” para siguradong mapakain sa espirituwal ang mga tagasunod Niya sa mga huling araw. Ang tapat na aliping ito, na binubuo ng isang maliit na grupo ng mga pinahirang kapatid ni Jesus sa lupa, ay naglalaan ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon” mula pa noong 1919 C.E.—Mateo 24:45.
9 Noon mismong araw na mamatay si Jesus, ipinakita niya na talagang iniisip niya ang espirituwalidad ng mga mahal niya sa buhay. Nakapako si Jesus sa tulos, at dumaranas ng napakatinding kirot. Para makahinga, malamang na kailangan niyang iangat ang katawan niya. Siguradong napakasakit nito, kasi nakapako ang mga paa niya at gumagasgas sa tulos ang sugatán niyang likod. Dahil hirap siyang huminga, siguradong hirap din siyang magsalita. Pero bago mamatay si Jesus, may sinabi siya na nagpapakitang mahal na mahal niya ang nanay niyang si Maria. Nakatayo sa malapit ang nanay niya at si apostol Juan. Tumingin si Jesus sa kanila at sinabi niya nang malakas kay Maria: “Tingnan mo! Ang iyong anak!” Pagkatapos, sinabi niya kay Juan: “Tingnan mo! Ang iyong ina!” (Juan 19:26, 27) Alam ni Jesus na parehong ilalaan ng tapat niyang apostol ang pisikal at espirituwal na pangangailangan ni Maria. b
10. Paano matutularan ng mga magulang si Jesus?
10 Makakatulong ang halimbawa ni Jesus sa mga magulang. Dahil mahal ng isang ama ang pamilya niya, ibibigay niya ang materyal na pangangailangan nila. (1 Timoteo 5:8) Sinisigurado rin niyang may panahon sila para magrelaks at magsaya. Pero mas mahalaga, inilalaan ng mga Kristiyanong magulang ang espirituwal na mga pangangailangan ng mga anak nila. Paano? Nagsasaayos sila ng regular na pampamilyang pag-aaral sa Bibliya, at sinisiguro nilang mag-e-enjoy ang mga anak nila. (Deuteronomio 6:6, 7) Sa salita at halimbawa, itinuturo ng mga magulang sa mga anak nila na mahalagang bahagi ng pagsamba ang pangangaral ng mabuting balita, pati na ang paghahanda at pagdalo sa mga pulong.—Hebreo 10:24, 25.
Handa Siyang Magpatawad
11. Ano ang itinuro ni Jesus sa mga tagasunod niya tungkol sa pagpapatawad?
11 Dahil mahal natin ang isang tao, handa natin siyang patawarin. (Colosas 3:13, 14) Ang pag-ibig ay “hindi . . . nagkikimkim ng sama ng loob,” ang sabi ng 1 Corinto 13:5. Maraming beses na itinuro ni Jesus sa mga tagasunod niya ang kahalagahan ng pagpapatawad. Itinuro niya na dapat nilang patawarin ang iba “hindi hanggang sa pitong ulit, kundi hanggang sa 77 ulit,” o walang limitasyon. (Mateo 18:21, 22) Itinuro niya na dapat patawarin ang isang makasalanan kung magsisi ito matapos sawayin. (Lucas 17:3, 4) Nagpakita rin si Jesus ng magandang halimbawa. Ibang-iba siya sa mga mapagpakunwaring Pariseo, na hindi ginagawa ang itinuturo nila. (Mateo 23:2-4) Tingnan natin kung paano handang patawarin ni Jesus ang isang kaibigan na may nagawang mali sa kaniya.
12, 13. (a) Ano ang nagawang mali ni Pedro kay Jesus noong gabing arestuhin Siya? (b) Paano ipinakita ni Jesus na pinatawad niya si Pedro?
12 Malapít na kaibigan ni Jesus si apostol Pedro. Mabait naman si Pedro, pero padalos-dalos kung minsan. Nakita ni Jesus ang mabubuting katangian niya at binigyan siya ng mga espesyal na pribilehiyo. Nasaksihan mismo ni Pedro, pati nina Santiago at Juan, ang ilang himalang hindi nakita ng ibang apostol. (Mateo 17:1, 2; Lucas 8:49-55) At gaya ng nabanggit na, isa si Pedro sa mga isinama ni Jesus sa bandang looban ng hardin ng Getsemani noong gabing arestuhin Siya. Pero noon mismong gabi ring iyon na tinraidor at inaresto si Jesus, iniwan siya ni Pedro at ng iba pang apostol at tumakas. Mayamaya, naglakas-loob si Pedro na tumayo sa labas habang ilegal na nililitis si Jesus. Pero natakot din siya at nakagawa ng malubhang pagkakamali. Tatlong beses siyang nagsinungaling at sinabing hindi niya kilala si Jesus! (Mateo 26:69-75) Ano ang naging reaksiyon ni Jesus? Ikaw, ano ang magiging reaksiyon mo kung gawin sa iyo ng isang kaibigan mo ang ginawa ni Pedro kay Jesus?
13 Handang patawarin ni Jesus si Pedro. Alam niyang sobrang nalungkot at nagsisi si Pedro sa nagawa nito. “Nanlupaypay [si Pedro] at humagulgol.” (Marcos 14:72) Noong araw na buhaying muli si Jesus, nagpakita siya kay Pedro. Malamang na ginawa niya iyon para patibayin ang apostol. (Lucas 24:34; 1 Corinto 15:5) Makalipas ang wala pang dalawang buwan, binigyan ni Jesus si Pedro ng dangal. Pinili niya si Pedro na magpatotoo sa mga tao sa Jerusalem sa araw ng Pentecostes. (Gawa 2:14-40) Tandaan din na noong iwan si Jesus ng mga apostol, hindi siya nagkimkim ng sama ng loob sa kanila. Ang totoo, matapos siyang buhaying muli, tinawag pa rin niya silang “mga kapatid ko.” (Mateo 28:10) Maliwanag, hindi lang basta itinuro ni Jesus na magpatawad, ginawa rin niya iyon.
14. Bakit kailangan tayong matutong magpatawad, at paano natin maipapakitang handa tayong magpatawad?
14 Bilang mga alagad ni Kristo, kailangan tayong matutong magpatawad. Bakit? Di-gaya ni Jesus, hindi tayo perpekto, pati na ang mga nagkakasala sa atin. Dahil diyan, nagkakamali tayong lahat sa pagsasalita at pagkilos. (Roma 3:23; Santiago 3:2) Kapag pinapatawad natin ang mga nakagawa ng mali sa atin at nagsisi sila, papatawarin din tayo ng Diyos sa mga kasalanan natin. (Marcos 11:25) Kaya paano natin maipapakitang handa tayong magpatawad? Dahil sa pag-ibig, karaniwan nang pinapalampas natin ang maliliit na pagkakasala at pagkukulang ng iba. (1 Pedro 4:8) Kung talagang nagsisising gaya ni Pedro ang mga nakagawa ng mali sa atin, handa natin silang patawaring gaya ng ginawa ni Jesus. Hindi tayo magkikimkim ng sama ng loob. (Efeso 4:32) Dahil diyan, makakatulong tayong mapanatili ang kapayapaan ng kongregasyon, pati na ng puso’t isip natin.—1 Pedro 3:11.
Nagtiwala Siya sa Iba
15. Bakit nagtitiwala pa rin si Jesus sa mga alagad niya kahit nagkakamali sila?
15 Kung mahal natin ang isang tao, magtitiwala tayo sa kaniya. “Pinaniniwalaan [ng pag-ibig] ang lahat ng bagay.” c (1 Corinto 13:7) Dahil mahal ni Jesus ang mga alagad niya, handa siyang magtiwala sa kanila kahit nagkakamali sila. Naniniwala siyang talagang mahal nila at gusto nilang gawin ang kalooban ni Jehova. Hindi kinuwestiyon ni Jesus ang motibo nila. Halimbawa, sinabi nina Santiago at Juan sa kanilang ina na hilingin kay Jesus na maupo sila sa tabi Niya sa Kaharian. Kahit ginawa nila iyon, hindi nagduda si Jesus sa katapatan nila at hindi niya sila inalis bilang mga apostol.—Mateo 20:20-28.
16, 17. Anong mga pananagutan ang iniatas ni Jesus sa mga alagad niya?
16 Inatasan ni Jesus ng iba’t ibang pananagutan ang mga alagad niya dahil nagtitiwala siya sa kanila. Sa dalawang pagkakataong naghimala siya para pakainin ang maraming tao, inatasan niya ang mga alagad niya na ipamahagi ang pagkain. (Mateo 14:19; 15:36) Sa huling Paskuwa niya, inatasan niya sina Pedro at Juan na pumunta sa Jerusalem para maghanda. Sila ang mag-aasikaso sa pagkuha ng kordero, alak, tinapay na walang pampaalsa, mapapait na gulay, at iba pang kailangan. Importanteng atas iyon. Kahilingan sa Kautusang Mosaiko na ipagdiwang ang Paskuwa sa tamang paraan, at kailangang sundin ni Jesus ang Kautusan. Noong gabi ring iyon, ginamit ni Jesus ang alak at tinapay na walang pampaalsa bilang sagisag ng dugo at katawan niya nang simulan niya ang Memoryal ng kamatayan niya.—Mateo 26:17-19; Lucas 22:8, 13.
17 Pinagkatiwalaan ni Jesus ang mga alagad niya ng mas mahahalagang pananagutan. Halimbawa, inatasan niya ang mga alagad na mangaral at gumawa ng mga alagad. (Mateo 28:18-20) Sinabi niya sa kanila na mag-aatas siya ng isang maliit na grupo ng mga pinahiran para sa mahalagang pananagutan na maghanda at magbigay ng espirituwal na pagkain. (Lucas 12:42-44) At ngayong namamahala na si Jesus sa langit, may pinagkatiwalaan siyang “mga tao bilang regalo” para manguna sa kongregasyon.—Efeso 4:8, 11, 12.
18-20. (a) Paano natin maipapakitang nagtitiwala tayo sa mga kapatid? (b) Paano natin matutularan ang pagiging handa ni Jesus na magbigay ng atas sa iba? (c) Ano ang tatalakayin sa susunod na kabanata?
18 Paano natin matutularan si Jesus sa pakikitungo natin sa iba? Kapag mahal natin ang mga kapatid, magtitiwala tayo sa kanila. Hahanapin natin ang magagandang katangian nila imbes na magpokus sa mga pagkakamali nila. Kapag may nagawa silang mali, na talaga namang mangyayari, hindi natin agad iisiping may masamang motibo sila kasi mahal natin sila. (Mateo 7:1, 2) Kung lagi tayong magpopokus sa magagandang katangian ng mga kapatid, hahanap tayo ng mga paraan para patibayin sila at hindi pahinain.—1 Tesalonica 5:11.
19 Matutularan ba natin ang pagiging handa ni Jesus na magbigay ng atas sa iba? Halimbawa, kapag nag-aatas ang mga elder sa iba, nagtitiwala silang gagawin nila ang mga iniatas sa kanila. Kapag ginawa ito ng mga makaranasang elder, nasasanay nila ang mga kuwalipikadong lalaki na “nagsisikap” umabot ng mga pribilehiyo sa kongregasyon. (1 Timoteo 3:1; 2 Timoteo 2:2) Napakahalaga ng pagsasanay na ito. Habang dumarami ang mga taong inilalapit ni Jehova sa kongregasyon, kailangan pa ng mas maraming kuwalipikadong lalaki na mangunguna.—Isaias 60:22.
20 Napakagandang halimbawa ni Jesus sa pagpapakita ng pag-ibig. Iyan ang pinakamahalagang bagay na dapat nating tularan sa kaniya. Sa susunod na kabanata, tatalakayin natin ang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig niya—nang ibigay niya ang buhay niya para sa atin.
a Nakatulog ang mga apostol hindi lang dahil sa pagod. Sinasabi sa Lucas 22:45 na nakita sila ni Jesus na “natutulog, pagod dahil sa pamimighati.”
b Lumilitaw na biyuda na noon si Maria at hindi pa mga alagad ni Jesus ang iba niyang mga anak.—Juan 7:5.
c Hindi ibig sabihin nito na basta na lang tayo maniniwala sa lahat ng naririnig natin. Sa halip, nangangahulugan ito na ang pag-ibig ay hindi sobrang mapamuna o mapaghinala. Iniiwasan nating kuwestiyunin ang motibo ng iba o magpokus sa mga pagkakamali nila.