Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 14

“Maraming Tao ang Lumapit sa Kaniya”

“Maraming Tao ang Lumapit sa Kaniya”

“Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata”

1-3. Ano ang nangyari nang dalhin ng mga magulang ang mga anak nila kay Jesus? Ano ang ipinapakita ng pangyayaring ito tungkol kay Jesus?

 ALAM ni Jesus na malapit na siyang mamatay. Ilang linggo na lang ang natitira, pero napakarami pa niyang dapat gawin. Nangangaral siya kasama ng mga apostol sa Perea, isang rehiyon sa silangan ng Ilog Jordan. Patimog sila papuntang Jerusalem, kung saan dadalo si Jesus sa kaniyang huling Paskuwa.

2 Matapos makipag-usap si Jesus sa ilang lider ng relihiyon tungkol sa isang napakahalagang paksa, lumapit sa kaniya ang mga tao. Dinala ng ilang tao ang mga anak nila para makita si Jesus. Makikita nating iba-iba ang edad ng mga bata. Ginamit ni Marcos ang salitang “bata” nang tukuyin niya ang isang 12 taóng gulang na bata. “Maliliit na anak” naman ang ginamit ni Lucas. (Lucas 18:15; Marcos 5:41, 42; 10:13) Dahil napakaraming bata, siguradong maingay at magulo roon. Inisip ng mga alagad na walang panahon si Jesus sa mga batang iyon at maaabala lang siya ng mga ito, kaya sinaway nila ang mga magulang. Ano ang ginawa ni Jesus?

3 Nagalit si Jesus sa mga alagad nang makita niya iyon. Sinabi niya: “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata; huwag ninyo silang pigilan, dahil ang Kaharian ng Diyos ay para sa mga gaya nila. Sinasabi ko sa inyo, ang sinumang hindi tumatanggap sa Kaharian ng Diyos na gaya ng isang bata ay hindi makakapasok dito.” Pagkatapos, “kinalong” ni Jesus ang mga bata at pinagpala sila. (Marcos 10:13-16) Naiisip mo ba si Jesus na may kalong na mga bata, o mga sanggol pa nga? Talagang mahal na mahal ni Jesus ang mga bata. Pero may matututuhan pa tayo rito tungkol sa kaniya—madali siyang lapitan.

4, 5. (a) Paano natin nalaman na madaling lapitan si Jesus? (b) Anong mga tanong ang sasagutin sa kabanatang ito?

4 Kung istrikto, suplado, o mayabang si Jesus, posibleng hindi siya lapitan ng mga bata, at kahit ng mga magulang nila. Pag-isipan ito: Nakangiti ang mga magulang habang karga ng isang napakabait na lalaki ang mga anak nila at pinagpapala ang mga ito. Siguradong napakasaya nila dahil ipinakita ni Jesus na napakahalaga sa Diyos ang mga bata. Kahit napakaraming responsibilidad ni Jesus, siya pa rin ang pinakamadaling lapitan sa lahat ng tao.

5 Sino pa ang mga lumapit kay Jesus para makausap siya? Bakit napakadali niyang lapitan? At paano natin matutularan si Jesus? Sasagutin natin ang mga tanong na iyan sa kabanatang ito.

Marami ang Gustong Lumapit kay Jesus

6-8. Sino ang madalas na mga kasama ni Jesus? Paano siya naiiba sa mga lider ng relihiyon?

6 Habang binabasa mo ang mga ulat ng Ebanghelyo, baka mamangha ka dahil napakaraming tao ang gustong lumapit kay Jesus. Halimbawa, mababasa natin: “Sinundan siya ng napakaraming tao mula sa Galilea.” “Dinagsa siya ng napakaraming tao.” “Maraming tao ang lumapit sa kaniya.” “Marami ang naglalakbay kasama niya.” (Mateo 4:25; 13:2; 15:30; Lucas 14:25) Kitang-kitang madalas niyang kasama ang malalaking grupo ng tao.

7 Ordinaryong tao lang ang karamihan sa kanila. Madalas silang hamakin ng mga lider ng relihiyon at ituring na “mga tao ng lupain.” Napakatinding panlalait ito. Sinasabi ng mga Pariseo at saserdote: “Ang mga taong ito na nakikinig kay Jesus ay walang alam sa Kautusan at mga isinumpa.” (Juan 7:49) Pinapatunayan ng mga akda ng mga rabbi na ganito talaga ang tingin ng mga Pariseo at saserdote sa mga ordinaryong tao. Itinuturing silang kasuklam-suklam ng maraming lider ng relihiyon, kaya ayaw nilang kumaing kasama ng mga ito. Ayaw din nilang bumili, o makihalubilo pa nga, sa mga ito. Sinasabi pa nga ng ilang lider ng relihiyon na walang pag-asang mabuhay muli ang mga hindi natuto ng kautusan. Siguradong iniwasan ng mga tao ang mga lider na iyon imbes na humingi ng tulong sa kanila. Pero iba si Jesus.

8 Madalas makihalubilo si Jesus sa mga karaniwang tao. Kumain siyang kasama nila, pinagaling sila, tinuruan sila, at binigyan ng pag-asa. Alam ni Jesus na hindi maglilingkod kay Jehova ang karamihan. (Mateo 7:13, 14) Pero gusto niyang magkaroon ng pagkakataon ang bawat isa na marinig ang mabuting balita ng Kaharian at maging tagasunod niya. Naniniwala siya na gagawin ng marami ang tama. Ibang-iba si Jesus sa mga saserdote at mga Pariseo pagdating sa pagmamahal sa mga tao! Pero ito ang nakakapagtaka. May mga saserdote at Pariseo din na lumapit kay Jesus. Nagbago ang ilan sa kanila at naging tagasunod niya. (Gawa 6:7; 15:5) May mayayaman at makapangyarihan din na lumapit kay Jesus.—Marcos 10:17, 22.

9. Bakit hindi nahiyang lumapit kay Jesus ang mga babae?

9 Hindi rin nahiyang lumapit kay Jesus ang mga babae. Madalas silang hamakin ng mga lider ng relihiyon. Mababa ang tingin ng mga rabbi sa sinumang nagtuturo sa mga babae. Hindi pa nga pinapayagang tumestigo ang mga babae sa mga legal na usapin kasi itinuturing silang mga saksing di-mapagkakatiwalaan. May panalangin pa nga ang mga rabbi na ipinagpapasalamat nila sa Diyos na hindi sila naging babae! Pero iginalang ni Jesus ang mga babae. Marami ang lumapit sa kaniya at gustong matuto. Halimbawa, nang bisitahin ni Jesus si Lazaro, abalang-abala ang kapatid nitong si Marta sa paghahanda ng pagkain. Pero nakaupo naman sa paanan ng Panginoon ang kapatid nilang si Maria. Nakikinig siyang mabuti sa mga sinasabi ni Jesus. Pinapurihan siya ni Jesus dahil pinili niya ang mas mahalagang bagay.—Lucas 10:39-42.

10. Paano naiiba sa mga lider ng relihiyon si Jesus sa pakikitungo sa mga maysakit?

10 Lumapit din kay Jesus ang mga maysakit dahil mabait siya sa kanila, di-gaya ng mga lider ng relihiyon. Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, inihihiwalay ang mga ketongin para hindi sila makahawa. Pero hindi ibig sabihin nito na magiging malupit na ang mga tao sa kanila. (Levitico, kabanata 13) Sa mga batas ng rabbi, itinuturing ang mga ketongin na gaya ng dumi ng tao o hayop. May mga pagkakataon pa ngang binabato ng ilang lider ng relihiyon ang mga ketongin para itaboy ang mga ito! Naiisip mo ba kung gaano kahirap sa kanila na lapitan ang sinumang guro? Pero lumapit pa rin sila kay Jesus. Sinabi pa nga ng isa sa kanila: “Panginoon, kung gugustuhin mo lang, mapagagaling mo ako.” (Lucas 5:12) Sa susunod na kabanata, tatalakayin natin kung ano ang ginawa ni Jesus. Pero sa ngayon, kitang-kita natin na napakadaling lapitan si Jesus.

11. Sino pa ang mga lumapit kay Jesus, at ano ang matututuhan natin dito?

11 Lumapit din kay Jesus ang mga nagsisising makasalanan. Naalala mo ba noong kumain si Jesus sa bahay ng isang Pariseo? May kilaláng makasalanang babae na dumating at lumuhod sa paanan ni Jesus. Umiiyak siya dahil sa mga kasalanan niya. Nabasâ ng luha niya ang mga paa ni Jesus, at pinunasan ito gamit ang buhok niya. Nagulat ang Pariseong nag-imbita kay Jesus dahil hinayaan niyang hawakan siya ng babae. Pero naging mabait si Jesus sa babae. Sinabi niyang pinatawad na ni Jehova ang nagsisising babae sa mga kasalanan nito. (Lucas 7:36-50) Sa ngayon, kailangan ding maramdaman ng mga nagsisising indibidwal na puwede silang maging kaibigan ulit ng Diyos. Kailangan nila ng tulong, kaya dapat maging mabait at madaling lapitan ang mga taong makakatulong sa kanila gaya ni Jesus. Pero paano natin siya matutularan?

Bakit Madaling Lapitan si Jesus?

12. Bakit madaling lapitan si Jesus?

12 Tandaan na talagang tinutularan ni Jesus ang kaniyang Ama sa langit. (Juan 14:9) Sinasabi ng Bibliya na “hindi . . . malayo sa bawat isa sa atin” si Jehova. (Gawa 17:27) Si Jehova ang “Dumirinig ng panalangin.” Lagi siyang malalapitan ng tapat na mga lingkod niya at ng sinumang humahanap sa kaniya para paglingkuran siya. (Awit 65:2) Isipin ito: Ang pinakamakapangyarihan at pinakaimportanteng Persona sa uniberso ay siya ring pinakamadaling lapitan! Gaya ng kaniyang Ama, mahal din ni Jesus ang mga tao. Sa susunod na mga kabanata, pag-usapan natin ang malalim na pag-ibig ni Jesus sa mga tao. Madaling lapitan si Jesus ng mga tao dahil naramdaman ng mga tao na mahal niya sila. Tingnan natin ang ilang katangian ni Jesus na nagpapakita ng pag-ibig niya.

13. Paano matutularan ng mga magulang si Jesus?

13 Naramdaman ng mga tao na may personal na interes si Jesus sa kanila. Kahit pagod si Jesus, abala, o maraming iniisip, nagpakita pa rin siya ng personal na interes sa mga tao. Gaya ng natalakay natin, napakaraming gawain at responsibilidad si Jesus nang dalhin ng mga magulang sa kaniya ang mga anak nila. Pero madali pa rin siyang lapitan. Napakagandang halimbawa niyan para sa mga magulang! Hindi madaling magpalaki ng mga anak ngayon. Pero napakahalagang maramdaman ng mga anak na madaling lapitan ang mga magulang nila. Kung isa kang magulang, alam mong may mga pagkakataong hindi mo maibibigay agad sa mga anak mo ang atensiyong kailangan nila. Pero dapat mo pa ring tiyakin sa mga anak mo na may oras ka para sa kanila. Kapag ginawa mo iyan, matututo ang mga anak mo na maghintay. Makikita rin nilang madali kang lapitan kapag may mga problema sila.

14-16. (a) Bakit ginawa ni Jesus ang kaniyang unang himala, at bakit kamangha-mangha ito? (b) Ano ang ipinapakita ng himala ni Jesus sa Cana tungkol sa kaniya, at ano ang matututuhan dito ng mga magulang?

14 Ipinaramdam ni Jesus sa mga tao na mahalaga sa kaniya ang nararamdaman nila. Tingnan ang pinakaunang himala ni Jesus. Dumalo siya sa isang handaan sa kasal sa Cana ng Galilea. Pero may malaking problema—ubos na ang alak! Sinabi ni Maria sa anak niyang si Jesus ang problema. Ano ang ginawa ni Jesus? Inutusan niya ang mga tagapaglingkod na punuin ng tubig ang anim na malalaking batong banga. Pagkatapos nito, ipinatikim sa nangangasiwa sa handaan ang mainam na alak. Kahanga-hanga ang himalang ito. “Ginawang alak” ang tubig! (Juan 2:1-11) Matagal nang gusto ng mga tao na magkaroon ng kakayahan na gawing ibang bagay ang isang bagay. Halimbawa, sinubukan nilang gawing ginto ang tingga, o lead. Pero hindi sila nagtagumpay. Kumusta naman ang tubig at alak? Magkaibang-magkaiba ang dalawang bagay na ito. Bakit kaya ginawa ni Jesus ang himalang iyon para lang lutasin ang isang maliit na problema, gaya ng pagkaubos ng alak sa isang handaan sa kasal?

15 Malaking problema iyan sa bagong-kasal. Sa Gitnang Silangan noon, napakahalagang maging mapagpatuloy kapag may bisita. Malaking kahihiyan sa bagong-kasal kung mauubusan sila ng alak sa kasal nila. Hindi rin magiging ganoon kasaya ang araw ng kasal nila, at hinding-hindi iyon makakalimutan ng mga tao. Malaking problema ito! Naramdaman ni Jesus na nag-aalala sila, kaya gumawa siya ng paraan. Iyan ang dahilan kung bakit nilalapitan siya ng mga tao kapag may mga problema sila.

Ipadama sa anak mo na madali kang lapitan at na talagang mahal mo siya

16 May matututuhan pa dito ang mga magulang. Kapag nilapitan kayo ng anak ninyo dahil may mabigat siyang problema, iniisip ba ninyong maliit na bagay lang iyon? Baka tawanan pa nga ninyo iyon. Kung ikukumpara sa problema ninyo ang problema ng anak ninyo, parang maliit lang ito. Pero hindi ito maliit na bagay para sa kaniya! Kung mahalaga ito sa kaniya, dapat mahalaga rin ito sa inyo. Kapag nakita ng anak ninyo na nababahala kayo sa mga problema niya, maipapakita ninyong madali kayong lapitan.

17. Paano naging mahinahon si Jesus, at bakit kailangan nating magsikap na maging mahinahon?

17 Sa Kabanata 3, nalaman natin na mahinahon at mapagpakumbaba si Jesus. (Mateo 11:29) Magandang katangian ang kahinahunan. Kapag mahinahon ang isa, mapagpakumbaba rin siya. Patunay ito na nagpapagabay siya sa banal na espiritu at may karunungan siya mula sa Diyos. (Galacia 5:22, 23; Santiago 3:13) Kahit nasa mahihirap na sitwasyon si Jesus, nanatili siyang mahinahon. Hindi ibig sabihin nito na mahina siya. Ganito ang sinabi ng isang iskolar tungkol isa katangiang ito: “Sa likod ng kahinahunan ay naroon ang lakas ng loob na gaya ng bakal.” Madalas na kailangan nating magsikap na maging mahinahon at huwag magalit. Pero sigurado tayong tutulungan tayo ni Jehova na matularan ang kahinahunan ni Jesus para madali tayong lapitan ng iba.

18. Paano ipinakita ni Jesus ang pagiging makatuwiran, at bakit makakatulong ang katangiang ito para madaling lapitan ang isang tao?

18 Makatuwiran si Jesus. May babaeng lumapit kay Jesus noong nasa Tiro siya. “Sinasaniban . . . ng demonyo” ang anak na babae nito. Ipinakita ni Jesus sa tatlong paraan na hindi niya gagawin ang hinihiling ng babae. Una, hindi siya agad sumagot. Ikalawa, sinabi niya kung bakit hindi niya dapat gawin ang hinihiling ng babae. At ikatlo, nagbigay siya ng ilustrasyon para maintindihan ito ng babae. Naging walang awa ba si Jesus at sinabing hindi na niya babaguhin ang desisyon niya? Makikita ba sa mga sinabi ni Jesus na napakawalang-galang ng babae dahil nangatuwiran ito sa pinakadakilang guro? Hindi! Naramdaman ng babae na puwede siyang lumapit kay Jesus at na magiging mabait siya sa kaniya. Hindi siya natakot humingi ng tulong kahit sinabi na ni Jesus na hindi niya siya tutulungan. Nakita ni Jesus ang matibay na pananampalataya ng babae nang paulit-ulit siyang humingi ng tulong, kaya pinagaling niya ang anak ng babae. (Mateo 15:22-28) Dahil sa pagiging makatuwiran ni Jesus, nakinig siya at ginawa ang hinihiling ng iba. Dahil diyan, gusto siyang lapitan ng mga tao!

Madali Ka Bang Lapitan?

19. Paano natin malalaman kung madali tayong lapitan?

19 Madalas isipin ng mga tao na madali silang lapitan. Halimbawa, madalas sabihin ng mga nasa awtoridad na laging bukas ang pinto nila para sa iba at madali silang lapitan. Pero may babala ang Bibliya: “Marami ang nagsasabi na may tapat na pag-ibig sila, pero mahirap makakita ng totoong tapat.” (Kawikaan 20:6) Madaling sabihin na madali tayong lapitan, pero talaga bang tinutularan natin ang katangiang ito ni Jesus? Nakadepende ang sagot sa tanong na iyan sa tingin ng iba sa atin. Sinabi ni Pablo: “Makita nawa ng lahat ang pagiging makatuwiran ninyo.” (Filipos 4:5) Tanungin ang sarili: ‘Ano ba ang tingin ng iba sa akin? Madali ba akong lapitan?’

Sinisikap ng mga elder na maging madali silang lapitan

20. (a) Bakit mahalaga na madaling lapitan ang mga elder? (b) Bakit dapat tayong maging makatuwiran sa mga inaasahan natin sa mga elder?

20 Dapat sikapin ng mga elder na maging madaling lapitan. Ginagawa nila ang lahat para masunod ang sinasabi sa Isaias 32:1, 2: “Ang bawat isa ay magiging gaya ng taguan mula sa ihip ng hangin, isang kublihan mula sa malakas na ulan, gaya ng mga batis sa lupaing walang tubig, gaya ng lilim ng malaking bato sa tuyot na lupain.” Makakapagbigay ng pampatibay at tulong ang isang elder kung madali siyang lapitan. Hindi madaling gawin iyan. Mabigat ang pananagutan ng mga elder, lalo na sa mahihirap na panahong ito. Pero hindi dapat ipakita ng mga elder na napakaabala nila at wala na silang panahon para tulungan ang mga tupa ni Jehova. (1 Pedro 5:2) Sinisikap naman ng mga kapatid sa kongregasyon na maging makatuwiran sa mga inaasahan nila sa mga elder. Ipinapakita nilang mapagpakumbaba sila at handang makipagtulungan.—Hebreo 13:17.

21. Ano ang puwedeng gawin ng mga magulang para madali silang lapitan ng mga anak nila, at ano ang tatalakayin natin sa susunod na kabanata?

21 Dapat sikapin ng mga magulang na may panahon sila para sa mga anak sila. Seryosong bagay ito! Gustong iparamdam ng mga magulang sa mga anak nila na hindi sila dapat matakot na sabihin ang mga iniisip nila. Dapat na maging mahinahon at makatuwiran ang mga Kristiyanong magulang. Hindi rin sila dapat magalit agad kapag sinabi ng mga anak nila na mayroon silang nagawang mali o kapag may nakita silang dapat baguhin ng mga anak nila. Kapag tinutulungan ng mga magulang ang mga anak nila, matiyaga sila at ipinaparamdam nila na lagi silang handang makinig. Talagang gusto nating lahat na maging laging madaling lapitan, gaya ni Jesus. Sa susunod na kabanata, tatalakayin natin ang pagiging maawain ni Jesus—isa sa mga pangunahing katangian kung bakit madali siyang lapitan.