KABANATA 18
“Patuloy Kang Sumunod sa Akin”
1-3. (a) Paano iniwan ni Jesus ang mga apostol niya, at bakit hindi sila dapat malungkot? (b) Bakit kailangan nating malaman ang ginagawa ni Jesus mula nang bumalik siya sa langit?
LABING-ISANG lalaki ang sama-samang nakatayo sa bundok. Nakatingin sila kay Jesus, na minamahal nila at iginagalang. Binuhay siyang muli ng Diyos at naging ang pinakamakapangyarihang anghel ulit sa langit. Nagkatawang-tao siya at tinipon ang mga apostol niya para makasama sila sa Bundok ng mga Olibo sa huling pagkakataon.
2 Malapit sa lunsod ng Jerusalem ang bundok na ito. Nakahiwalay ito sa lunsod dahil nasa pagitan ng mga ito ang Libis ng Kidron. Habang nasa bundok, siguradong maraming naalala si Jesus. Halimbawa, matatanaw mula roon ang Betania, kung saan binuhay-muli ni Jesus si Lazaro. Kitang-kita rin mula sa bundok ang Betfage. Dito nanggaling si Jesus bago siya pumasok at salubungin ng mga tao sa Jerusalem mga ilang linggo lang ang nakalipas. Malamang na nasa Bundok ng mga Olibo rin ang hardin ng Getsemani, kung saan maraming oras na nanalangin si Jesus bago siya arestuhin. Dito rin sa bundok na ito ngayon iiwan ni Jesus ang pinakamalalapít na kaibigan at mga tagasunod niya. Pagkatapos niya silang kausapin sa huling pagkakataon, nagsimula siyang umangat mula sa lupa! Nakatingin sa kaniya ang mga apostol habang umaakyat siya sa langit. Pagkatapos, natakpan na siya ng ulap at hindi na nila siya makita.—Gawa 1:6-12.
3 Parang napakalungkot ng pagkakataong iyon dahil hindi na makakasama ng mga apostol si Jesus. Pero pinatibay sila ng dalawang anghel. (Gawa 1:10, 11) Maraming dahilan para maging masaya ang mga apostol ngayong bumalik na sa langit si Jesus. Sinasabi sa Bibliya kung ano ang sumunod na nangyari kay Jesus. At mahalagang malaman natin iyan. Bakit? Tandaan ang sinabi ni Jesus kay Pedro: “Patuloy kang sumunod sa akin.” (Juan 21:19, 22) Kailangan nating sundin ang utos na iyan araw-araw, hindi lang paminsan-minsan. At para magawa iyan, kailangan nating malaman kung ano ang ginagawa ni Jesus ngayon at kung ano ang mga atas niya sa langit.
Ang Buhay ni Jesus Pagbalik Niya sa Langit
4. Ano ang sinabi ng Bibliya tungkol sa mangyayari sa langit pagbalik ni Jesus?
4 Hindi sinabi ng Bibliya ang nangyari noong mismong dumating si Jesus sa langit, kung paano siya tinanggap ng mga anghel, at ang masayang pagkikita nila ng kaniyang Ama. Pero sinabi na sa Bibliya kung ano ang mangyayari sa langit di-magtatagal pagbalik ni Jesus doon. Nalaman natin mula sa Bibliya ang isang napakahalagang seremonya na ipinagdiriwang ng mga Judio sa loob ng mahigit 1,500 taon. Minsan sa isang taon, sa Araw ng Pagbabayad-Sala, pumapasok ang mataas na saserdote sa Kabanal-banalan ng templo para iwisik ang dugo ng mga inihain sa harap ng kaban ng tipan. Lumalarawan sa Mesiyas ang mataas na saserdote sa araw na iyon. Tinupad ni Jesus ang layunin ng seremonyang iyan nang minsanan at magpakailanman noong bumalik siya sa langit. Iniharap ni Jesus ang sarili niya bilang haing pantubos sa mismong presensiya ni Jehova sa langit. (Hebreo 9:11, 12, 24) Tinanggap ba ito ni Jehova?
5, 6. (a) Paano natin nalaman na tinanggap ni Jehova ang haing pantubos ni Kristo? (b) Sino ang nakikinabang sa pantubos, at paano?
5 Tinanggap ni Jehova ang haing pantubos ni Jesus. Paano natin nalaman iyan? Isang maliit na grupo ng mga 120 Kristiyano ang nagtitipon sa Jerusalem sa isang silid sa itaas nang may marinig silang hugong mula sa langit na gaya ng malakas na bugso ng hangin. Pagkatapos, may mga parang liyab ng apoy sa ulo ng bawat nandoon. Napuspos sila ng banal na espiritu at nagsimulang magsalita ng iba’t ibang wika. (Gawa 2:1-4) Ang pangyayaring iyon ay tanda ng pagsilang ng isang bagong bansa. Ito ang espirituwal na Israel, ang bagong “piniling lahi” at “mga saserdoteng maglilingkod bilang mga hari” na gagamitin ng Diyos para matupad ang layunin niya sa lupa. (1 Pedro 2:9) Maliwanag na tinanggap at sinang-ayunan ng Diyos na Jehova ang haing pantubos ni Kristo. Isa lang ang pagbubuhos na ito ng banal na espiritu sa mga pagpapalang naging posible dahil sa pantubos.
6 Mula noon, nakikinabang na sa pantubos ni Kristo ang mga tagasunod niya sa buong mundo. Kasama man tayo sa pinahirang “munting kawan” na mamamahalang kasama ni Kristo sa langit, o sa “ibang mga tupa” na mabubuhay sa ilalim ng pamamahala niya sa lupa, nakikinabang tayo sa hain niya. (Lucas 12:32; Juan 10:16) Dahil sa pantubos ni Kristo, posible tayong mapatawad sa mga kasalanan natin at mabuhay magpakailanman. Kung patuloy tayong ‘mananampalataya’ sa pantubos at susunod kay Jesus araw-araw, magiging malinis ang konsensiya natin at magkakaroon tayo ng magandang pag-asa sa hinaharap.—Juan 3:16.
7. Anong awtoridad ang ibinigay kay Jesus pagbalik niya sa langit, at paano mo siya masusuportahan?
7 Mula nang bumalik si Jesus sa langit, marami na siyang nagawa. Binigyan siya ng napakalaking awtoridad. (Mateo 28:18) Hinirang siya ni Jehova para manguna sa kongregasyong Kristiyano. At ginagawa niya iyon sa maibigin at makatarungang paraan. (Colosas 1:13) Gaya ng inihula, may inatasan din si Jesus na mga responsableng lalaki na mag-aasikaso sa pangangailangan ng kawan niya. (Efeso 4:8) Halimbawa, inatasan niya si Pablo na maging “isang apostol para sa ibang mga bansa” at isinugo siya para ipangaral ang mabuting balita sa malalayong lugar. (Roma 11:13; 1 Timoteo 2:7) Noong mga 96 C.E., ginamit ni Jesus si apostol Juan para sumulat sa pitong kongregasyon sa lalawigan ng Asia. Sa mga sulat na ito, kinomendahan at pinayuhan ni Jesus ang mga kongregasyong iyon. (Apocalipsis, kabanata 2-3) Tinatanggap mo ba si Jesus bilang ulo ng kongregasyong Kristiyano? (Efeso 5:23) Para patuloy mong masunod si Jesus, dapat kang makipagtulungan at sumunod sa mga tagubilin ng mga nangunguna sa kongregasyon.
8, 9. Anong awtoridad ang ibinigay kay Jesus noong 1914, at ano ang dapat na maging epekto niyan sa mga desisyon natin?
8 Binigyan pa si Jesus ng mas malaking awtoridad nang hirangin siya bilang Hari ng Mesiyanikong Kaharian ni Jehova noong 1914. Nang magsimulang mamahala si Jesus, “sumiklab ang digmaan sa langit.” Ang resulta? Inihagis sa lupa si Satanas at ang mga demonyo niya kaya nagsimula na ang paghihirap sa lupa. Ang napakaraming digmaan, krimen, terorismo, sakit, lindol, at taggutom ay tanda na namamahala na ngayon si Jesus sa langit. Si Satanas pa rin ang “tagapamahala ng mundong ito,” at “kaunti na lang ang panahong natitira sa kaniya.” (Apocalipsis 12:7-12; Juan 12:31; Mateo 24:3-7; Lucas 21:11) Pero binibigyan ni Jesus ng pagkakataon ang mga tao sa buong mundo na piliin ang Kaharian ng Diyos.
9 Napakahalagang suportahan natin ang Mesiyanikong Hari. Araw-araw, gusto nating gumawa ng mga desisyon na magpapasaya sa kaniya. Ayaw nating tularan ang kaisipan ng mundong ito. Mahal ni Jesus, ang “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon,” ang katuwiran. Habang tinitingnan niya ang mga tao sa lupa, nakikita niya ang mga nagpapagalit at nagpapasaya sa kaniya. (Apocalipsis 19:16) Bakit ganoon ang nararamdaman niya?
Ang Nagpapagalit at Nagpapasaya kay Jesus
10. Ano ang katangian ni Jesus? Ano ang nagpapagalit sa kaniya?
10 Tulad ng kaniyang Ama, masayahin ang Panginoon natin. (1 Timoteo 1:11) Noong nasa lupa pa si Jesus, hindi siya mapamuna o mahirap pasayahin. Pero maraming pangyayari ngayon na nagpapagalit sa kaniya. Siguradong galit siya sa lahat ng huwad na relihiyon na nagsasabing mga Kristiyano sila. Inihula niya: “Hindi lahat ng nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa Kaharian ng langit, kundi ang gumagawa lang ng kalooban ng aking Ama na nasa langit. Marami ang magsasabi sa akin sa araw na iyon: ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba . . . gumawa [kami] ng maraming himala sa pangalan mo?’ At sasabihin ko sa kanila: ‘Hindi ko kayo kilala! Masama ang ginagawa ninyo. Lumayo kayo sa akin!’”—Mateo 7:21-23.
11-13. Bakit nagagalit si Jesus sa mga gumagawa ng “maraming himala” sa pangalan niya? Magbigay ng ilustrasyon.
11 Baka nagtataka ang mga nag-aangking Kristiyano ngayon sa sinabing iyan ni Jesus. Baka hindi nila naiintindihan kung bakit itinatakwil ni Jesus ang mga taong gumagawa ng “maraming himala” sa pangalan niya. Halimbawa, may mga relihiyon na nagbibigay sa mahihirap, nagtatayo ng mga ospital at paaralan, at tumutulong sa iba pang paraan. Para maintindihan natin kung bakit galit si Jesus sa kanila, tingnan natin ang ilustrasyong ito.
12 May isang mag-asawang kailangang magbiyahe. Hindi nila maisasama ang mga anak nila, kaya kumuha sila ng yaya. Simple lang ang utos nila sa kaniya: “Alagaan mo ang mga anak namin. Pakainin mo sila, at tiyakin mong malinis sila at ligtas.” Pero pagbalik ng mga magulang, nagulat sila. Nakita nilang gutom na gutom, marumi, may sakit, at malungkot ang mga anak nila. Tinawag nila ang yaya pero hindi niya sila pinapansin. Bakit? Nasa taas siya at nililinis ang mga bintana. Galit na galit ang mga magulang at humihingi ng paliwanag sa yaya. Sinabi nito: “Tingnan n’yo naman ang lahat ng ginawa ko! Napakalinis ng mga bintana! Inayos ko pa nga ang bahay n’yo!” Matutuwa kaya ang mga magulang sa sagot niya? Siguradong hindi! Hindi naman iyon ang iniutos nila sa kaniya. Ang gusto lang nila, alagaan niya ang mga anak nila. Talagang magagalit sila dahil hindi niya sinunod ang mga iniutos sa kaniya.
13 Ang Sangkakristiyanuhan ay gaya ng yayang iyon. Inutusan ni Jesus ang mga tagasunod niya na ituro sa iba ang katotohanan sa Bibliya at tulungan silang sambahin si Jehova sa tamang paraan. (Juan 21:15-17) Pero hindi ito sinunod ng mga lider ng Sangkakristiyanuhan. Hindi nila itinuturo sa mga tao ang katotohanan sa Bibliya, at hindi nila tinutulungan ang iba na sambahin ang Diyos sa tamang paraan. (Isaias 65:13; Amos 8:11) Kahit may mga nagawa naman silang maganda, galit pa rin si Jesus sa kanila kasi hindi nila sinunod ang utos niya. Ang masamang mundong ito ay gaya ng isang bahay na malapit nang masira! Maliwanag na sinasabi ng Salita ng Diyos na malapit nang wakasan ang sistema ni Satanas.—1 Juan 2:15-17.
14. Anong gawain ang nagpapasaya kay Jesus ngayon, at bakit?
14 Masayang-masaya si Jesus sa mga tunay na tagasunod niya. Nakikita niya silang sinusunod ang utos niya na gumawa ng mga alagad. (Mateo 28:19, 20) Napakalaking pribilehiyo na mapasaya ang Mesiyanikong Hari! Maging determinado sana tayong patuloy na tulungan ang “tapat at matalinong alipin.” (Mateo 24:45) Ibang-iba sa mga lider ng Sangkakristiyanuhan ang maliit na grupong ito ng mga pinahiran. Sinusunod ng tapat na aliping ito ang utos ni Jesus na ipangaral ang mabuting balita. Nagbibigay rin sila ng mga tagubilin mula sa Salita ng Diyos sa mga tagasunod ni Kristo.
15, 16. (a) Ano ang nararamdaman ni Jesus dahil sa kawalan ng pag-ibig ngayon, at paano natin nalaman iyan? (b) Bakit dapat lang na magalit si Jesus sa mga lider ng Sangkakristiyanuhan?
15 Siguradong galit na galit ang Hari kapag nakikita niya ang kawalan ng pag-ibig ngayon. Noong nasa lupa si Jesus, pinuna siya ng mga Pariseo dahil nagpagaling siya sa araw ng Sabbath. Wala silang pag-ibig at mapagmataas. Nakapokus lang sila sa mga batas na ginawa nila kaya hindi nila naiintindihan ang mga batas ni Jehova. Nang gumawa ng mga himala si Jesus, talagang natulungan niya ang mga tao! Pero hindi pa rin nagbago ang mga Pariseo kahit naging masaya na, naginhawahan, at tumibay ang pananampalataya ng mga tao dahil sa mga himala ni Jesus. Ano ang nararamdaman ni Jesus sa mga Pariseo? “Tiningnan niya sila nang may galit. Lungkot na lungkot siya dahil manhid ang puso nila.”—Marcos 3:5.
16 Sa ngayon, “lungkot na lungkot” si Jesus dahil sa marami pang bagay na nakikita niya. Sinusunod ng mga lider ng Sangkakristiyanuhan ang mga tradisyon at doktrina nila kahit salungat ang mga ito sa Salita ng Diyos. Galit na galit din sila sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Sa maraming lugar, kinukumbinsi ng mga lider ng relihiyon ang iba na pag-usigin ang sinumang nangangaral ng mensaheng ipinangaral ni Jesus. (Juan 16:2; Apocalipsis 18:4, 24) Madalas din nilang inuudyukan ang mga tagasunod nila na makipagdigma at pumatay, na para bang nagpapasaya ito kay Jesu-Kristo.
17. Paano pinapasaya ng mga tunay na tagasunod ni Jesus ang puso niya?
17 Ibang-iba naman ang mga tunay na tagasunod ni Jesus dahil sinisikap nilang mahalin ang mga tao. Ipinapangaral nila ang mabuting balita sa “lahat ng uri ng tao,” gaya ng ginawa ni Jesus, kahit may pag-uusig. (1 Timoteo 2:4) Mahal na mahal nila ang isa’t isa, at dito sila kilala. (Juan 13:34, 35) Talagang tinutularan nila at pinapasaya ang Mesiyanikong Hari kapag pinapakitunguhan nila ang kapuwa nila Kristiyano nang may pag-ibig, paggalang, at dignidad!
18. Ano ang nagpapalungkot kay Jesus, pero paano natin siya mapapasaya?
18 Tandaan din nating nalulungkot si Jesus kapag hindi nakakapagtiis ang mga tagasunod niya, nawawala ang pag-ibig nila kay Jehova, at humihinto sa paglilingkod. (Apocalipsis 2:4, 5) Pero masaya si Jesus kapag nakakapagtiis sila hanggang sa wakas. (Mateo 24:13) Lagi nating tandaan ang utos ni Kristo: “Patuloy kang sumunod sa akin.” (Juan 21:19) Tingnan natin ang ilan sa mga pagpapalang ibibigay ng Mesiyanikong Hari sa mga nagtitiis hanggang sa wakas.
Pinagpapala ng Hari ang mga Tapat na Lingkod Niya
19, 20. (a) Anong mga pagpapala ang tinatanggap ngayon ng mga sumusunod kay Jesus? (b) Kung tutularan natin si Kristo, paano siya magiging “Walang-hanggang Ama” para sa atin?
19 Nagiging makabuluhan ang buhay natin ngayon kapag sinusunod natin si Jesu-Kristo bilang Panginoon at tinutularan ang halimbawa niya. Makukuha natin ang mga bagay na gustong-gusto ng mga tao pero hindi nila makuha. Halimbawa, mayroon tayong gawain na magbibigay ng tunay na layunin sa buhay, mga kapatid na talagang nagmamahal sa atin, magandang kaugnayan kay Jehova, at kapanatagan. Ibig sabihin, talagang magiging masaya ang buhay natin. At hindi lang iyan.
20 Pinili ni Jehova si Jesus na maging “Walang-hanggang Ama” ng mga masunuring tao. Dahil sa kasalanan ni Adan, namamatay ang mga tao. Pero kaya silang bigyan ni Jesus ng buhay na walang hanggan. (Isaias 9:6, 7) Kapag tinanggap natin si Jesus bilang “Walang-hanggang Ama” at nanampalataya tayo sa kaniya, may pag-asa tayong mabuhay nang walang hanggan. Magiging mas malapít din tayo sa Diyos na Jehova. Gaya ng natutuhan natin, ang pagsisikap na tularan ang halimbawa ni Jesus sa araw-araw ang pinakamagandang paraan para masunod ang utos ng Diyos: “Tularan ninyo ang Diyos, bilang minamahal na mga anak.”—Efeso 5:1.
21. Paano nagsisilbing liwanag sa madilim na mundo ang mga tagasunod ni Kristo?
21 Napakaganda ng pribilehiyo natin habang tinutularan natin si Jesus at ang kaniyang Ama, si Jehova. Nagsisilbi tayong liwanag sa mundong ito. Maraming tao ngayon ang nadadaya at naiimpluwensiyahan ni Satanas na tularan siya. Pero kapag si Jesus ang sinusunod natin at tinutularan natin ang mga katangian niya, natuturuan natin ang mga tao ng mahahalagang katotohanan sa Bibliya. Naipapakita nating posible tayong maging masaya, payapa, at mapagmahal. At mas napapalapit tayo kay Jehova. Iyan ang pinakamahalagang bagay na puwedeng makuha ng isang tao sa buhay niya.
22, 23. (a) Anong mga pagpapala ang matatanggap ng mga patuloy na sumusunod kay Jesus? (b) Ano ang dapat na maging determinasyon natin?
22 Isipin kung ano ang gustong gawin ni Jehova para sa iyo sa pamamagitan ng kaniyang Mesiyanikong Hari. Malapit nang makipagdigma si Jesus kay Satanas at sa napakasamang mundong ito. At siguradong magtatagumpay si Jesus! (Apocalipsis 19:11-15) Pagkatapos, magsisimula na ang Sanlibong-Taóng Paghahari ni Kristo sa lupa. Tutulungan ni Jesus at ng mga kasama niyang tagapamahala sa langit na maging perpekto ang mga tapat na tao. Mararanasan nila ang lahat ng pagpapalang naging posible dahil sa pantubos. Nakikita mo ba ang sarili mo na nananatiling bata, malakas, masigla, walang sakit, at masayang gumagawang kasama ng iba pang tapat para gawing paraiso ang buong lupa? Sa pagtatapos ng Sanlibong-Taóng Paghahari, ibabalik ni Jesus ang pamamahala sa kaniyang Ama. (1 Corinto 15:24) Kung mananatili tayong tapat kay Kristo, ibibigay ni Jehova sa atin ang pinakamagandang pagpapala, ang “maluwalhating kalayaan bilang mga anak ng Diyos”! (Roma 8:21) Mararanasan natin ang lahat ng pagpapalang naranasan nina Adan at Eva, pero naiwala nila. Magiging mga anak na tayo ni Jehova dito sa lupa, at hindi na tayo mga alipin ng kasalanan ni Adan. Talagang “mawawala na ang kamatayan.”—Apocalipsis 21:4.
23 Tandaan ang mayamang kabataang tagapamahala na tinalakay sa Kabanata 1. Tinanggihan niya ang paanyaya ni Jesus: “Sumama ka sa akin, at maging tagasunod kita.” (Marcos 10:17-22) Huwag na huwag mo siyang tutularan! Masaya mong tanggapin ang paanyaya ni Jesus. Maging determinado ka sanang magtiis at patuloy na sundan ang Mabuting Pastol sa buong buhay mo. Kapag ginawa mo iyan, makikita mo ang katuparan ng lahat ng pangako ni Jehova!