Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 8

“Isinugo Ako Para Dito”

“Isinugo Ako Para Dito”

1-4. (a) Paano tinuruan ni Jesus ang isang Samaritana, at ano ang resulta? (b) Ano ang naging reaksiyon ng mga apostol?

 ILANG oras nang naglalakad si Jesus at ang mga apostol niya. Naglalakbay sila pahilaga. Galing sila sa Judea at papunta sa Galilea. Mga tatlong araw na paglalakbay iyon kung dadaan sila sa pinakamabilis na ruta—sa Samaria. Mga 12:00 ng tanghali na nang makarating sila sa Sicar. Huminto sila sa maliit na lunsod na ito para kumain.

2 Nang umalis ang mga apostol niya para bumili ng pagkain, nagpahinga si Jesus sa tabi ng isang balon sa labas ng lunsod. Isang babae ang dumating para sumalok ng tubig. Dahil “pagod sa paglalakbay” si Jesus, puwede naman sanang hindi na niya pansinin ang babae. (Juan 4:6) Wala din namang problema kung hahayaan na lang ni Jesus na sumalok ng tubig ang Samaritana. At gaya ng napag-aralan natin sa Kabanata 4, baka inaasahan ng babaeng ito na hahamakin siya ng sinumang Judio. Pero kinausap pa rin siya ni Jesus.

3 Nang kausapin ni Jesus ang babae, gumamit muna siya ng ilustrasyon tungkol sa ginagawa ng babae noong mismong oras na iyon. Sumasalok ng tubig ang babae. Kaya sinabi ni Jesus ang tungkol sa tubig na nagbibigay-buhay, na makakatulong sa babae na mapalapít sa Diyos. Ilang beses na nagtanong ang Samaritana tungkol sa mga kontrobersiyal na isyu. a Pero mataktikang iniwasan ni Jesus ang mga isyung iyon. Itinuloy niya ang paksang gusto niyang sabihin sa babae. Nagpokus siya sa espirituwal na mga bagay, gaya ng tungkol sa dalisay na pagsamba at kay Jehova. Marami ang nakinabang sa mga sinabi ni Jesus. Ikinuwento ng babae ang napag-usapan nila ni Jesus sa mga tao sa lunsod, kaya gusto rin nilang makinig kay Jesus.—Juan 4:3-42.

4 Nang makabalik na ang mga apostol, ano ang naging reaksiyon nila sa pagpapatotoo ni Jesus? Imbes na matuwa, nagtaka sila kung bakit nakikipag-usap si Jesus sa babaeng ito. At baka hindi nila pinansin ang babae. Pagkaalis ng babae, pinilit nila si Jesus na kainin ang dala nilang pagkain. Pero sinabi ni Jesus: “May pagkain ako na hindi ninyo alam.” Nagulat sila! Akala nila noong una, may literal na pagkain si Jesus. Kaya ipinaliwanag ni Jesus: “Ang pagkain ko ay ang gawin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang gawain niya.” (Juan 4:32, 34) Itinuro ni Jesus sa kanila na mas mahalaga sa kaniya ang gawain niya kaysa kumain. Gusto niyang tularan siya ng mga apostol. Anong gawain ito?

5. Ano ang pangunahing gawain ni Jesus, at ano ang tatalakayin natin sa kabanatang ito?

5 Sinabi noon ni Jesus: ‘Dapat kong ihayag ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos dahil isinugo ako para dito.’ (Lucas 4:43) Bumaba si Jesus dito sa lupa para mangaral at magturo tungkol sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. b Iyan din ang dapat gawin ng mga tagasunod ni Jesus ngayon. Pero bago natin gawin iyan, talakayin muna natin kung bakit nangaral si Jesus, kung ano ang ipinangaral niya, at kung ano ang tingin niya sa atas niya.

Kung Bakit Nangaral si Jesus

6, 7. Ano ang gusto ni Jesus na maramdaman ng “bawat tagapagturo” tungkol sa pangangaral ng mabuting balita? Magbigay ng ilustrasyon.

6 Alamin natin ang naramdaman ni Jesus sa mga katotohanang itinuro niya. Alamin din natin ang naramdaman niya sa mga taong tinuruan niya. Para ipakita kung ano ang nararamdaman niya sa pagsasabi ng mga katotohanang itinuro ni Jehova sa kaniya, gumamit siya ng ilustrasyon: “Ang bawat tagapagturo na naturuan tungkol sa Kaharian ng langit ay gaya ng isang tao, isang may-ari ng bahay, na naglalabas ng mga bagay na bago at luma mula sa kaniyang imbakan ng kayamanan.” (Mateo 13:52) Sa ilustrasyong ito, bakit naglalabas ang may-ari ng bahay ng mga bagay mula sa imbakan niya ng kayamanan?

7 Hindi naman ipinagyayabang ng may-ari ng bahay ang mga pag-aari niya, gaya ng ginawa ni Haring Hezekias noon—na nagkaroon ng masamang resulta. (2 Hari 20:13-20) Ano ang motibo ng may-ari ng bahay? Pag-isipan ang isang ilustrasyon: Dinalaw mo ang paborito mong guro sa bahay niya. Binuksan niya ang drawer ng mesa niya at may kinuhang dalawang sulat. Luma ang isa at naninilaw na. Bago naman ang isa pang sulat. Galing sa ama niya ang mga sulat na iyon. Ilang dekada na ang lumang sulat, na ibinigay sa guro mo noong bata pa siya. Ang bagong sulat naman, kailan lang ito ibinigay. Noong ikinukuwento niya kung gaano kahalaga ang mga sulat na iyon, kung paano binago ng mga payo doon ang buhay niya, at kung paano makakatulong sa iyo ang mga sulat na iyon, kitang-kita mo kung gaano siya kasaya. Talagang pinapahalagahan ng guro ang mga sulat na iyon. (Lucas 6:45) Ipinakita niya sa iyo ang mga sulat na iyon hindi para ipagyabang o para pakinabangan ang mga iyon. Ginawa niya ito para makinabang ka at ipakita sa iyo kung gaano kahalaga ang mga sulat na iyon.

8. Bakit maituturing nating kayamanan ang mga katotohanang natututuhan natin mula sa Salita ng Diyos?

8 Ganiyan din ang naramdaman ni Jesus, ang Dakilang Guro, sa mga katotohanang itinuro niya tungkol sa Diyos. Para sa kaniya, ang mga iyon ay napakahalagang kayamanan. Malapít sa puso niya ang mga iyon, at gustong-gusto niyang ibahagi ang mga iyon sa iba. Gusto niyang ganiyan din ang maramdaman ng “bawat tagapagturo,” ang mga tagasunod niya. Ganiyan ba ang nadarama natin? Marami tayong dahilan para mahalin ang bawat katotohanang natututuhan natin sa Salita ng Diyos. Pinapahalagahan natin ang mga espirituwal na hiyas na ito, bagong liwanag man ang mga ito o matagal na nating natutuhan. Kapag gustong-gusto nating sabihin sa iba ang mga itinuturo sa atin ni Jehova at patuloy na minamahal ang mga ito, matutulungan natin ang iba na mahalin din ang katotohanan, gaya ng ginawa ni Jesus.

9. (a) Ano ang naramdaman ni Jesus sa mga tinuruan niya? (b) Paano natin matutularan si Jesus?

9 Mahal din ni Jesus ang mga tinuruan niya, gaya ng tatalakayin pa natin sa Seksiyon 3. Inihula tungkol sa Mesiyas na “maaawa siya sa hamak at sa dukha.” (Awit 72:13) Talagang nagmalasakit si Jesus sa mga tao. Inintindi niya ang mga kaisipan at saloobing nakaimpluwensiya sa kanila; nabahala siya sa mga pinagdaanan nila at sa mga humadlang sa kanila na maunawaan ang katotohanan. (Mateo 11:28; 16:13; 23:13, 15) Tingnan ang halimbawa ng Samaritana. Siguradong nagulat siya nang kausapin siya ni Jesus. Dahil naintindihan ni Jesus ang sitwasyon niya, naniwala ang babae na propeta si Jesus at sinabi ito sa iba. (Juan 4:16-19, 39) Totoo, hindi natin kayang basahin ang puso ng mga pinapangaralan natin. Pero makakapagpakita rin tayo ng interes sa mga tao gaya ni Jesus. Puwede nating ipadama ang pagmamalasakit natin sa kanila, at ibagay ang sasabihin natin sa interes nila, problema, at pangangailangan.

Kung Ano ang Ipinangaral ni Jesus

10, 11. (a) Ano ang ipinangaral ni Jesus? (b) Bakit kailangan ng mga tao ang Kaharian ng Diyos?

10 Ano ba ang ipinangaral ni Jesus? Ayon sa mga turo ng maraming relihiyon na nag-aangking Kristiyano, ang ipinangaral daw ni Jesus ay reporma sa lipunan. Baka maisip mo na gusto niyang magkaroon ng pagbabago sa politika o na naniwala siyang ang kaligtasan ang pinakaimportante. Pero gaya ng nabanggit na, malinaw na sinabi ni Jesus: ‘Dapat kong ihayag ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.’ Ano ang ibig sabihin nito?

11 Tandaan na nasa langit si Jesus nang unang siraan ni Satanas ang banal na pangalan ni Jehova at kuwestiyunin ang paraan ng pamamahala Niya. Siguradong napakasakit para kay Jesus nang akusahan ang kaniyang Ama bilang isang di-makatarungan at mapagkait na Tagapamahala! Talagang nasaktan ang Anak ng Diyos nang maniwala sa paninirang-puri ni Satanas ang unang mga magulang natin, sina Adan at Eva. Nakita ng Anak na nagmana ng kasalanan at kamatayan ang lahat ng tao dahil sa rebelyong iyon. (Roma 5:12) Pero siguradong tuwang-tuwa siyang malaman na balang-araw, sosolusyunan ito ng kaniyang Ama!

12, 13. Anong mga kawalang-katarungan ang sosolusyunan ng Kaharian ng Diyos? Paano ginawang sentro ni Jesus sa ministeryo niya ang Kaharian?

12 Ano ang pinakamahalagang isyu na dapat masagot? Kailangang pabanalin ang pangalan ni Jehova. Ibig sabihin, dapat mapatunayang mali ang lahat ng paninira dito ni Satanas at ng mga kumampi sa kaniya. Kailangan ding maipagbangong-puri ang soberanya, o paraan ng pamamahala, ni Jehova dahil kasama sa pangalan niya ang reputasyon niya bilang tagapamahala. Si Jesus ang pinakanakakaunawa sa mahahalagang isyung ito. Sa modelong panalangin, tinuruan niya ang mga tagasunod niya na dapat nilang unahing hilingin na mapabanal ang pangalan ng kaniyang Ama. Pagkatapos, itinuro din niyang hilingin nila na dumating ang Kaharian ng Diyos, at na mangyari ang kalooban Niya sa lupa. (Mateo 6:9, 10) Bilang Hari ng Kaharian ng Diyos, malapit nang alisin ni Kristo Jesus ang masamang sistema ni Satanas sa lupa at lubusang patunayan na ang pamamahala ni Jehova ang pinakamahusay.—Daniel 2:44.

13 Ang Kahariang iyan ang tema ng ministeryo ni Jesus. Nakatulong ang lahat ng sinabi at ginawa niya para ipaliwanag kung ano ang Kahariang iyon at kung paano nito tutuparin ang layunin ni Jehova. Hindi hinayaan ni Jesus na mawala ang pokus niya sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Noong panahon niya, may malalaking isyu sa lipunan at laganap ang kawalang-katarungan. Pero nagpokus siya sa mensahe at atas niya. Ibig bang sabihin, di-makatuwiran, walang buhay, at paulit-ulit na lang ang paraan ng pangangaral ni Jesus? Siyempre, hindi!

14, 15. (a) Bakit masasabing “higit pa kay Solomon” si Jesus? (b) Paano natin matutularan si Jesus sa pangangaral natin?

14 Gaya ng makikita natin sa seksiyong ito, nakakakuha ng interes ang paraan ng pagtuturo ni Jesus. Alam niya ang nararamdaman ng mga nakikinig sa kaniya, at tinulungan niya silang isabuhay ang mga payo niya. Siguro, naalala natin ang matalinong hari na si Solomon. Sa tulong ng banal na espiritu, gumamit siya ng magagandang salita at tumpak na mga salita ng katotohanan para isulat ang mga kaisipan ni Jehova. (Eclesiastes 12:10) Hindi perpekto si Solomon. Pero binigyan siya ni Jehova ng “pusong may malawak na unawa” kaya marami siyang nasabi tungkol sa iba’t ibang bagay, gaya ng mga ibon, isda, puno, at hayop. Pinuntahan pa siya ng mga tao mula sa malalayong lugar para mapakinggan siya. (1 Hari 4:29-34) Pero “higit pa kay Solomon” si Jesus. (Mateo 12:42) Mas matalino si Jesus, at mas may “pusong may malawak na unawa.” Kapag nagtuturo siya sa mga tao, ginagamit niya ang kaniyang nakakahigit na kaalaman sa Salita ng Diyos, mga ibon, hayop, isda, agrikultura, lagay ng panahon, kasalukuyang pangyayari, kasaysayan, at mga isyu sa lipunan. Pero hindi ito kailanman ipinagyabang ni Jesus para pahangain ang iba. Ginawa niyang simple at malinaw ang mensahe niya. Ito ang dahilan kung bakit gustong-gusto ng mga tao na makinig sa kaniya.—Marcos 12:37; Lucas 19:48.

15 Tinutularan din ng mga Kristiyano ngayon si Jesus. Hindi ganoon kalalim ang karunungan at kaalaman natin, pero may sapat na kaalaman at karanasan tayo na magagamit natin para ituro sa iba ang mga katotohanan mula sa Salita ng Diyos. Halimbawa, puwedeng gamitin ng mga magulang ang karanasan nila sa pagpapalaki ng anak para ilarawan ang pag-ibig ni Jehova sa mga anak Niya. Puwede ring gumamit ang iba ng mga ilustrasyon mula sa trabaho, school, o mga nalalaman nila tungkol sa mga tao at kasalukuyang pangyayari. Pero nag-iingat din tayo para hindi mawala ang pokus ng pangangaral natin sa mensahe ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.—1 Timoteo 4:16.

Ang Saloobin ni Jesus sa Ministeryo Niya

16, 17. (a) Ano ang naging saloobin ni Jesus sa ministeryo niya? (b) Paano ipinakita ni Jesus na priyoridad niya ang ministeryo niya?

16 Napakahalaga kay Jesus ang ministeryo niya. Gustong-gusto niyang tulungan ang mga tao na malaman ang katotohanan tungkol sa kaniyang Ama sa langit, na hindi itinuturo ng mga doktrina at tradisyon ng tao. Gusto rin niyang magkaroon ang mga tao ng mabuting kaugnayan kay Jehova at ng pag-asang buhay na walang hanggan. Masaya siyang turuan ang mga tao dahil alam niyang matutulungan at magiging maligaya sila kapag nalaman nila ang mabuting balita. Paano niya iyon ipinakita? Tingnan natin ang tatlong paraan.

17 Una, ginawang priyoridad ni Jesus ang ministeryo niya. Ito ang pinakamahalaga sa buong buhay niya. Iyan ang dahilan kung bakit pinanatiling simple ni Jesus ang buhay niya, gaya ng nalaman natin sa Kabanata 5. Ginawa niya kung ano ang itinuro niya sa iba. Nagpokus siya sa mahahalagang bagay. Hindi niya hinayaang may makahadlang na bagay na kailangan pa niyang bayaran, mantinihin, ayusin, o palitan habang tumatagal. Namuhay siya nang simple para hindi mawala ang pokus niya sa ministeryo.—Mateo 6:22; 8:20.

18. Paano ibinigay ni Jesus ang buong makakaya niya sa ministeryo?

18 Ikalawa, ibinigay ni Jesus ang buong makakaya niya sa ministeryo. Ginamit niya ang lakas niya para dito. Naglakad siya nang daan-daang kilometro sa buong Palestina para hanapin ang mga tao at ituro ang mabuting balita. Kinausap niya sila sa mga bahay, pampublikong lugar, pamilihan, at iba pa. Nakipag-usap siya sa kanila kahit kailangan na niyang magpahinga, kumain, uminom, o mag-relax nang kaunti kasama ang malalapít na kaibigan niya. At kahit noong malapit na siyang mamatay, ipinangaral pa rin niya sa iba ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos!—Lucas 23:39-43.

19, 20. Anong ilustrasyon ang ginamit ni Jesus para ipakitang apurahan ang pangangaral?

19 Ikatlo, naging masigasig si Jesus sa pangangaral dahil alam niyang apurahan ito. Naalala mo ba nang kausapin niya ang isang Samaritana sa tabi ng balon sa labas ng Sicar? Nang pagkakataong iyon, hindi naisip ng mga apostol na apurahan ang pangangaral ng mabuting balita. Pero sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi ba sinasabi ninyo na may apat na buwan pa bago ang pag-aani? Pero tingnan ninyo! Ang bukirin ay maputi na para sa pag-aani.”—Juan 4:35.

20 Bakit iyon ang ginamit ni Jesus na ilustrasyon? Posibleng buwan noon ng Kislev (Nobyembre/Disyembre). Apat na buwan pa bago ang pag-aani ng sebada, sa panahon ng Paskuwa, Nisan 14. Hindi pa kailangan ng mga magsasaka noon na mag-apura sa pag-aani. Marami pa silang panahon. Pero ibang pag-aani ang tinutukoy ni Jesus. Pag-aani ito ng mga tao para maging tagasunod niya. Ito na ba ang tamang panahon? Maraming tao ang handang makinig, matuto, maging alagad ni Kristo, at magkaroon ng pag-asang ibinibigay ni Jehova sa kanila. Parang may nakikita si Jesus na makasagisag na bukirin. Namumuti na ito dahil sa mga butil na sumasabay sa hangin. Ibig sabihin, panahon na ng pag-aani. c Napakaapurahan ng gawain! Dahil dito, nang pigilan si Jesus ng mga tao na umalis ng lunsod, sinabi niya: “Dapat ko ring ihayag sa ibang lunsod ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos dahil isinugo ako para dito.”—Lucas 4:43.

21. Paano natin matutularan si Jesus?

21 Matutularan natin si Jesus sa tatlong paraan na iyan. Gawin nating priyoridad sa buhay ang ministeryo. Kahit may pamilya at sekular na trabaho tayo, puwede pa rin tayong maging masigasig sa pangangaral, gaya ng ginawa ni Jesus. (Mateo 6:33; 1 Timoteo 5:8) Gawin din natin ang buong makakaya natin sa ministeryo. Puwede nating gamitin ang panahon, lakas, at materyal na pag-aari natin para suportahan ito. (Lucas 13:24) Laging isipin na apurahan ang gawain. (2 Timoteo 4:2) Kailangan nating gamitin ang bawat pagkakataon para makapangaral!

22. Ano ang tatalakayin sa susunod na kabanata?

22 Ipinakita rin ni Jesus na napakahalaga sa kaniya ng gawaing ito. Sinigurado niyang magpapatuloy pa rin ang gawaing ito kahit wala na siya sa lupa. Iniatas niya sa mga tagasunod niya na ipagpatuloy ang gawaing pangangaral at pagtuturo. At iyan ang tatalakayin natin sa susunod na kabanata.

a Halimbawa, nang itanong ng Samaritana kung bakit nakikipag-usap sa kaniya ang isang Judio, parang sinasabi niya na hindi nakikihalubilo ang mga Judio sa mga Samaritano. (Juan 4:9) Sinabi din niyang ninuno nila si Jacob, na tinututulan ng mga Judio noong panahong iyon. (Juan 4:12) Tinawag ng mga Judio ang mga Samaritano na Cuteano para idiin na banyaga ang pinagmulan ng mga ito.

b Ang mangaral ay nangangahulugang ipahayag, o sabihin, ang isang mensahe. Halos ganito rin ang kahulugan ng magturo. Pero kasama rin sa pagtuturo ang pagtatawid ng mensahe sa mas malalim at detalyadong paraan. Mahusay ang paraan ng pagtuturo kapag naaabot ang puso ng mga estudyante at napapakilos sila dahil sa mga narinig nila.

c Sinabi ng isang reperensiya tungkol sa talatang ito: “Kapag hinog na ang butil, nagbabago ang kulay nito. Mula berde, nagiging dilaw, o mapusyaw na dilaw, ang kulay nito. Ibig sabihin, puwede na itong anihin.”