Kabanata 12
“Hindi Siya Nagtuturo sa Kanila Nang Walang Ilustrasyon”
1-3. (a) Ano ang napakagandang pribilehiyo ng mga alagad ni Jesus, at ano ang ginawa niya para madali nilang matandaan ang itinuturo niya? (b) Bakit madaling matandaan ang mga ilustrasyon?
NAPAKAGANDA ng pribilehiyo ng mga alagad ni Jesus. Kasama nila sa paglalakbay ang Dakilang Guro, na nagturo mismo sa kanila. Naririnig nila ang mga paliwanag niya sa Salita ng Diyos at ang itinuturo niyang katotohanan. Pero dahil hindi pa panahon noon para isulat ang mga sinabi ni Jesus, dapat nila itong tandaan at isapuso. a Mabuti na lang, may ginawa si Jesus. Ano iyon? Noong nagtuturo si Jesus, gumamit siya ng mga ilustrasyon.
2 Madaling tandaan ang mga pinag-isipang ilustrasyon. Sinabi ng isang awtor na dahil sa mga ilustrasyon, nailalarawan ng mga tagapakinig sa isipan nila ang mga bagay na naririnig nila. At kapag nailarawan na nila ito sa isip, mas madali na nila itong maiintindihan. Posible ito kahit napakahirap ng ideyang gusto nating ilarawan. Dahil mas nagugustuhan ng mga tao ang paksa kapag may mga ilustrasyon, mas natatandaan nila ang mga aral nito.
3 Wala nang iba pang guro sa lupa ang mas mahusay sa paggamit ng mga ilustrasyon kaysa kay Jesu-Kristo. Hanggang ngayon, naaalala pa rin ang mga ilustrasyon niya. Bakit madalas gumamit ng mga ilustrasyon si Jesus? Bakit napakaepektibo ng mga ilustrasyon niya? Paano natin siya matutularan?
Kung Bakit Gumamit ng mga Ilustrasyon si Jesus
4, 5. Bakit gumamit ng mga ilustrasyon si Jesus?
4 May dalawang mahalagang dahilan kung bakit gumamit si Jesus ng mga ilustrasyon. Una, katuparan ito ng hula tungkol sa kaniya. Sa Mateo 13:34, 35, mababasa natin: “Itinuro ni Jesus sa mga tao ang lahat ng ito sa pamamagitan ng mga ilustrasyon. Sa katunayan, hindi siya nagtuturo sa kanila nang walang ilustrasyon, para matupad ang sinabi ng propeta: ‘Bibigkas ako ng mga ilustrasyon; ihahayag ko ang mga bagay na nakatago mula pa noong pasimula.’” Ang manunulat ng Awit 78:2 ang propetang tinutukoy ni Mateo. Isinulat ang hulang iyon sa tulong ng banal na espiritu daan-daang taon bago pa isilang si Jesus. Ano ang ibig sabihin nito? Daan-daang taon nang sinabi ni Jehova na gagamit ang Mesiyas ng mga ilustrasyon sa pagtuturo. Ibig sabihin, mahalaga kay Jehova ang paraang ito ng pagtuturo.
5 Ikalawa, ipinaliwanag ni Jesus na gumamit siya ng mga ilustrasyon para matukoy kung sino ang mga taong “naging manhid” ang puso. (Mateo 13:10-15; Isaias 6:9, 10) Paano ito magagawa ng mga ilustrasyon? Sa ilang pagkakataon, gumamit si Jesus ng mga ilustrasyon para malaman kung naiintindihan ng mga tagapakinig niya ang mga sinabi niya. Handang magtanong ang mga mapagpakumbaba, pero hindi na magtatanong ang mga mapagmataas at ang mga hindi interesado. (Mateo 13:36; Marcos 4:34) Natututo ang mga mapagpakumbaba sa mga ilustrasyon ni Jesus. Pero hindi nalalaman ng mga mapagmataas ang mga katotohanan sa mga ilustrasyon.
6. Ano ang magagandang epekto ng mga ilustrasyon ni Jesus?
6 May magaganda pang epekto ang mga ilustrasyon ni Jesus. Naging mas interesado at mas nakinig ang mga tao. Nailarawan ng mga ilustrasyong ito sa isip ng mga tao ang punto, kaya mas madali na itong maintindihan. Gaya ng binanggit kanina, nakatulong ang mga ilustrasyon ni Jesus sa mga tagapakinig niya na matandaan ang mga sinabi niya. Napakagandang halimbawa ang Sermon sa Bundok sa paggamit ni Jesus ng mga ilustrasyon. Mababasa ito sa Mateo 5:3–7:27. Ayon sa isang reperensiya, may mahigit 50 tayutay (figure of speech) sa sermong ito. Nakakamangha iyan. Bakit? Tandaan na kayang basahin ang buong sermong ito sa loob ng mga 20 minuto. Ibig sabihin, may isang tayutay na sinasabi sa bawat 20 segundo! Talagang alam ni Jesus na napakahalaga ng paggamit ng mga ilustrasyon!
7. Bakit natin dapat tularan ang paggamit ni Jesus ng mga ilustrasyon?
7 Dahil mga tagasunod tayo ni Kristo, gusto nating tularan ang paggamit niya ng mga ilustrasyon. Kung paanong nagiging mas masarap ang pagkain kapag nilagyan ito ng pampalasa, mas mae-enjoy ng iba ang paraan ng pagtuturo natin kapag gumagamit tayo ng mga ilustrasyon. Mas madali ring maintindihan ang mahahalagang katotohanan kapag pinag-iisipang mabuti ang mga ilustrasyon. Tingnan natin ang mga paraan ni Jesus sa paggamit ng ilustrasyon para maging epektibo rin ang mga ilustrasyon natin.
Paggamit ng mga Simpleng Pagkukumpara
8, 9. Paano gumamit si Jesus ng mga simpleng pagkukumpara, at bakit napakaepektibo ng mga ito?
8 Kapag nagtuturo si Jesus, madalas siyang gumamit ng mga simpleng pagkukumpara. Ilang salita lang ang ginagamit niya, pero simple ang mga ito kaya mas nailalarawan ang punto at madaling maintindihan ang mahahalagang espirituwal na katotohanan. Halimbawa, pinayuhan ni Jesus ang mga alagad niya na huwag masyadong mag-alala sa mga pangangailangan nila. Ikinumpara niya ang kalagayan nila sa “mga ibon sa langit” at sa “mga liryo na tumutubo sa parang.” Hindi nagtatanim o umaani ang mga ibon, at hindi rin nagtatrabaho o nananahi ang mga liryo. Pero ibinibigay ng Diyos ang mga kailangan nila. Malinaw ang aral. Kung ibinibigay ng Diyos ang kailangan ng mga ibon at bulaklak, siguradong mas ibibigay niya ang kailangan ng mga ‘patuloy na inuuna ang Kaharian.’—Mateo 6:26, 28-33.
9 Madalas ding gumamit si Jesus ng mga metapora. Isa itong mas mapuwersang uri ng pagkukumpara kung saan sinasabing kapareho ng isang bagay ang mismong bagay na pinagkukumparahan. Pero simple lang ang mga ginagamit niyang metapora. Minsan, sinabi niya sa mga alagad niya: “Kayo ang liwanag ng sangkatauhan.” Naintindihan agad ng mga alagad ang ilustrasyong iyon. Sa pamamagitan ng salita at gawa nila, matutulungan nila ang mga tao na makita ang liwanag ng katotohanan at luwalhatiin ang Diyos. (Mateo 5:14-16) Pansinin ang iba pang metapora na ginamit ni Jesus: “Kayo ang asin ng mundo” at “Ako ang punong ubas; kayo ang mga sanga.” (Mateo 5:13; Juan 15:5) Simple pero mapuwersa ang mga pagkukumparang iyon!
10. Magbigay ng ilang halimbawa kung paano gagamit ng mga ilustrasyon kapag nagtuturo.
10 Paano ka gagamit ng mga ilustrasyon kapag nagtuturo? Hindi mo kailangang mag-isip ng mahahaba at komplikadong kuwento. Gumamit lang ng mga simpleng pagkukumpara. Kung pagkabuhay-muli ang paksa at gusto mong gumamit ng ilustrasyon para ipakitang hindi mahirap kay Jehova na buhaying muli ang mga patay, ano ang puwede mong gamitin? Sa Bibliya, ikinukumpara ang kamatayan sa pagtulog. (Juan 11:11-14) Puwede mong sabihin, “Para sa Diyos, ang pagbuhay-muli sa mga patay ay parang paggising lang sa isang natutulog.” Kung gusto mong ipakita na kailangan ng mga anak ang pagmamahal at pangangalaga para maging masaya sila, anong halimbawa ang gagamitin mo? Ginamit sa Bibliya ang ganitong pagkukumpara: “Ang mga anak mo ay magiging gaya ng mga supang ng mga punong olibo.” (Awit 128:3) Puwede mong sabihin, “Kung paanong kailangan ng puno ang tubig at sikat ng araw, kailangan din ng anak ang pagmamahal at pangangalaga.” Kung mas simple ang pagkukumpara, mas madali itong maiintindihan.
Mga Ilustrasyong Base sa Pang-araw-araw na Buhay
11. Magbigay ng mga halimbawa na nagpapakitang ibinase ni Jesus ang mga ilustrasyon niya sa mga bagay na naobserbahan niya noong lumalaki siya sa Galilea.
11 Mahusay si Jesus sa paggamit ng mga ilustrasyong nakabase sa buhay ng tao. Marami sa mga ilustrasyon niya ay base sa ginagawa ng mga tao araw-araw, na naobserbahan niya habang lumalaki siya sa Galilea. Noong kabataan pa siya, madalas niya sigurong nakikita ang nanay niya na naggigiling ng butil para maging harina, naglalagay ng pampaalsa sa masa, nagsisindi ng lampara, at nagwawalis ng bahay. (Mateo 13:33; 24:41; Lucas 15:8) Siguradong madalas din niyang makita ang mga mangingisda na naghahagis ng lambat nila sa Lawa ng Galilea. (Mateo 13:47) Madalas din siyang makakita ng mga batang naglalaro sa pamilihan. (Mateo 11:16) Siguradong nakita rin ni Jesus ang iba pang mga bagay na ginamit niya sa mga ilustrasyon niya, gaya ng paghahasik ng mga binhi, masasayang handaan sa kasal, at mga bukiring namumunga at nahihinog sa sikat ng araw.—Mateo 13:3-8; 25:1-12; Marcos 4:26-29.
12, 13. Sa kuwento ni Jesus tungkol sa mabuting Samaritano, bakit niya binanggit ang daang “mula sa Jerusalem . . . papuntang Jerico”?
12 Bumanggit si Jesus sa mga ilustrasyon niya ng mga detalyeng alam na alam ng mga tagapakinig niya. Halimbawa, ganito niya sinimulan ang kuwento niya tungkol sa mabuting Samaritano: “Isang lalaki na bumaba mula sa Jerusalem ang papuntang Jerico at nabiktima ng mga magnanakaw. Hinubaran siya ng mga ito, binugbog, at iniwang halos patay na.” (Lucas 10:30, talababa) Pansinin na binanggit ni Jesus ang daang “mula sa Jerusalem . . . papuntang Jerico” para palitawin ang punto niya. Nang ikuwento niya ito, nasa Judea siya at di-kalayuan sa Jerusalem. Kaya siguradong pamilyar ang mga tagapakinig niya sa daang iyon. Alam nilang mapanganib ang daang iyon, lalo na sa naglalakbay nang mag-isa. Liblib at paliko-liko ang daang ito, kaya maraming magnanakaw ang nag-aabang dito.
13 May binanggit pang ibang pamilyar na detalye si Jesus tungkol sa daang “mula sa Jerusalem . . . papuntang Jerico.” Ang unang dumaan doon ay saserdote, at pagkatapos ay Levita. Pero hindi sila huminto para tulungan ang biktima. (Lucas 10:31, 32) Naglilingkod sa templo sa Jerusalem ang mga saserdote, at tumutulong naman sa kanila ang mga Levita. Kapag wala sa templo ang mga saserdote at Levita, nasa Jerico sila na 23 kilometro lang ang layo sa Jerusalem. Dahil diyan, madalas silang naglalakbay sa daang iyon. Pansinin din na binanggit ni Jesus na ang lalaking naglalakbay ay “bumaba”—hindi umakyat—sa daang “mula sa Jerusalem.” Alam ito ng mga tagapakinig niya. Mas mataas kasi ang Jerusalem kaysa sa Jerico. Kaya talagang “bumaba” ang lalaki “mula sa Jerusalem.” b Talagang inisip ni Jesus kung ano ang pamilyar sa mga tagapakinig niya.
14. Kapag gumagamit ng mga ilustrasyon, bakit mahalagang isipin ang mga tagapakinig natin?
14 Kapag gumagamit tayo ng mga ilustrasyon, kailangan din nating isipin ang mga tagapakinig natin. Anong mga impormasyon tungkol sa kanila ang puwedeng makaapekto sa pagpili natin ng ilustrasyon? Puwede nating isaalang-alang ang kanilang edad, kultura, pamilya, o trabaho. Halimbawa, ang ilustrasyon tungkol sa pagsasaka ay baka mas madaling maiintindihan ng mga nasa probinsiya kaysa sa mga nasa siyudad. Kung pag-iisipan nating mabuti ang mga tagapakinig natin—ang kanilang ginagawa, pamilya, bahay, libangan, at kinakain—makakapili tayo ng mas babagay na ilustrasyon.
Mga Ilustrasyong Base sa mga Nilalang
15. Bakit alam na alam ni Jesus ang tungkol sa mga nilalang?
15 Kitang-kita sa mga ilustrasyon ni Jesus na marami siyang alam tungkol sa kalikasan—mga halaman, hayop, at lagay ng panahon. (Mateo 16:2, 3; Lucas 12:24, 27) Bakit? Naobserbahan niya ang mga nilalang noong lumalaki siya sa Galilea. Pero hindi iyan ang pinakadahilan. Ang totoo, si Jesus “ang panganay sa lahat ng nilalang” at ginamit siya ni Jehova bilang “dalubhasang manggagawa” sa paglalang sa lahat ng bagay. (Colosas 1:15, 16; Kawikaan 8:30, 31) Kaya alam na alam ni Jesus ang tungkol sa mga nilalang. Paano niya ginamit ang kaalamang iyan?
16, 17. (a) Bakit natin masasabing pamilyar si Jesus sa katangian ng mga tupa? (b) Anong halimbawa ang nagpapakitang talagang sumusunod ang mga tupa sa tinig ng pastol nila?
16 Tandaan na sinabi ni Jesus na siya “ang mabuting pastol,” at ang mga tagasunod niya ang “mga tupa.” Makikita natin sa sinabi ni Jesus na pamilyar siya sa katangian ng mga tupa. Alam niyang may espesyal na kaugnayan ang pastol sa mga tupa nito. Alam din niyang may tiwala ang mga nilalang na ito sa pastol nila, at na handa silang magpaakay at sumunod. Bakit? “Dahil kilala nila ang tinig niya,” ang sabi ni Jesus. (Juan 10:2-4, 11) Totoo ba iyan?
17 Mula sa personal na obserbasyon, ganito ang isinulat ni George A. Smith sa aklat niyang The Historical Geography of the Holy Land: “Kung minsan ay nagpapahinga kami sa tanghali sa tabi ng isa sa mga balon sa Judea, kung saan dinadala ng tatlo hanggang apat na pastol ang kani-kanilang mga kawan. Nagkakahalu-halo ang mga kawan, at iniisip namin kung paano malalaman ng bawat pastol kung alin sa mga iyon ang kaniyang kawan. Subalit matapos uminom at maglaro ang kawan, isa-isa nang pupuwesto ang mga pastol sa iba’t ibang panig ng libis, at saka tatawagin ng bawat isa ang kaniyang kawan sa kani-kaniyang natatanging paraan; at hihiwalay ang mga tupa ng bawat pastol mula sa pulutong patungo sa kanilang sariling pastol, at maayos na aalis ang mga kawan na gaya ng kanilang pagdating.” Napakaganda ng piniling ilustrasyon ni Jesus para palitawin ang punto niya! Kung tatanggapin at susundin natin ang mga turo niya, at kung handa tayong magpaakay sa pangunguna niya, pangangalagaan tayo ng “mabuting pastol.”
18. Saan tayo makakakuha ng impormasyon tungkol sa mga nilalang ni Jehova?
18 Paano tayo makakagamit ng mga ilustrasyon tungkol sa mga nilalang? Puwede nating gamitin ang mga katangian ng mga hayop para makagawa ng simple pero epektibong pagkukumpara. Saan tayo makakakuha ng impormasyon tungkol sa mga nilalang ni Jehova? Maraming impormasyon sa Bibliya tungkol sa iba’t ibang hayop. Kung minsan, ginagamit pa nga ang mga katangian ng mga hayop sa makasagisag na paraan. Binabanggit ng Bibliya ang pagiging matulin ng gasela o ng leopardo, pagiging maingat ng ahas, at pagiging walang muwang ng kalapati. c (1 Cronica 12:8; Habakuk 1:8; Mateo 10:16) Makakakuha rin tayo ng impormasyon sa Bantayan, Gumising!, at mga artikulo at video sa seryeng “May Nagdisenyo Ba Nito?” sa jw.org. Kung pag-aaralan mo ang mga ito, matututo ka kung paano gagamit ng simpleng pagkukumpara na base sa maraming nilalang ni Jehova.
Mga Ilustrasyong Base sa mga Tunay na Pangyayari
19, 20. (a) Paano mabisang ginamit ni Jesus ang isang pangyayari noon para ipakitang mali ang isang paniniwala? (b) Paano natin gagamitin sa pagtuturo ang mga tunay na pangyayari at karanasan?
19 Puwedeng maging epektibong ilustrasyon ang mga tunay na pangyayari sa buhay. Minsan, ginamit ni Jesus ang isang kakatapos na pangyayari para ipakitang mali ang paniniwalang parusa sa masasama ang mga trahedya. Sinabi niya: “Ang 18 nabagsakan ng tore sa Siloam at namatay—iniisip ba ninyo na mas makasalanan sila kaysa sa lahat ng iba pang taga-Jerusalem?” (Lucas 13:4) Hindi namatay ang 18 taong iyon dahil gusto silang parusahan ng Diyos sa kasalanang ginawa nila. Namatay sila dahil sa maling “panahon at di-inaasahang pangyayari.” (Eclesiastes 9:11) Kaya nang gamitin ni Jesus ang isang tunay na pangyayaring pamilyar sa mga tagapakinig niya, malinaw niyang naipaliwanag na mali ang isang turo.
20 Paano natin gagamitin sa pagtuturo ang mga tunay na pangyayari at karanasan? Baka tinatalakay mo ang katuparan ng hula ni Jesus may kaugnayan sa tanda ng presensiya niya. (Mateo 24:3-14) Puwede mong gamitin ang mga kasalukuyang balita tungkol sa digmaan, taggutom, o lindol para ipakitang natutupad na ang espesipikong mga bahagi ng tanda. O baka gusto mong gumamit ng isang karanasan tungkol sa mga pagbabagong kailangang gawin para maisuot ang bagong personalidad. (Efeso 4:20-24) Saan ka makakakuha ng ganitong mga karanasan? Puwede kang gumamit ng mga karanasan ng mga kapatid mula sa iba’t ibang lugar. May makikita ka ring mga karanasan sa mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova at sa seryeng “Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay” sa jw.org.
21. Anong mga pagpapala ang matatanggap ng isang mahusay na guro ng Salita ng Diyos?
21 Talagang Dalubhasang Guro si Jesus! Gaya ng nakita natin sa seksiyong ito, nagpokus siya sa ‘pagtuturo at pangangaral ng mabuting balita.’ (Mateo 4:23) Iyan din ang pangunahin sa buhay natin. Maraming pagpapalang natatanggap ang isang mahusay na guro. Kapag nagtuturo tayo, nagbibigay tayo sa iba. Dahil dito, nagiging masaya tayo. (Gawa 20:35) Masaya tayo kasi natuturuan natin ang iba ng isang bagay na totoo at nakakatulong ito sa kanila—ang katotohanan tungkol kay Jehova. Masaya rin tayo kasi tinutularan natin si Jesus, ang pinakadakilang Guro na nabuhay kailanman sa lupa.
a Maliwanag na ang unang ulat tungkol sa buhay ni Jesus sa lupa, na isinulat sa tulong ng banal na espiritu, ay ang Ebanghelyo ni Mateo. Isinulat ito mga walong taon pagkamatay ni Jesus.
b Sinabi rin ni Jesus na ang saserdote at ang Levita ay “mula sa Jerusalem.” Ibig sabihin, galing sila sa templo. Kaya hindi nila maidadahilan na iniwasan nila ang lalaking inakala nilang patay na dahil maglilingkod sila sa templo at hindi sila puwedeng maging marumi.—Levitico 21:1; Bilang 19:16.
c Para sa mas detalyadong listahan kung paano ginamit ng Bibliya sa makasagisag na paraan ang mga katangian ng mga hayop, tingnan ang Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1, pahina 920-922, na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.