Paunang Salita
Mahal na Mambabasa:
May magandang paanyaya sa bawat isa sa atin si Jesus: “Sumama ka sa akin, at maging tagasunod kita.” (Marcos 10:21) Tatanggapin mo ba ang paanyayang iyan? Kung oo, iyan ang pinakamagandang desisyon na magagawa mo sa buhay mo. Bakit?
Isinugo ni Jehova ang kaniyang kaisa-isang Anak dito sa lupa para ibigay ang buhay niya bilang pantubos. (Juan 3:16) Hindi lang siya namatay para sa atin. Ipinakita rin niya sa atin kung paano tayo dapat mamuhay. Sa lahat ng ginawa niya, nanatili siyang tapat at pinasaya niya ang puso ng kaniyang Ama. Ipinakita rin ni Jesus kung paano matutularan ang kaniyang Ama. Kitang-kita sa mga sinabi at ginawa ni Jesus ang kalooban ng Ama at ang paggawa Niya ng mga bagay-bagay.—Juan 14:9.
Sinasabi ng Bibliya na “nag-iwan [si Jesus] ng huwaran para sundan [nating] mabuti ang mga yapak niya.” (1 Pedro 2:21) Kung gusto nating mas mapalapít pa kay Jehova, magkaroon ng makabuluhang buhay ngayon, at mabuhay nang walang hanggan, dapat nating sundang mabuti ang mga yapak ni Kristo.
Para magawa ito, kailangan nating malaman ang naging buhay ni Jesus dito sa lupa. Kaya tama lang na pag-aralan nating mabuti ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jesus. Mahalagang bulay-bulayin natin ang mga sinabi at ginawa ni Jesus, at pag-aralan kung paano natin siya matutularan sa salita at gawa. Makakatulong iyan para mas malinaw nating makita kung paano siya masusundan.
Makatulong sana sa iyo ang publikasyong ito para mas mahalin pa si Jesus at si Jehova. Makakatulong ang pag-ibig na iyan para masundan mong mabuti ang mga yapak ni Jesus at mapasaya si Jehova ngayon at magpakailanman.
Mga Tagapaglathala