Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 48

Gumawa ng Himala, Pero Itinakwil Kahit sa Nazaret

Gumawa ng Himala, Pero Itinakwil Kahit sa Nazaret

MATEO 9:27-34; 13:54-58 MARCOS 6:1-6

  • PINAGALING NI JESUS ANG BULAG AT ANG PIPI

  • ITINAKWIL SIYA NG MGA TAGA-NAZARET

Napakaabala ng maghapon ni Jesus. Pagkagaling sa Decapolis, pinagaling niya ang isang babaeng dinudugo at binuhay-muli ang anak ni Jairo. Pero hindi pa tapós ang araw niya. Pagkaalis sa bahay ni Jairo, sinundan si Jesus ng dalawang lalaking bulag, na sumisigaw: “Maawa ka sa amin, Anak ni David!”—Mateo 9:27.

Ang pagtawag nila kay Jesus na “Anak ni David” ay nagpapakitang naniniwala silang si Jesus ang tagapagmana ng trono ni David at na siya ang Mesiyas. Waring hindi sila pinakikinggan ni Jesus, marahil para makita kung gaano sila kapursigido—at pursigido nga sila. Pagpasok ni Jesus sa isang bahay, sumunod pa rin ang dalawa. Tinanong sila ni Jesus: “Nananampalataya ba kayo na mapagagaling ko kayo?” Sumagot sila: “Opo, Panginoon.” Kaya hinipo ni Jesus ang mga mata nila at sinabi: “Mangyari nawa ang pinaniniwalaan ninyo.”—Mateo 9:28, 29.

Agad silang nakakita! Gaya ng tagubilin niya sa iba, sinabi ni Jesus sa kanila na huwag ipagsabi ang ginawa niya. Pero sa tuwa ng dalawang lalaki, ipinamalita nila ito.

Pag-alis ng dalawang lalaking iyon, isang lalaking sinasaniban ng demonyo at hindi makapagsalita ang dinala kay Jesus. Pinalayas ni Jesus ang demonyo, at agad na nakapagsalita ang lalaki. Namangha ang mga tao, at sinabi: “Ngayon lang nangyari ang ganito sa Israel.” Nandoon din ang mga Pariseo. Hindi nila maikaila ang mga himala, kaya ganoon pa rin ang akusasyon nila kay Jesus: “Ang pinuno ng mga demonyo ang tumutulong sa kaniya na makapagpalayas ng mga demonyo.”—Mateo 9:33, 34.

Di-nagtagal, bumalik si Jesus sa kaniyang bayan, ang Nazaret, kasama ang mga alagad. Mga isang taon na ang nakalilipas nang magturo siya sa sinagoga roon. Noong una, namangha ang mga tao sa sinabi niya, pero nang maglaon, tinamaan sila sa kaniyang turo at tinangka siyang patayin. Pero ngayon, susubukan uli ni Jesus na tulungan ang mga kababayan niya.

Isang Sabbath, bumalik siya sa sinagoga para magturo. Namangha ang marami, at nagtanong: “Saan kinuha ng taong ito ang ganitong karunungan at ang kakayahan niyang gumawa ng mga himala?” Sinabi nila: “Hindi ba ito ang anak ng karpintero? Hindi ba si Maria ang kaniyang ina, at ang mga kapatid niya ay sina Santiago, Jose, Simon, at Hudas? At hindi ba tagarito rin ang lahat ng kapatid niyang babae? Saan niya kinuha ang lahat ng kakayahan niya?”—Mateo 13:54-56.

Ordinaryong tagaroon lang si Jesus sa tingin ng mga tao. ‘Nakita namin siyang lumaki,’ ang naisip nila, ‘kaya paanong siya ang Mesiyas?’ Pero kahit malinaw ang mga ebidensiya—kasama na ang karunungan at mga himala ni Jesus—hindi pa rin nila siya matanggap. Dahil alam nila ang pinagmulan ni Jesus, natisod maging ang mga kamag-anak niya, kaya sinabi ni Jesus: “Ang propeta ay pinahahalagahan kahit saan maliban sa sarili niyang bayan at sa sarili niyang sambahayan.”—Mateo 13:57.

Talagang hindi makapaniwala si Jesus na wala pa rin silang pananampalataya. Kaya hindi siya gumawa ng himala roon “maliban sa pagpapagaling sa ilang maysakit sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay niya sa kanila.”—Marcos 6:5, 6.