KABANATA 51
Pagpaslang sa Isang Selebrasyon ng Kaarawan
MATEO 14:1-12 MARCOS 6:14-29 LUCAS 9:7-9
-
PINAPUGUTAN NI HERODES SI JUAN BAUTISTA
Habang nangangaral sa Galilea ang mga apostol ni Jesus, nasa bilangguan naman ang isa na naghanda ng daan para kay Jesus. Halos dalawang taon nang nakakulong si Juan Bautista.
Hayagang sinabi ni Juan na maling kunin ni Haring Herodes Antipas si Herodias, na asawa ng kaniyang kapatid sa amang si Felipe. Diniborsiyo ni Herodes ang una niyang asawa para pakasalan si Herodias. Ayon sa Kautusang Mosaiko, na inaangkin ni Herodes na sinusunod niya, ilegal ang kasal na iyon at isang pangangalunya. Kaya ipinakulong ni Herodes si Juan, malamang na dahil din sa sulsol ni Herodias.
Hindi alam ni Herodes kung ano ang gagawin niya kay Juan, dahil ‘propeta ang turing ng mga tao rito.’ (Mateo 14:5) Pero iba si Herodias; alam niya kung ano ang gusto niyang mangyari kay Juan. “Nagkimkim ng galit si Herodias laban kay Juan,” at gusto niya itong ipapatay. (Marcos 6:19) At sa wakas, nagkaroon siya ng pagkakataon.
Bago ang Paskuwa ng 32 C.E., nagsaayos si Herodes ng malaking selebrasyon para sa kaniyang kaarawan. Imbitado ang lahat ng matataas na opisyal ni Herodes at mga opisyal ng hukbo, pati na ang mga prominenteng tao sa Galilea. Sa gitna ng kasayahan, sumayaw si Salome, ang anak ni Herodias sa dati niyang asawang si Felipe. Hangang-hanga ang lahat sa pagsasayaw niya.
Sa tuwa ni Herodes sa kaniyang anak-anakan, sinabi niya: “Hingin mo kung ano ang gusto mo, at ibibigay ko iyon sa iyo.” Sumumpa pa nga siya: “Anuman ang hingin mo sa akin, ibibigay ko sa iyo, kahit kalahati ng kaharian ko.” Bago sumagot, nagtanong muna si Salome sa kaniyang ina: “Ano po ang hihingin ko?”—Marcos 6:22-24.
Ito na ang pinakahihintay ni Herodias! “Ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo,” ang mabilis na sagot niya. Agad na bumalik si Salome kay Herodes at sinabi: “Gusto kong ibigay ninyo sa akin ngayon din sa isang bandehado ang ulo ni Juan Bautista.”—Marcos 6:24, 25.
Namroblema si Herodes; narinig na kasi ng mga bisita ang pangako niya kay Salome. Mapapahiya siya kung hindi niya ito ibibigay, kahit mangahulugan pa ito ng buhay ng isang inosenteng tao. Kaya isang kawal ang inutusan ni Herodes para gawin ang karumal-dumal na krimeng ito. Bumalik ito dala ang ulo ni Juan sa isang bandehado, at ibinigay kay Salome, na dinala naman nito sa kaniyang ina.
Nang marinig ng mga alagad ni Juan ang nangyari, kinuha nila ang katawan nito at inilibing. Pagkatapos, ipinaalam nila ito kay Jesus.
Nang mabalitaan ni Herodes ang tungkol sa pagpapagaling ni Jesus at pagpapalayas ng mga demonyo, natakot siya. Nangangamba siyang ang taong gumagawa ng mga bagay na ito—si Jesus—ay si Juan Bautista na “binuhay-muli.” (Lucas 9:7) Kaya gustong-gusto ni Herodes Antipas na makita si Jesus, hindi para marinig ang mensahe nito, kundi para alamin kung may dapat ba siyang ipangamba.