KABANATA 49
Pangangaral sa Galilea at Pagsasanay sa mga Apostol
MATEO 9:35–10:15 MARCOS 6:6-11 LUCAS 9:1-5
-
MULING NILIBOT NI JESUS ANG GALILEA PARA MANGARAL
-
ISINUGO NIYA ANG MGA APOSTOL PARA MANGARAL
Mga dalawang taon nang puspusang nangangaral si Jesus. Panahon na bang maghinay-hinay? Hindi. Pinalawak pa ni Jesus ang pangangaral at “lumibot sa lahat ng lunsod at nayon [sa Galilea]; nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga, nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian, at nagpapagaling ng bawat uri ng sakit at kapansanan.” (Mateo 9:35) Nakita niyang kailangang palawakin ang pangangaral. Pero paano?
Habang naglalakbay, nakita ni Jesus na kailangang-kailangan ng mga tao ang katotohanan. Para silang mga tupang walang pastol, sugatán at napabayaan. Naawa siya sa kanila kaya sinabi niya sa mga alagad: “Talagang marami ang aanihin, pero kakaunti ang mga manggagawa. Kaya makiusap kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa pag-aani niya.”—Mateo 9:37, 38.
Alam ni Jesus kung ano ang makakatulong. Tinawag niya ang 12 apostol at hinati sila sa anim na pares ng mangangaral. Binigyan niya sila ng malinaw na tagubilin: “Huwag kayong pumasok sa anumang lunsod ng mga Samaritano; sa halip, pumunta lang kayo sa nawawalang mga tupa ng sambahayan ng Israel. Humayo kayo at mangaral, na sinasabi: ‘Ang Kaharian ng langit ay malapit na.’”—Mateo 10:5-7.
Ang Kaharian na ipangangaral nila ay ang tinutukoy ni Jesus sa modelong panalangin. ‘Ang Kaharian ay malapit na’ sa diwa na ang inatasan ng Diyos na maging Hari, si Jesu-Kristo, ay naroon. Pero ano ang magpapatunay na ang mga alagad niya ay totoong kinatawan ng Kahariang iyon? Binigyan sila ni Jesus ng kapangyarihang magpagaling ng mga maysakit at bumuhay pa nga ng patay, at gagawin nila ito nang walang bayad. Pero paano ang pangangailangan ng mga apostol, gaya ng pagkain sa araw-araw?
Sinabihan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na huwag maghanda ng pangangailangan nila. Hindi sila magdadala ng ginto, pilak, o tanso. Hindi rin nila kailangang magbaon ng pagkain o ng ekstrang damit o sandalyas. Bakit? Tiniyak sa kanila ni Jesus: “Ang mga manggagawa ay karapat-dapat tumanggap ng pagkain.” (Mateo 10:10) Ang mga magpapahalaga sa mensahe ang maglalaan sa mga alagad. Sinabi ni Jesus: “Saanmang bahay kayo patuluyin, manatili kayo roon habang kayo ay nasa lugar na iyon.”—Marcos 6:10.
Nagbigay rin si Jesus ng tagubilin kung paano sila lalapit sa may-bahay dala ang mensahe ng Kaharian, na sinasabi: “Kapag pumapasok kayo sa bahay, batiin ninyo ang sambahayan. Kung karapat-dapat ang sambahayan, magkaroon nawa sila ng kapayapaang hinangad ninyo para sa kanila; pero kung hindi sila karapat-dapat, manatili nawa sa inyo ang kapayapaan. Kung may sinumang hindi tatanggap sa inyo o hindi makikinig sa sinasabi ninyo, sa paglabas sa bahay o sa lunsod na iyon, ipagpag ninyo ang alikabok mula sa inyong mga paa.”—Mateo 10:12-14.
Baka nga buong lunsod o nayon pa ang hindi tumanggap sa kanilang mensahe. Ano ang mangyayari sa gayong lugar? Ipinahayag ni Jesus na kapahamakan ang resulta. Ipinaliwanag niya: “Sinasabi ko sa inyo, mas magaan pa ang magiging parusa sa Sodoma at Gomorra sa Araw ng Paghuhukom kaysa sa lunsod na iyon.”—Mateo 10:15.