KABANATA 70
Pinagaling ni Jesus ang Lalaking Ipinanganak na Bulag
-
PINAGALING ANG ISANG PULUBING IPINANGANAK NA BULAG
Nasa Jerusalem pa rin si Jesus sa Sabbath. Habang naglalakad siya sa lunsod kasama ng mga alagad, may nakita silang pulubing ipinanganak na bulag. Tinanong ng mga alagad si Jesus: “Rabbi, sino ang nagkasala at ipinanganak na bulag ang taong ito, siya ba o ang mga magulang niya?”—Juan 9:2.
Alam ng mga alagad na ang lalaki ay walang di-nakikitang kaluluwa na umiral bago ito ipanganak, pero gusto siguro nilang malaman kung maaaring magkasala ang isa habang nasa tiyan pa ng ina. Sumagot si Jesus: “Hindi ang taong ito ang nagkasala o ang mga magulang niya, pero nagbukas ito ng pagkakataon para maipakita ang mga gawa ng Diyos.” (Juan 9:3) Kaya hindi kasalanan ng lalaki o ng mga magulang niya kung bakit siya bulag. Resulta ito ng kasalanan ni Adan, at lahat ng tao ay ipinanganak na hindi perpekto at puwedeng magkadepekto, gaya ng pagkabulag. Pero ang pagkabulag ng lalaki ay pagkakataon para ipakita ni Jesus ang mga gawa ng Diyos, gaya ng ginawa niya sa iba.
Idiniin ni Jesus na dapat maisagawa agad ang mga gawaing ito. “Habang araw pa, dapat nating isakatuparan ang mga gawain ng nagsugo sa akin,” ang sabi niya. “Dahil kapag gumabi na, wala nang taong makagagawa. Hangga’t ako ay nasa mundo, ako ang liwanag ng sangkatauhan.” (Juan 9:4, 5) Oo, kapag namatay si Jesus, wala siyang magagawang anuman sa libingan. Pero hangga’t buháy siya, siya ang liwanag ng sangkatauhan.
Pero pagagalingin kaya ni Jesus ang lalaki? Paano? Dumura si Jesus sa lupa, ginawa itong putik, at ipinahid sa mga mata ng lalaki, at sinabi: “Pumunta ka sa imbakan ng tubig ng Siloam . . . at maghilamos ka roon.” (Juan 9:7) Sumunod ang lalaki. At pagkahilamos, nakakita na siya! Napakasaya niya nang sa unang pagkakataon ay makakita siya!
Laking gulat ng mga nakakakilala sa lalaki. “Hindi ba ito ang lalaking namamalimos noon?” tanong nila. “Siya nga iyon,” sagot ng ilan. Pero may mga hindi makapaniwala: “Hindi, pero kamukha nga niya.” Sinabi ng lalaki: “Ako nga iyon.”—Juan 9:8, 9.
Kaya tinanong nila siya: “Paano nangyaring nakakakita ka na ngayon?” Sumagot siya: “Ang taong tinatawag na Jesus ay gumawa ng putik at ipinahid iyon sa mga mata ko at sinabi sa akin, ‘Pumunta ka sa Siloam at maghilamos ka roon.’ Kaya pumunta ako at naghilamos, at pagkatapos ay nakakita na ako.” Nagtanong sila: “Nasaan ang taong iyon?” Sumagot ang pulubi: “Hindi ko alam.”—Juan 9:10-12.
Dinala ng mga tao ang lalaki sa mga Pariseo, na interesado rin kung paano siya nakakita. Sinabi niya sa kanila: “Nilagyan niya ng putik ang mga mata ko, at naghilamos ako, at pagkatapos ay nakakita na ako.” Kung tutuusin, dapat sana’y matuwa ang mga Pariseo. Sa halip, binatikos pa nila si Jesus. “Hindi isinugo ng Diyos ang taong iyon,” ang bintang nila, “dahil hindi niya sinusunod ang Sabbath.” Sinabi naman ng iba: “Puwede bang makagawa ng ganitong himala ang isang makasalanan?” (Juan 9:15, 16) Iba-iba ang opinyon nila.
Kaya tinanong nila ang lalaking dating bulag: “Tutal, ikaw ang pinagaling niya, ano ang masasabi mo tungkol sa kaniya?” Walang pagdududang sumagot ang lalaki: “Isa siyang propeta.”—Juan 9:17.
Ayaw maniwala ng mga Judio. Malamang na iniisip nilang magkasabuwat si Jesus at ang lalaki para makapandaya. Para malutas ang isyu, naisip nilang ipatawag ang mga magulang ng pulubi at alamin kung totoo ngang dati itong bulag.