Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 97

Ilustrasyon Tungkol sa mga Manggagawa sa Ubasan

Ilustrasyon Tungkol sa mga Manggagawa sa Ubasan

MATEO 20:1-16

  • ANG MGA MANGGAGAWANG “NAHUHULI” AY “MAUUNA”

Kasasabi lang ni Jesus sa mga tagapakinig niya sa Perea na “maraming nauuna ang mahuhuli at maraming nahuhuli ang mauuna.” (Mateo 19:30) Idiniin pa niya ito sa ilustrasyon tungkol sa mga manggagawa sa ubasan:

“Ang Kaharian ng langit ay tulad ng may-ari ng ubasan na maagang lumabas para kumuha ng mga manggagawa sa ubasan niya. Matapos makipagkasundo sa mga manggagawa na susuwelduhan niya sila ng isang denario sa isang araw, pinapunta niya sila sa ubasan niya. Lumabas ulit siya noong mga ikatlong oras, at may nakita siyang mga nakatayo lang sa pamilihan at walang ginagawa; at sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa ubasan, at bibigyan ko kayo ng makatuwirang suweldo.’ Kaya pumunta sila roon. Lumabas siya ulit noong mga ikaanim na oras at ikasiyam na oras at ganoon din ang ginawa niya. At noong mga ika-11 oras, lumabas siya at nakita ang iba pa na nakatayo lang, at sinabi niya sa kanila, ‘Bakit maghapon kayong nakatayo rito nang walang ginagawa?’ Sumagot sila, ‘Wala kasing nagbibigay sa amin ng trabaho.’ Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa ubasan.’”—Mateo 20:1-7.

Malamang na naisip ng mga tagapakinig ang Diyos na Jehova nang banggitin ni Jesus ang “Kaharian ng langit” at ang “may-ari ng ubasan.” Ipinakikilala ng Kasulatan si Jehova bilang may-ari ng ubasan, at ang ubasan ay ang bansang Israel. (Awit 80:8, 9; Isaias 5:3, 4) Ang mga nasa tipang Kautusan ay itinulad sa mga manggagawa sa ubasan. Pero hindi ang nakaraan ang inilalarawan ni Jesus, kundi isang sitwasyon noong panahon niya.

Ang mga lider ng relihiyon, gaya ng mga Pariseo na sumubok kay Jesus tungkol sa diborsiyo, ang diumano’y patuloy na naglilingkod sa Diyos. Gaya sila ng mga manggagawang buong araw na nagtatrabaho at umaasa ng suweldong isang denario.

Sinasabi ng mga saserdote at ng iba pa sa grupong ito na ang ordinaryong mga Judio ay hindi gaanong naglilingkod sa Diyos, tulad ng mga manggagawa na ilang oras lang nagtrabaho sa ubasan ng Diyos. Sa ilustrasyon ni Jesus, ito ang mga lalaking pinagtrabaho “noong mga ikatlong oras” (9:00 n.u.) o nang mas huli pa—noong ikaanim, ikasiyam, at ikalabing-isang oras (5:00 n.h.).

Ang mga sumusunod kay Jesus ay itinuturing na “mga isinumpa.” (Juan 7:49) Halos buong buhay nila, mga mangingisda sila o karaniwang manggagawa. Pagkatapos, noong taglagas ng 29 C.E., ipinadala ng “may-ari ng ubasan” si Jesus para tawagin ang hamak na mga tao para magtrabaho sa Diyos bilang mga alagad ni Kristo. Sila ang mga “nahuhuli” na tinutukoy ni Jesus, ang ika-11 oras na mga manggagawa.

Inilarawan ni Jesus ang nangyari pagkatapos ng maghapong trabaho: “Nang gumabi na, sinabi ng may-ari ng ubasan sa katiwala niya, ‘Tawagin mo ang mga manggagawa at suwelduhan sila, simula sa pinakahuling dumating hanggang sa pinakauna.’ Nang dumating ang mga lalaking nagtrabaho nang ika-11 oras, bawat isa sa kanila ay tumanggap ng isang denario. Kaya nang dumating ang mga naunang magtrabaho, inisip nila na mas malaki ang tatanggapin nila, pero isang denario din ang isinuweldo sa kanila. Pagkatanggap nito, nagreklamo sila sa may-ari ng ubasan. Sinabi nila, ‘Isang oras lang nagtrabaho ang mga huling dumating, pero ang isinuweldo mo sa kanila, kapantay ng sa amin na nagpakapagod sa buong maghapon at nagtiis ng init!’ Pero sinabi niya sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, wala akong ginagawang mali sa iyo. Nagkasundo tayo na isang denario ang isusuweldo ko sa iyo, hindi ba? Kunin mo ang suweldo mo at umuwi ka. Gusto kong ibigay sa mga huling nagtrabaho ang katulad ng ibinigay ko sa iyo. Wala ba akong karapatang gawin kung ano ang gusto ko sa mga pag-aari ko? O naiinggit ka dahil naging mabuti ako sa kanila?’ Sa ganitong paraan, ang mga nahuhuli ay mauuna, at ang mga nauuna ay mahuhuli.”—Mateo 20:8-16.

Maaaring nagtaka ang mga alagad sa huling bahagi ng ilustrasyon ni Jesus. Paanong “mahuhuli” ang mga Judiong lider ng relihiyon na ang tingin sa sarili ay “nauuna” sila? At paanong “mauuna” ang mga alagad ni Jesus?

Ang mga alagad ni Jesus, na itinuturing ng mga Pariseo at ng iba pa bilang mga “nahuhuli,” ay “mauuna” at tatanggap ng buong suweldo. Kapag namatay si Jesus, ang literal na Jerusalem ay itatakwil, at pipili ang Diyos ng bagong bansa, ang “Israel ng Diyos.” (Galacia 6:16; Mateo 23:38) Sila ang tinutukoy ni Juan Bautista na babautismuhan sa banal na espiritu. Ang mga “nahuhuli” ay mauunang bautismuhan sa banal na espiritu at bibigyan ng pribilehiyong maging saksi ni Jesus “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:5, 8; Mateo 3:11) Kung maiintindihan ng mga alagad ang tinutukoy ni Jesus na malaking pagbabago, malamang na makikita nilang daranas sila ng matinding pagsalansang mula sa mga lider ng relihiyon, na “mahuhuli.”