Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 90

“Ang Pagkabuhay-Muli at ang Buhay”

“Ang Pagkabuhay-Muli at ang Buhay”

JUAN 11:17-37

  • PATAY NA SI LAZARO NANG DUMATING SI JESUS

  • “ANG PAGKABUHAY-MULI AT ANG BUHAY”

Mula sa Perea, dumating si Jesus sa nayon ng Betania, na mga tatlong kilometro sa silangan ng Jerusalem. Nagdadalamhati sina Maria at Marta sa pagkamatay ng kapatid nilang si Lazaro. Marami ang dumating para makiramay.

Pagkatapos, may nagsabi kay Marta na parating si Jesus, kaya dali-dali itong sumalubong sa kaniya. Sinabi ni Marta kay Jesus ang marahil ay apat na araw na nilang pinag-iisipan ni Maria: “Panginoon, kung narito ka lang noon, hindi sana namatay ang kapatid ko.” Pero hindi naman nawalan ng pag-asa si Marta. “Naniniwala pa rin ako na anuman ang hingin mo sa Diyos, ibibigay niya iyon sa iyo,” ang sabi niya. (Juan 11:21, 22) Alam niyang matutulungan ni Jesus ang kapatid niya.

Sumagot si Jesus: “Babangon ang kapatid mo.” Akala ni Marta, ito ang pagkabuhay-muli sa lupa sa hinaharap, ang pag-asa nina Abraham at ng iba pa. At ipinakita niyang talagang naniniwala siya rito: “Alam kong mabubuhay siyang muli sa huling araw.”—Juan 11:23, 24.

Pero hindi ba kayang buhayin ngayon ni Jesus si Lazaro? Ipinaalala niya kay Marta na binigyan siya ng Diyos ng kapangyarihang daigin ang kamatayan: “Siya na nananampalataya sa akin, kahit mamatay siya, ay mabubuhay; at ang bawat isa na nabubuhay at nananampalataya sa akin ay hindi na kailanman mamamatay.”—Juan 11:25, 26.

Hindi sinasabi ni Jesus na ang mga alagad niya noon ay hindi na mamamatay. Siya mismo ay mamamatay, gaya ng sinabi niya sa mga apostol. (Mateo 16:21; 17:22, 23) Idiniriin ni Jesus na ang pananampalataya sa kaniya ay umaakay sa buhay na walang hanggan. Makakamit ito ng marami kapag binuhay silang muli. Ang mga tapat naman na makaliligtas sa wakas ng sistemang ito ay may pag-asang hindi na matikman ang kamatayan. Alinman dito, ang mga nananampalataya kay Jesus ay makatitiyak na hindi sila mapapaharap sa permanenteng kamatayan.

Pero ilang araw nang patay si Lazaro; matutulungan ba siya ni Jesus, na nagsabing “ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay”? Tinanong ni Jesus si Marta: “Naniniwala ka ba rito?” Sumagot siya: “Oo, Panginoon, naniniwala ako na ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos, ang isa na darating sa mundo.” Naniniwala si Marta na may magagawa si Jesus nang araw na iyon, kaya umuwi siya agad at ibinulong kay Maria: “Nandito ang Guro at tinatawag ka.” (Juan 11:25-28) Kaya umalis ng bahay si Maria, at sinundan siya ng marami sa pag-aakalang pupunta siya sa libingan ni Lazaro.

Pinuntahan ni Maria si Jesus, at habang umiiyak sa paanan ni Jesus, sinabi niya: “Panginoon, kung narito ka lang noon, hindi sana namatay ang kapatid ko.” Pagkakita kay Maria at sa mga taong umiiyak, nadurog ang puso ni Jesus at napaiyak. Naantig ang mga nakakita. Pero sinabi ng ilan: ‘Napagaling ni Jesus ang isang bulag, pero bakit wala siyang nagawa para hindi mamatay si Lazaro?’—Juan 11:32, 37.