KABANATA 106
Dalawang Ilustrasyon Tungkol sa Ubasan
MATEO 21:28-46 MARCOS 12:1-12 LUCAS 20:9-19
-
ILUSTRASYON TUNGKOL SA DALAWANG ANAK
-
ILUSTRASYON TUNGKOL SA MGA MAGSASAKA NG UBASAN
Sa templo, katatapos lang komprontahin ni Jesus ang mga punong saserdote at matatandang lalaking kumuwestiyon sa awtoridad niya. Napatahimik sila ni Jesus. Nagbigay siya ngayon ng isang ilustrasyon na naglantad sa tunay na kulay nila.
Sinabi ni Jesus: “Isang tao ang may dalawang anak. Nilapitan niya ang nakatatandang anak at sinabi rito, ‘Anak, magtrabaho ka ngayon sa ubasan.’ Sinabi nito, ‘Ayoko po,’ pero nakonsensiya ito at nagpunta sa ubasan. Nilapitan niya ang nakababatang anak at ganoon din ang sinabi niya. Sumagot ito, ‘Sige po,’ pero hindi ito nagpunta. Sino sa dalawa ang gumawa ng kalooban ng kaniyang ama?” (Mateo 21:28-31) Maliwanag ang sagot—ang nakatatandang anak na sumunod sa ama nang bandang huli.
Kaya sinabi ni Jesus sa mga mananalansang: “Sinasabi ko sa inyo na ang mga maniningil ng buwis at ang mga babaeng bayaran ay nauuna na sa inyo sa Kaharian ng Diyos.” Noong una, ayaw ng mga maniningil ng buwis at ng mga babaeng bayaran na maglingkod sa Diyos. Pero gaya ng nakatatandang anak, nagsisi sila at naglilingkod na ngayon sa Diyos. Ang mga lider ng relihiyon naman ay gaya ng nakababatang anak na nagsasabing naglilingkod sa Diyos pero hindi naman. Sinabi ni Jesus: “Si Juan [Bautista] ay dumating sa inyo na nagtuturo ng matuwid na daan, pero hindi kayo naniwala sa kaniya. Ang mga maniningil ng buwis at mga babaeng bayaran ay naniwala sa kaniya. Nakita ninyo ito, pero hindi pa rin kayo nagsisi at hindi kayo naniwala sa kaniya.”—Mateo 21:31, 32.
Naglahad si Jesus ng isa pang ilustrasyon, at dito, ipinakita niya na mas malala pa sa hindi paglilingkod sa Diyos ang ginawa nila. Ang totoo, napakasama nila. Sinabi ni Jesus: “Isang tao ang nagtanim ng ubas sa kaniyang bukid. Binakuran niya ang ubasan, gumawa rito ng pisaan ng ubas, at nagtayo ng isang tore; pagkatapos, pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka, at naglakbay siya sa ibang lupain. Pagdating ng anihan, pinapunta niya ang alipin niya sa mga magsasaka para kunin ang parte niya sa mga inaning ubas. Pero sinunggaban nila ito, binugbog, at pinauwing walang dala. Pinapunta ng may-ari ng ubasan ang isa pang alipin, at ang isang iyon ay pinalo nila sa ulo at hiniya. At nagpapunta siya ng isa pa, at ang isang iyon ay pinatay nila. Marami pa siyang pinapunta. Ang ilan sa mga ito ay binugbog nila, at ang ilan naman ay pinatay nila.”—Marcos 12:1-5.
Maiintindihan kaya ng mga tagapakinig ni Jesus ang ilustrasyon? Maaaring naalala nila ang salita ni Isaias: “Ang ubasan ni Jehova ng mga hukbo ay ang sambahayan ng Israel, at ang mga tao ng Juda ay siyang taniman na kaniyang kinagiliwan. At patuloy niyang inaasahan ang kahatulan, ngunit, narito! ang paglabag sa kautusan.” (Isaias 5:7) Katulad ito ng ilustrasyon ni Jesus. Si Jehova ang may-ari ng ubasan, at ang Israel ang ubasan, na nababakuran at napoprotektahan ng Kautusan ng Diyos. Nagsugo si Jehova ng mga propeta para turuan ang bayan at tulungang mamunga ng mabuting bunga.
Pero minaltrato at pinatay ng “mga magsasaka” ang mga “alipin” na isinugo sa kanila. Ipinaliwanag ni Jesus: “May isa pa siyang [ang may-ari ng ubasan] puwedeng papuntahin, ang minamahal niyang anak. Ito ang huling pinapunta niya sa kanila. Sa loob-loob niya, ‘Igagalang nila ang anak ko.’ Pero nag-usap-usap ang mga magsasaka, ‘Siya ang tagapagmana. Patayin natin siya para mapunta sa atin ang mana niya.’ Kaya sinunggaban nila siya at pinatay.”—Marcos 12:6-8.
Nagtanong si Jesus: “Ano ang gagawin ng may-ari ng ubasan?” (Marcos 12:9) Sumagot ang mga lider ng relihiyon: “Dahil masama sila, pupuksain niya sila at pauupahan ang ubasan sa ibang mga magsasaka, na magbibigay sa kaniya ng parte niya kapag anihan na.”—Mateo 21:41.
Wala silang kamalay-malay na hinatulan nila ang sarili nila, dahil kabilang sila sa “mga magsasaka” sa “ubasan” ni Jehova, ang bansang Israel. Kasama Marcos 12:10, 11) Tinumbok ni Jesus ang punto: “Ang Kaharian ng Diyos ay kukunin sa inyo at ibibigay sa isang bansang gumagawa ng kalooban ng Diyos.”—Mateo 21:43.
sa ani na inaasahan ni Jehova sa mga magsasakang iyon ang pananampalataya sa Anak niya, ang Mesiyas. Sinabi ni Jesus sa mga lider ng relihiyon: “Hindi ba ninyo nabasa ang kasulatang ito: ‘Ang bato na itinakwil ng mga tagapagtayo ang siyang naging pangunahing batong-panulok. Nagmula ito kay Jehova at kahanga-hanga ito sa paningin natin’?” (Nahalata ng mga eskriba at mga punong saserdote na “sila ang nasa isip ni Jesus nang sabihin niya ang ilustrasyong ito.” (Lucas 20:19) Kaya lalo silang nagpursiging patayin siya, ang legal na “tagapagmana.” Pero takót sila sa mga tao, na ang turing kay Jesus ay propeta, kaya hindi nila tinangkang patayin si Jesus sa pagkakataong iyon.