Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 11

Inihanda ni Juan Bautista ang Daan

Inihanda ni Juan Bautista ang Daan

MATEO 3:1-12 MARCOS 1:1-8 LUCAS 3:1-18 JUAN 1:6-8, 15-28

  • NANGARAL AT NAGBAUTISMO SI JUAN

  • MARAMI ANG NABAUTISMUHAN, PERO HINDI LAHAT

Mga 17 taon na ang lumipas mula nang magtanong ang 12-anyos na si Jesus sa mga guro sa templo. Tagsibol na ngayon ng 29 C.E. Pinag-uusapan ng mga tao ang kamag-anak ni Jesus na si Juan, na nangangaral sa buong lupain na nasa kanluran ng Ilog Jordan.

Si Juan ay isang kahanga-hangang lalaki, sa hitsura at sa pagsasalita. Yari sa balahibo ng kamelyo ang kaniyang damit, at may suot siyang sinturon na gawa sa balat ng hayop. Ang pagkain niya ay balang—isang uri ng tipaklong—at pulot-pukyutan. Ano ang kaniyang mensahe? “Magsisi kayo dahil ang Kaharian ng langit ay malapit na.”—Mateo 3:2.

Naantig ng mensahe ni Juan ang mga pumupunta sa kaniya para makinig. Nakita ng marami na kailangan nilang magsisi, o magbago ng saloobin at paggawi, at talikuran ang masamang pamumuhay. Ang mga nagpupunta sa kaniya ay mga “taga-Jerusalem at . . . mga tao sa buong Judea at sa buong lupain sa palibot ng Jordan.” (Mateo 3:5) Marami sa kanila ay talagang nagsisisi. Binabautismuhan niya sila, o inilulubog sa tubig ng Ilog Jordan. Bakit?

Binabautismuhan niya ang mga tao bilang sagisag ng kanilang taimtim na pagsisisi sa kanilang mga nagawang kasalanan sa tipang Kautusan ng Diyos. (Gawa 19:4) Pero hindi lahat ay kuwalipikado. Nang pumunta kay Juan ang ilang lider ng relihiyon, ang mga Pariseo at Saduceo, tinawag niya silang “anak ng mga ulupong.” Sinabi niya: “Ipakita muna ninyo na talagang nagsisisi kayo. Huwag ninyong isipin, ‘Ama namin si Abraham.’ Dahil sinasabi ko sa inyo na kaya ng Diyos na lumikha ng mga anak para kay Abraham mula sa mga batong ito. Nakalapat na ang palakol sa ugat ng mga puno. At bawat puno na hindi mabuti ang bunga ay puputulin at ihahagis sa apoy.”—Mateo 3:7-10.

Si Juan ay nagiging popular, may mapuwersang mensahe, at maraming binabautismuhan, kaya isinugo ang mga saserdote at Levita para tanungin siya: “Sino ka ba?”

“Hindi ako ang Kristo,” ang sabi ni Juan.

“Kung gayon, ikaw ba si Elias?” ang usisa nila.

Sumagot siya: “Hindi.”

“Ikaw ba ang Propeta?” ang tanong uli nila, ibig sabihin, ang dakilang Propeta na sinabi ni Moises na darating.—Deuteronomio 18:15, 18.

“Hindi!” ang sagot ni Juan.

Hindi pa rin sila tumigil sa pagtatanong: “Sino ka? Sabihin mo, para may maisagot kami sa mga nagsugo sa amin. Magpakilala ka.” Sinabi ni Juan: “Ako ang isa na sumisigaw sa ilang, ‘Patagin ninyo ang daraanan ni Jehova,’ gaya ng sinabi ni propeta Isaias.”—Juan 1:19-23.

“Kung gayon, bakit ka nagbabautismo kung hindi ikaw ang Kristo o si Elias o ang Propeta?” ang tanong nila. Makahulugan ang sagot niya: “Nagbabautismo ako sa tubig. May isa sa gitna ninyo na hindi ninyo nakikilala, ang isa na dumarating na kasunod ko.”—Juan 1:25-27.

Oo, kinikilala ni Juan na inihahanda niya ang daan sa pamamagitan ng paghahanda sa puso ng mga tao para tanggapin nila ang inihulang Mesiyas, ang isa na magiging Hari. Tungkol sa kaniya, sinabi ni Juan: “Ang dumarating na kasunod ko ay mas malakas kaysa sa akin, at hindi man lang ako karapat-dapat na mag-alis ng sandalyas niya.” (Mateo 3:11) Sa katunayan, sinabi pa ni Juan: “Ang isa na dumarating na kasunod ko ay naging mas dakila sa akin, dahil una siyang umiral sa akin.”—Juan 1:15.

Kaya talagang napapanahon ang mensahe ni Juan: “Magsisi kayo dahil ang Kaharian ng langit ay malapit na.” (Mateo 3:2) Ipinaaalam nito sa mga tao na malapit nang magsimula ang ministeryo ng Haring ipinangako ni Jehova, si Jesu-Kristo.