KABANATA 8
Pantulong sa Pangangaral—Paggawa ng mga Literatura Para sa mga Tao sa Buong Daigdig
1, 2. (a) Noong unang siglo, paano lumaganap ang mabuting balita sa buong Imperyo ng Roma? (b) Ano ang patunay na sinusuportahan tayo ni Jehova ngayon? (Tingnan ang kahong “ Mabuting Balita sa Mahigit 670 Wika.”)
HINDI makapaniwala ang mga bumibisita sa Jerusalem sa kanilang naririnig. Ang mga taga-Galilea ay matatas na nakakapagsalita ng banyagang mga wika, at gustong-gusto ng mga nakikinig ang kanilang mensahe. Pentecostes 33 C.E. noon, at ang mga alagad ay makahimalang tumanggap ng kaloob na magsalita ng iba’t ibang wika—patunay na sinusuportahan sila ng Diyos. (Basahin ang Gawa 2:1-8, 12, 15-17.) Ang mabuting balita na ipinangaral nila nang araw na iyon ay napakinggan ng mga taong nagmula sa iba’t ibang lugar kaya lumaganap ito sa buong Imperyo ng Roma.—Col. 1:23.
2 Sa ngayon, ang mga lingkod ng Diyos ay hindi makahimalang nakakapagsalita ng iba’t ibang wika. Pero naipaaabot nila ang mensahe ng Kaharian sa mas maraming wika kaysa noong unang siglo. Isinasalin nila ito sa mahigit 670 wika. (Gawa 2:9-11) Ang bayan ng Diyos ay nakagawa ng napakaraming literatura sa napakaraming wika kaya nakarating ang mensahe ng Kaharian sa bawat sulok ng daigdig. a Ito rin ay malinaw na patunay na ginagamit ni Jehova ang Haring si Jesu-Kristo para patnubayan ang ating gawaing pangangaral. (Mat. 28:19, 20) Habang nirerepaso natin ang ilan sa mga pantulong na ginamit para maisakatuparan ang gawaing ito sa nakalipas na 100 taon, pansinin kung paano tayo unti-unting sinanay ng Hari para tulungan ang mga indibiduwal at kung paano niya tayo pinasigla para maging mga guro ng Salita ng Diyos.—2 Tim. 2:2.
Naglalaan ang Hari ng mga Pantulong Para Maitanim ang Binhi ng Katotohanan
3. Bakit tayo gumagamit ng iba’t ibang pantulong sa ating gawaing pangangaral?
3 Itinulad ni Jesus ang “salita ng kaharian” sa mga binhi at ang puso ng tao sa lupa. (Mat. 13:18, 19) Kung paanong gumagamit ang isang hardinero ng iba’t ibang kagamitan, o pantulong, para mapalambot ang lupa at maihanda ito sa paghahasik ng binhi, gumagamit din ang bayan ni Jehova ng iba’t ibang pantulong para maihanda ang puso ng milyon-milyong tao sa pagtanggap ng mensahe ng Kaharian. Ang ilang pantulong ay nagamit sa loob ng ilang panahon. Ang iba naman, gaya ng mga aklat at magasin, ay kapaki-pakinabang pa rin hanggang ngayon. Di-tulad ng mga paraang tinalakay sa nakaraang kabanata, ang lahat ng pantulong na tatalakayin dito ay nakatulong sa mga mamamahayag ng Kaharian para makausap ang mga tao nang personal.—Gawa 5:42; 17:2, 3.
4, 5. Paano ginagamit noon ang mga rekording? Bakit hindi ito sapat?
4 Nakarekord na pahayag. Noong mga dekada ng 1930 at 1940, gumamit ang mga mamamahayag ng plaka ng nakarekord na mga pahayag sa Bibliya na isinasalang sa dala nilang ponograpo. Ang bawat rekording ay hindi lalampas nang limang minuto. Kung minsan, maiikli ang titulo ng mga rekording, gaya ng “Trinidad,” “Purgatoryo,” at “Kaharian.” Paano ginagamit ang mga rekording? Sinabi ni Brother Clayton Woodworth, Jr., na nabautismuhan sa Estados Unidos noong 1930: “May dala akong de-kuwerdas na ponograpo na ang kaha ay parang maliit na maleta . . . Itinatapat ko ang karayom sa tamang puwesto sa plaka para tumunog nang maayos ang rekording. Kapag nasa pinto na ako, bubuksan ko ang kaha, ihahanda ang ponograpo, at pipindutin ang doorbell. Kapag nagbukas ng pinto ang may-bahay, sasabihin ko, ‘May mahalaga akong mensahe na gusto kong marinig n’yo.’ ” Ano ang tugon ng mga tao? “Karaniwan na,” ang sabi ni Brother Woodworth, “maganda ang tugon ng mga tao. Minsan naman, pinagsasarhan ako ng pinto. May mga pagkakataon ding akala nila’y nagbebenta ako ng ponograpo.”
5 Noong 1940, mayroon nang nairekord na mahigit 90 pahayag at mahigit isang milyong kopya na ang nagawa. Sinabi ni John E. Barr, na payunir noon sa Britanya at nang maglaon ay naging miyembro ng Lupong Tagapamahala: “Noong 1936 hanggang 1945, ponograpo ang lagi kong kasama sa ministeryo. Ang totoo, parang hindi ko alam ang gagawin ko kapag wala ito. Talagang nakapagpapalakas-loob na marinig ang boses ni Brother Rutherford habang nasa pinto ako ng may-bahay; parang kasama ko siya. Pero siyempre, hindi pa rin sapat ang paggamit ng ponograpo para magturo sa ministeryo dahil hindi nito naaabot ang puso ng mga tao.”
6, 7. (a) Ano ang mga pakinabang at limitasyon ng testimony card? (b) Paano ‘inilalagay ni Jehova ang mga salita sa ating mga bibig’?
6 Testimony card. Pasimula 1933, pinasigla ang mga mamamahayag na gumamit ng testimony card sa bahay-bahay. Mga tatlong pulgada ang lapad nito at limang pulgada ang haba. Mayroon itong maikling mensahe mula sa Bibliya at deskripsiyon ng salig-Bibliyang literatura na puwedeng makuha ng may-bahay. Iaabot lang ng mamamahayag ang card sa may-bahay at ipababasa ito. “Gustong-gusto ko ang paggamit ng testimony card,” ang sabi ni Lilian Kammerud na naging misyonera sa Puerto Rico at Argentina. Bakit? “Marami kasi sa amin ang hindi kayang magbigay ng magandang presentasyon,” ang sabi niya. “Kaya nakatulong ito para masanay akong lumapit sa mga tao.”
7 Sinabi ni Brother David Reusch na nabautismuhan noong 1918, “Nakatulong ang testimony card sa mga kapatid dahil pakiramdam ng karamihan, hindi nila nasasabi ang dapat nilang sabihin.” Pero may limitasyon ang pantulong na ito. “Kung minsan,” ang sabi ni Brother Reusch, “akala ng mga tao ay hindi kami nakakapagsalita. Sa isang banda, totoo namang marami sa amin ang hindi marunong magsalita. Pero inihahanda kami ni Jehova sa paglapit sa mga tao bilang kaniyang mga ministro. Di-nagtagal, inilagay niya ang mga salita sa aming bibig nang turuan niya kaming gamitin ang Kasulatan sa ministeryo. Nagawa ito sa tulong ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo na nagsimula noong dekada ng 1940.”—Basahin ang Jeremias 1:6-9.
8. Paano mo hahayaang sanayin ka ni Kristo?
8 Aklat. Mula 1914, ang bayan ni Jehova ay nakagawa na ng mahigit 100 aklat tungkol sa iba’t ibang paksa sa Bibliya. Ang ilan sa mga ito ay dinisenyo para sanayin ang mga mamamahayag na maging epektibong ministro. Sinabi ng taga-Denmark na si Anna Larsen, mga 70 taon nang mamamahayag: “Tinulungan kami ni Jehova na maging mas epektibong mamamahayag sa tulong ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at ng mga pantulong na aklat. Naaalala ko pa ang una sa mga aklat na ito, ang Theocratic Aid to Kingdom Publishers na inilabas noong 1945. Sinundan ito ng “Equipped for Every Good Work” na inilathala noong 1946. Ngayon, mayroon tayong Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo na inilathala noong 2001.” Talagang malaki ang ginampanang papel ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at ng mga aklat na iyon habang pinapangyari ni Jehova na ‘maging lubusan tayong kuwalipikado upang maging mga ministro.’ (2 Cor. 3:5, 6) Nakaenrol ka na ba sa paaralang ito? Dinadala mo ba linggo-linggo sa pulong ang aklat na Paaralan Ukol sa Ministeryo para masubaybayan ang sinasabi ng tagapangasiwa ng paaralan? Kung oo, hinahayaan mong sanayin ka ni Kristo na maging mas mahusay na guro.—2 Cor. 9:6; 2 Tim. 2:15.
9, 10. Anong papel ang ginampanan ng mga aklat sa pagtatanim at pagdidilig ng mga binhi ng katotohanan?
9 Sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon, naglaan din si Jehova ng mga aklat na tutulong sa mga mamamahayag na ipaliwanag ang pangunahing mga turo ng Bibliya. Ang aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan ay talagang naging epektibo. Una itong inilathala noong 1968 at maganda agad ang naging resulta. “Ang daming umoorder ng aklat na Katotohanan,” ang sabi sa Nobyembre 1968 ng Kingdom Ministry, “kaya noong Setyembre, kinailangang mag-imprenta ang factory ng Samahan sa Brooklyn hanggang gabi.” Sinabi pa ng artikulo: “Noong Agosto, ang order para sa aklat na Katotohanan ay mas marami nang mahigit sa isa’t kalahating milyon kaysa sa suplay nito!” Noong 1982, mahigit 100 milyong kopya na ng aklat na ito ang nailathala sa 116 na wika. Sa loob ng 14 na taon, mula 1968 hanggang 1982, mahigit isang milyong mamamahayag ng Kaharian ang nadagdag sa tulong ng aklat na Katotohanan. b
10 Noong 2005, isa pang napakaepektibong pantulong sa pag-aaral ng Bibliya ang inilabas, ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Mga 200 milyong kopya na ang nailathala sa 256 na wika! Ang resulta? Sa loob lang ng pitong taon, mula 2005 hanggang 2012, mga 1.2 milyong indibiduwal ang naging mamamahayag ng mabuting balita. Nang panahon ding iyon, tumaas ang bilang ng mga nakikipag-aral ng Bibliya sa atin—mula mga 6 na milyon ay naging mahigit 8.7 milyon. Kitang-kita na pinagpapala ni Jehova ang ating pagsisikap na magtanim at magdilig ng mga binhi ng katotohanan tungkol sa Kaharian.—Basahin ang 1 Corinto 3:6, 7.
11, 12. Batay sa binanggit na mga teksto, para kanino dinisenyo ang ating mga magasin?
11 Magasin. Noong una, pangunahing inilalathala ang The Watch Tower para sa “munting kawan,” ang mga may “makalangit na pagtawag.” (Luc. 12:32; Heb. 3:1) Noong Oktubre 1, 1919, ang organisasyon ni Jehova ay naglabas ng isa pang magasin na dinisenyo naman para sa publiko. Ang magasing iyan ay nagustuhan ng mga Estudyante ng Bibliya at ng publiko, kaya sa loob ng maraming taon, mas malawak ang sirkulasyon nito kaysa sa The Watch Tower. Tinawag ito noong una na The Golden Age. Noong 1937, naging Consolation ang tawag dito. At noong 1946, nakilala ito bilang Awake!
12 Sa paglipas ng mga dekada, nagbago ang istilo at format ng Ang Bantayan at Gumising! Pero hindi nagbago ang layunin ng mga ito—ang ihayag ang Kaharian ng Diyos at tulungan ang mga tao na manampalataya sa Bibliya. Sa ngayon, ang Bantayan ay mayroon nang edisyon para sa pag-aaral at edisyong pampubliko. Ang edisyon para sa pag-aaral ay para sa “mga lingkod ng sambahayan”—ang “munting kawan” at “ibang mga tupa.” c (Mat. 24:45; Juan 10:16) Ang edisyong pampubliko ay para sa mga hindi pa nakaaalam ng katotohanan pero may paggalang sa Bibliya at sa Diyos. (Gawa 13:16) Ang Gumising! naman ay para sa mga kakaunti lang ang alam sa Bibliya at sa tunay na Diyos, si Jehova.—Gawa 17:22, 23.
13. Ano ang hinahangaan mo sa ating mga magasin? (Talakayin ang tsart na “ World Record Para sa mga Publikasyon.”)
13 Sa pagsisimula ng 2014, mahigit 44 na milyong Gumising! at mga 46 na milyong Ang Bantayan ang inilalathala buwan-buwan. Ang Gumising! ay isinasalin sa mga 100 wika, at ang Bantayan naman ay sa mahigit 200 wika. Ang mga magasing ito ang may pinakamalawak na sirkulasyon sa daigdig, at isinasalin din ang mga ito sa pinakamaraming wika! Pero hindi na natin dapat ikagulat ang mga tagumpay na iyan. Nilalaman ng mga magasing ito ang mensaheng sinabi ni Jesus na ipangangaral sa buong tinatahanang lupa.—Mat. 24:14.
14. Ano ang masigasig nating ginawa, at bakit?
14 Bibliya. Noong 1896, binago ni Brother Russell at ng kaniyang mga kasamahan ang pangalan ng korporasyong ginagamit nila sa paglalathala ng mga literatura para maisama ang salitang Bibliya; nakilala ito na Watch Tower Bible and Tract Society. Angkop ang pagbabagong iyan dahil Bibliya talaga ang pangunahing pantulong natin para ipalaganap ang mabuting balita tungkol sa Kaharian. (Luc. 24:27) Kaayon ng legal na pangalan ng korporasyon, ang mga lingkod ng Diyos ay naging masigasig sa pamamahagi ng Bibliya at pagpapasigla sa mga tao na basahin ito. Halimbawa, noong 1926, inimprenta sa sarili nating palimbagan ang The Emphatic Diaglott, isang salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ni Benjamin Wilson. Simula 1942, nag-imprenta tayo at namahagi ng mga 700,000 kopya ng kumpletong King James Version. Makalipas lang ang dalawang taon, sinimulan nating imprentahin ang American Standard Version, kung saan ginamit ang pangalan ni Jehova nang 6,823 beses. Noong 1950, nakapamahagi na tayo nang mahigit 250,000 kopya.
15, 16. (a) Ano ang pinahahalagahan mo sa Bagong Sanlibutang Salin? (Talakayin ang kahong “ Pinabibilis ang Pagsasalin ng Bibliya.”) (b) Paano mo hinahayaang abutin ni Jehova ang iyong puso?
15 Inilabas sa wikang Ingles ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan noong 1950 at ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa isang tomo noong 1961. Pinararangalan ng saling ito si Jehova dahil ibinalik nito ang kaniyang pangalan sa mga puwesto kung saan ito lumitaw sa orihinal na manuskritong Hebreo. Makikita rin ang pangalang Jehova sa Kristiyanong Griegong Kasulatan nang 237 beses. Para matiyak na ito ay tumpak at madaling maunawaan, ilang beses na nirebisa ang Ingles na Bagong Sanlibutang Salin; ang pinakahuli ay noong 2013. Nang taóng iyon, mahigit nang 201 milyong kopya ng Bagong Sanlibutang Salin, sa kabuuan o ilang bahagi nito, ang nailathala sa 121 wika.
16 Ano ang reaksiyon ng ilan nang mabasa nila sa kanilang sariling wika ang Bagong Sanlibutang Salin? Sinabi ng isang lalaking taga-Nepal: “Para sa marami, mahirap maintindihan ang lumang salin sa Nepalese dahil klasikal na wika ang ginamit. Pero ngayon, mas naiintindihan na namin ang Bibliya dahil ginamit dito ang wika namin sa pang-araw-araw na buhay.” Nang mabasa ng isang babae sa Central African Republic ang salin sa Sango, napaiyak siya at sinabi, “Ito ang wika na tumatagos sa puso ko.” Gaya niya, hinahayaan din nating abutin ni Jehova ang ating puso kapag binabasa natin ang kaniyang Salita araw-araw.—Awit 1:2; Mat. 22:36, 37.
Pahalagahan ang mga Pantulong at Pagsasanay
17. Paano mo maipakikita na pinahahalagahan mo ang mga pantulong at pagsasanay na tinatanggap mo, at ano ang magiging resulta?
17 Pinahahalagahan mo ba ang mga pantulong at pagsasanay na ibinibigay ng Hari nating si Jesu-Kristo? Naglalaan ka ba ng panahon para basahin ang literatura mula sa organisasyon ng Diyos, at ginagamit mo ba ito para tulungan ang iba? Kung oo, mauunawaan mo ang damdamin ni Sister Opal Betler, na nabautismuhan noong Oktubre 4, 1914. Sinabi niya: “Sa paglipas ng mga taon, gumamit kami ng asawa ko [si Edward] ng ponograpo at mga testimony card. Nangaral kami sa bahay-bahay gamit ang mga aklat, buklet, at magasin. Sumama kami sa mga kampanya at pagmamartsa, at namahagi kami ng mga tract. Nang maglaon, sinanay kaming magsagawa ng back-call [tinatawag ngayong pagdalaw-muli] sa mga interesado at magdaos ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Naging abala kami at masaya.” Nangako si Jesus na magiging abala ang kaniyang mga sakop sa paghahasik, paggapas, at pagsasaya nang magkakasama. Milyon-milyong tulad ni Opal ang sasang-ayon na natutupad ang pangakong iyan.—Basahin ang Juan 4:35, 36.
18. Ano ang pribilehiyo natin?
18 Baka sa tingin ng maraming hindi pa lingkod ng Hari, ang bayan ng Diyos ay “walang pinag-aralan at pangkaraniwan.” (Gawa 4:13) Pero isip-isipin ito: Pinangyari ng Hari na ang kaniyang pangkaraniwang mga lingkod ay maging higante sa larangan ng paglalathala, na gumagawa ng ilan sa mga publikasyong may pinakamalawak na sirkulasyon sa daigdig at isinasalin sa pinakamaraming wika. Higit pa riyan, sinanay at pinasigla niya tayong gamitin ang mga pantulong na ito para palaganapin ang mabuting balita sa mga tao ng lahat ng bansa. Talagang isang pribilehiyo na makipagtulungan kay Kristo sa pagtatanim ng mga binhi ng katotohanan at pag-aani ng mga alagad!
a Sa loob lang ng nakalipas na dekada, nakagawa ang bayan ni Jehova ng mahigit 20 bilyong salig-Bibliyang publikasyon. At ang ating website, ang jw.org, ay available na sa mahigit 2.7 bilyong tao na gumagamit ng Internet sa buong daigdig.
b Ang ilan pang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na ginamit ng mga mamamahayag sa pagtuturo ng katotohanan sa Bibliya ay ang The Harp of God (1921), “Hayaang ang Diyos ang Maging Tapat” (1958), Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa (1983), at Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan (1995).
c Tingnan ang Hulyo 15, 2013, ng Ang Bantayan, pahina 23, parapo 13, na tumatalakay sa paglilinaw kung sino ang bumubuo sa “mga lingkod ng sambahayan.”