ARALIN 1
Inaanyayahan Ka ng Diyos na Maging Kaibigan Niya
Nais ng Diyos na ikaw ay maging kaibigan niya. Naisip mo na ba na ikaw ay maaaring maging kaibigan ng pinakadakilang Persona sa sansinukob? Si Abraham, na nabuhay ng matagal nang panahon, ay tinawag na kaibigan ng Diyos. (Santiago 2:23) Ang iba pa na binabanggit sa Bibliya ay nagtamasa rin ng pakikipagkaibigan sa Diyos at lubos na pinagpala. Sa ngayon, ang mga tao mula sa lahat ng panig ng lupa ay naging mga kaibigan ng Diyos. Ikaw man ay maaaring maging kaibigan ng Diyos.
Ang pagiging kaibigan ng Diyos ay mas mabuti kaysa sa pagiging kaibigan ng sinumang tao. Hindi kailanman binibigo ng Diyos ang kaniyang tapat na mga kaibigan. (Awit 18:25) Ang pagiging kaibigan ng Diyos ay mas mabuti kaysa pagkakaroon ng mga kayamanan. Kapag namatay ang isang taong mayaman, ang kaniyang salapi ay napapasakamay ng iba. Subalit, yaong mga nagtatamasa ng pakikipagkaibigan sa Diyos ay may kayamanang hindi makukuha ninuman.—Mateo 6:19.
Maaaring sikapin ng ilang tao na pigilan kang matuto hinggil sa Diyos. Maaaring gawin ito maging ng ilan sa iyong mga kaibigan at kapamilya. (Mateo 10:36, 37) Kapag pinagtatawanan ka o pinagbabantaan ka ng iba, tanungin ang iyong sarili, ‘Sino ang nais kong paluguran—ang mga tao o ang Diyos?’ Isipin ito: Kung may magsabi sa iyo na huwag ka nang kumain, susundin mo ba siya? Tunay na hindi! Kailangan mo ang pagkain upang mabuhay. Subalit magagawa ng Diyos na ikaw ay mabuhay magpakailanman! Kaya huwag pahintulutan kailanman ang sinuman na pahintuin ka sa pag-alam kung paano ka magiging kaibigan ng Diyos.—Juan 17:3.