Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALIN 4

Kung Paano Mo Matututuhan ang Tungkol sa Diyos

Kung Paano Mo Matututuhan ang Tungkol sa Diyos

Matututuhan mo ang tungkol kay Jehova sa pagbabasa ng Bibliya. Noong unang panahon, pinili ng Diyos ang ilang mga tao upang isulat ang kaniyang kaisipan. Ang mga sulat na iyon ay tinatawag na Bibliya. Sa ngayon, tayo ay natututo tungkol sa Diyos sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya. Dahil sa ang Bibliya ay naglalaman ng salita, o mensahe, ni Jehova, ito’y tinatawag ding Salita ng Diyos. Tayo’y makapaniniwala sa sinasabi ng Bibliya sapagkat si Jehova ay hindi kailanman nagsisinungaling. “Imposibleng magsinungaling ang Diyos.” (Hebreo 6:18) Ang Salita ng Diyos ay naglalaman ng katotohanan.​—Juan 17:17.

Ang Bibliya ay isa sa pinakamahalagang kaloob ng Diyos sa atin. Ito’y gaya ng isang liham ng isang maibiging ama sa kaniyang mga anak. Sinasabi nito sa atin ang hinggil sa pangako ng Diyos na babaguhin ang lupa tungo sa isang kamangha-manghang tirahang-dako​—isang paraiso. Sinasabi nito sa atin kung ano ang kaniyang ginawa noong una, kung ano ang kaniyang ginagawa ngayon, at kung ano ang kaniyang gagawin sa hinaharap para sa kaniyang tapat na mga anak. Ito’y tumutulong din sa atin upang malutas ang ating mga suliranin at makasumpong ng kaligayahan.​—2 Timoteo 3:​16, 17.

Ang mga Saksi ni Jehova ay mga kaibigan ng Diyos; tutulungan ka nila na maunawaan ang itinuturo ng Bibliya. Sabihin lamang sa kanila na gusto mong mag-aral ng Bibliya. Sila’y hindi sumisingil ng salapi para rito. (Mateo 10:8) Karagdagan pa, maaari kang dumalo sa Kristiyanong mga pagpupulong. Ang mga ito ay idinaraos sa mga dako ng pagsamba na tinatawag na mga Kingdom Hall. Kung ikaw ay dadalo sa Kristiyanong mga pagpupulong, mabilis na susulong ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos.

Maaari kang matuto tungkol sa Diyos sa mga bagay na kaniyang ginawa. Halimbawa, ang Bibliya ay nagsasabi: “Nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.” (Genesis 1:1) Nang lalangin ni Jehova “ang langit,” ginawa niya ang araw. Ngayon ano ang sinasabi nito sa atin tungkol sa Diyos? Sinasabi nito sa atin na si Jehova ay nagtataglay ng dakilang kapangyarihan. Siya lamang ang makagagawa ng isang bagay na kasinlakas ng araw. Ito’y nagsasabi rin sa atin na si Jehova ay matalino, yamang kailangan ang karunungan upang makagawa ng araw, na nagbibigay ng init at liwanag at patuloy na nagniningas.

Ang paglalang ni Jehova ay nagpapakita na tayo’y iniibig niya. Isipin ang tungkol sa lahat ng iba’t ibang uri ng prutas na nasa lupa. Maaaring maglaan si Jehova ng iisa lamang uri ng prutas para sa atin​—o wala ni isa man. Sa halip, si Jehova ay nagbigay sa atin ng maraming uri ng prutas na may sari-saring hugis, laki, kulay, at lasa. Ito’y nagpapakita na si Jehova ay isang Diyos na hindi lamang maibigin kundi lubhang mapagbigay at maalalahanin at mabait din naman.​—Awit 104:24.