Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALIN 6

Ang Paraiso ay Malapit Na!

Ang Paraiso ay Malapit Na!

Ang masasamang bagay na nagaganap ngayon sa lupa ay nagpapakita na ang Paraiso ay malapit na. Ang Bibliya ay nagsabi na makikita natin ang kahila-hilakbot na mga panahon kapag malapit nang sumapit ang Paraiso. Tayo’y nabubuhay na ngayon sa gayong mga panahon! Narito ang ilang mga bagay na sinabi ng Bibliya na magaganap:

Malalaking digmaan. “Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian.” (Mateo 24:7) Ang hulang ito ay nagkatotoo. Mula noong taóng 1914, nagkaroon na ng dalawang digmaang pandaigdig at maraming mas maliliit na digmaan. Milyun-milyong tao ang namatay sa mga ito.

Malaganap na sakit. Magkakaroon “sa iba’t ibang dako [ng] mga salot.” (Lucas 21:11) Nagkatotoo ba ito? Oo. Ang kanser, sakit sa puso, tuberkulosis, malarya, AIDS, at iba pang sakit ay pumatay ng milyun-milyong tao.

Kakapusan sa pagkain. Sa buong lupa ay may mga taong walang sapat na pagkain. Milyun-milyong tao ang namamatay sa gutom taun-taon. Ito’y isa pang tanda na ang Paraiso ay malapit nang dumating. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Magkakaroon ng mga kakapusan sa pagkain.”​—Marcos 13:8.

Mga lindol. “Magkakaroon ng . . . mga lindol sa iba’t ibang dako.” (Mateo 24:7) Ito’y nagkatotoo rin sa ating panahon. Mahigit sa isang milyong tao ang namatay sa mga lindol mula noong 1914.

Mga taong balakyot. Ang mga tao ay magiging “mga maibigin sa salapi” at “maibigin sa kanilang sarili.” Sila’y magiging “maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.” Ang mga anak ay magiging “masuwayin sa mga magulang.” (2 Timoteo 3:​1-5) Hindi ba kayo sang-ayon na maraming tao ang kagaya nito sa ngayon? Sila’y walang galang sa Diyos, at nililigalig nila ang mga nagsisikap na matuto tungkol sa Diyos.

Krimen. Magkakaroon din ng “paglago ng katampalasanan.” (Mateo 24:12) Malamang na kayo’y sasang-ayon na ang krimen ay mas malubha kaysa noong nakaraang mga taon. Ang mga tao saanman ay nanganganib na manakawan, madaya, o mapinsala.

Ang lahat ng mga bagay na ito ay nagpapakita na ang Kaharian ng Diyos ay malapit na. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Kapag nakita ninyong nagaganap ang mga bagay na ito, alamin ninyo na ang kaharian ng Diyos ay malapit na.” (Lucas 21:31) Ano ang Kaharian ng Diyos? Ito ang makalangit na pamahalaan ng Diyos na siyang magdadala ng Paraiso sa lupang ito. Ang Kaharian ng Diyos ang hahalili sa mga pamahalaan ng tao.​—Daniel 2:44.