ARALIN 9
Sino ang mga Kaibigan ng Diyos?
Si Jesu-Kristo ay Anak ni Jehova at siya ang kaniyang pinakamatalik at pinakamamahal na kaibigan. Bago siya nabuhay bilang isang tao sa lupa, si Jesus ay nabuhay na sa langit bilang isang makapangyarihang espiritung nilalang. (Juan 17:5) Pagkatapos ay naparito siya sa lupa upang magturo sa mga tao ng katotohanan tungkol sa Diyos. (Juan 18:37) Ibinigay rin niya ang kaniyang buhay-tao upang iligtas ang mga taong masunurin mula sa kasalanan at kamatayan. (Roma 6:23) Si Jesus ngayon ang Hari ng Kaharian ng Diyos, isang makalangit na pamahalaan na magdadala ng Paraiso sa lupang ito.—Apocalipsis 19:16.
Ang mga anghel ay mga kaibigan din ng Diyos. Ang mga anghel ay hindi nagsimulang mabuhay bilang mga tao sa lupa. Sila’y nilalang sa langit bago pa gawin ng Diyos ang lupa. (Job 38:4-7) Milyun-milyon ang mga anghel. (Daniel 7:10) Nais ng makalangit na mga kaibigang ito ng Diyos na matutuhan ng mga tao ang katotohanan tungkol kay Jehova.—Apocalipsis 14:6, 7.
Ang Diyos ay may mga kaibigan din sa lupa; tinatawag niya sila na kaniyang mga saksi. Ang isang saksi sa hukuman ay nagsasabi kung ano ang kaniyang nalalaman tungkol sa isang tao o sa isang bagay. Ang mga Saksi ni Jehova ay nagsasabi sa iba kung ano ang kanilang nalalaman tungkol kay Jehova at sa kaniyang layunin. (Isaias 43:10) Kagaya ng mga anghel, nais ng mga Saksi na tulungan kang matuto ng katotohanan tungkol kay Jehova. Nais nilang ikaw ay maging kaibigan din ng Diyos.