Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALIN 20

Paano Nangangasiwa ang Lupong Tagapamahala Ngayon?

Paano Nangangasiwa ang Lupong Tagapamahala Ngayon?

Lupong tagapamahala noong unang siglo

Pagbasa sa liham ng lupong tagapamahala

Noong unang siglo, isang maliit na grupo, “mga apostol at matatandang lalaki” sa Jerusalem, ang naglingkod bilang lupong tagapamahala para gumawa ng mahahalagang pasiya para sa buong kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano. (Gawa 15:2) Nagkakaisa sila sa pagpapasiya dahil isinasaalang-alang nila ang Kasulatan at nagpapaakay sila sa espiritu ng Diyos. (Gawa 15:25) Ganiyan din sa ngayon.

Ginagamit ito ng Diyos para gawin ang kalooban niya. Ang mga pinahirang kapatid na lalaki na bumubuo sa Lupong Tagapamahala ay may matinding pagpapahalaga sa Salita ng Diyos at maraming karanasan sa organisasyonal at espirituwal na mga bagay. Bawat linggo, nagpupulong sila para pag-usapan ang pangangailangan ng mga kapatid nila sa buong daigdig. Gaya noong unang siglo, nagpapadala sila ng mga tagubiling batay sa Bibliya, sa pamamagitan ng mga liham o mga naglalakbay na tagapangasiwa at iba pa. Sa tulong nito, nagkakaisa ang mga lingkod ng Diyos sa pag-iisip at pagkilos. (Gawa 16:4, 5) Pinangungunahan ng Lupong Tagapamahala ang paghahanda ng espirituwal na pagkain, pinasisigla ang lahat na maging masigasig sa pangangaral, at pinangangasiwaan ang paghirang ng mga kapatid na lalaking mangunguna.

Sumusunod ito sa patnubay ng espiritu ng Diyos. Ang Lupong Tagapamahala ay umaasa sa Kataas-taasan ng Uniberso, si Jehova, at sa Ulo ng kongregasyon, si Jesus. (1 Corinto 11:3; Efeso 5:23) Hindi itinuturing ng mga miyembro nito na sila ang mga lider ng bayan ng Diyos. Gaya rin ng lahat ng iba pang pinahirang Kristiyano, sila ay “patuloy na sumusunod sa Kordero [kay Jesus] saanman siya pumunta.” (Apocalipsis 14:4) Pinahahalagahan ng Lupong Tagapamahala kapag ipinapanalangin namin sila.

  • Sino ang bumubuo sa lupong tagapamahala noong unang siglo?

  • Paano humihingi ng patnubay sa Diyos ang Lupong Tagapamahala sa ngayon?