“Hindi Totoo Iyan!”
ISANG lalaking taga-New York (E.U.A.) ang nagkukuwento: “Ang aking anak na lalaking si Jonathan ay dumalaw sa mga kaibigan na mga ilang milya ang layo. Ang aking asawa, si Valentina, ay ayaw pumayag na pumunta siya roon. Siya’y palaging ninenerbiyos dahil sa trapik. Subalit gustung-gusto ni Jonathan ang elektroniks, at ang kaniyang mga kaibigan ay may talyer na doo’y maaari siyang makagawa ng aktuwal na pagsasanay. Ako’y nasa bahay sa kanluran ng Manhattan, New York. Wala ang aking asawa at dinadalaw ang kaniyang pamilya sa Puerto Rico. ‘Darating na si Jonathan,’ naisip ko. Pagkatapos ay may tumimbre sa pinto. ‘Tiyak na siya na iyan.’ Hindi pala. Iyon ay ang pulis at mga paramediko. ‘Kilala po ba ninyo ang lisensiyang ito sa pagmamaneho?’ tanong ng opisyal ng pulisya. ‘Oo, sa anak ko ‘yan, kay Jonathan.’ ‘May masama kaming balita sa inyo. Nagkaroon ng aksidente, at . . . ang inyong anak, . . . ang inyong anak ay patay na.’ Ang aking unang nadama ay, ‘Hindi totoo iyan!’ Ang nakapanghihilakbot na pangyayaring iyan ang sumugat sa aming puso na hanggang ngayo’y masakit pa rin, kahit lumipas na ang mga taon.”
Isang ama sa Barcelona (Espanya) ay sumulat: “Noong mga taon ng 1960 sa Espanya, masaya ang aming pamilya. Naroroon si María, ang aking asawa, at ang aming tatlong anak, sina David, Paquito, at Isabel, may edad na 13, 11, at 9 ayon sa pagkakasunud-sunod.
“Isang araw noong Marso 1963, umuwi si Paquito mula sa paaralan na idinaraing ang napakatinding sakit ng ulo. Naging palaisipan sa amin kung ano kaya ang dahilan—ngunit saglit lamang. Pagkaraan ng tatlong oras siya’y binawian ng buhay. Cerebral hemorrhage ang biglang tumapos sa kaniyang buhay.
“Nangyari ang pagkamatay na iyon ni Paquito 30 taon na ang nakalilipas. Gayunman, ang matinding hapdi ng pagkaulilang iyon ay nananatili pa rin hanggang sa ngayon. Hindi maiiwasan na madama ng mga magulang na nawalan ng anak na sila’y kulang na sa kanilang ganang sarili—gaano mang katagal na panahon ang lumipas o gaano mang karami pa ang naging anak nila.”
Ang dalawang pangyayaring ito, kung saan ang mga magulang ay nawalan ng mga anak, ay naglalarawan kung gaano kalalim at katagal ang nagiging sugat kapag namatayan ng isang anak. Gayon katotoo ang sinabi ng isang doktor na sumulat: “Ang pagkamatay ng isang bata ay karaniwan nang mas kalunus-lunos at mas masakit kaysa kamatayan ng mas matanda sapagkat ang bata ang pinakahuli sa pamilya na inaasahang mamamatay. . . . Ang pagkamatay ng sinumang anak ay nangangahulugan ng pagkawala ng mga pangarap sa kinabukasan, mga pagkakaugnayan [anak, manugang, apo], mga karanasan . . . na hindi pa natatamasa.” At ang pagkadamang ito ng matinding kawalan ay maaari ring ikapit sa sinumang babae na nawalan ng sanggol dahil sa pagkalaglag.
Isang nangungulilang asawang babae ang nagpapaliwanag: “Ang aking asawa, si Russell, ay naglingkod bilang katulong sa paggagamot sa lugar ng digmaan sa Pasipiko noong Digmaang Pandaigdig II. Nasaksihan niya at naligtasan ang ilang nakapanghihilakbot na mga digmaan. Nagbalik siya sa Estados Unidos at sa isang mas tahimik na buhay. Pagkaraan ay naglingkod siya bilang isang ministro ng Salita ng Diyos. Nang lampas na siya ng 60 nagsimula siyang makadama ng mga sintoma ng sakit sa puso. Sinikap niyang maging aktibo sa kaniyang buhay. Nang, isang araw noong Hulyo 1988, inatake siya sa puso at namatay. Ang kaniyang pagkawala ay nakapanlulumo. Ni hindi man lamang ako nakapagpaalam. Hindi lamang siya asawa para sa akin. Siya ang aking pinakamatalik na kaibigan. Nagsama kami sa loob ng 40 taon. Ngayon sa wari ko’y dapat kong harapin ang isang di-pangkaraniwang pangungulila.”
Ang mga ito’y ilan lamang sa libu-libong trahedya na matinding dinaranas ng mga pamilya sa buong daigdig araw-araw. Gaya ng sasabihin sa iyo ng karamihan ng mga taong nagdadalamhati, kapag namatayan ka ng anak, asawa, magulang, kaibigan, tunay na iyon na nga “ang huling kaaway” ayon sa tawag ng Kristiyanong manunulat na si Pablo. Karaniwan nang ang unang natural na madarama hinggil sa nakasisindak na balita ay ang bagay na di ito matanggap, “Hindi totoo iyan! Hindi ako naniniwala.” Iba pang damdamin ang madalas na kasunod, gaya ng ating makikita.—1 Corinto 15:25, 26.
Gayunman, bago natin isaalang-alang ang pagkadama ng pangungulila, sagutin muna natin ang ilang mahahalagang tanong. Ang kamatayan ba’y nangangahulugan ng katapusan ng taong iyon? May pag-asa bang makita muli ang mga mahal natin sa buhay?
May Isang Tunay na Pag-asa
Ang manunulat ng Bibliyang si Pablo ay nag-aalok ng pag-asa upang makaligtas sa “huling kaaway,” ang kamatayan. Isinulat niya: “Ang kamatayan ay dadalhin sa wala.” “Ang huling kaaway na papawiin ay kamatayan.” (1 Corinto 15:26, The New English Bible) Bakit tiyak na tiyak ito ni Pablo? Sapagkat siya’y naturuan ng isa na ibinangon mula sa mga patay, si Jesu-Kristo. (Gawa 9:3-19) Iyan din ang dahilan kung bakit naisulat ni Pablo: “Sapagkat yamang ang kamatayan ay sa pamamagitan ng isang tao [si Adan], ang pagkabuhay-muli ng mga patay ay sa pamamagitan din ng isang tao [si Jesu-Kristo]. Sapagkat kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin kay Kristo ang lahat ay bubuhayin.”—1 Corinto 15:21, 22.
Nabagbag ang puso ni Jesus nang matanaw niya ang isang babaing balo sa Nain at makita ang kaniyang namatay na anak. Sinasabi sa atin ng ulat ng Bibliya: “Habang papalapit [si Jesus] sa pintuang-daan ng lunsod [Nain], aba, narito! may isang taong patay na inilalabas, ang bugtong na anak na lalaki ng kaniyang ina. Bukod sa rito, siya ay isang babaing balo. Isang malaking pulutong mula sa lunsod ang kasama rin niya. At nang makita siya ng Panginoon, ay naantig siya sa pagkahabag sa kaniya, at sinabi niya sa kaniya: ‘Tigilan mo na ang pagtangis.’ Sa gayon ay lumapit siya at hinipo ang langkayan, at ang mga tagapagdala ay huminto, at sinabi niya: ‘Binata, sinasabi ko sa iyo, Lucas 7:12-16.
Bumangon ka!’ At ang taong patay ay umupo at nagpasimulang magsalita, at ibinigay niya siya sa kaniyang ina. Ngayon ang takot ay nanaig sa kanilang lahat, at pinasimulan nilang luwalhatiin ang Diyos, na sinasabi: ‘Isang dakilang propeta ang ibinangon sa gitna natin,’ at, ‘Ibinaling ng Diyos ang kaniyang pansin sa kaniyang bayan.’” Pansinin kung papaano naawa si Jesus, kung kaya binuhay niyang muli ang anak ng babaing balo! Gunigunihin ang ipinahihiwatig nito para sa hinaharap!—Doon, sa harap ng mga saksi, nagsagawa si Jesus ng di-malilimot na pagbuhay-muli. Iyon ay patunay ng pagkabuhay-muli na malaon na niyang inihula bago pa ang pangyayaring ito, ang pagsasauli ng buhay sa lupa sa ilalim ng “isang bagong langit.” Sa pagkakataong iyon ay sinabi ni Jesus: “Huwag kayong mamangha rito, sapagkat ang oras ay dumarating na ang lahat niyaong nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at lalabas.”—Apocalipsis 21:1, 3, 4; Juan 5:28, 29; 2 Pedro 3:13.
Kasali sa iba pang saksi sa isang pagbuhay-muli ay si Pedro, kasama ang iba pa sa 12 na sumama kay Jesus sa kaniyang mga paglalakbay. Narinig nila mismo ang binuhay-muling si Jesus na nagsalita sa Dagat ng Galilea. Ang ulat ay nagsasabi sa atin: “Sinabi ni Jesus sa kanila: ‘Halikayo, mag-agahan kayo.’ Walang isa man sa mga alagad ang nagkalakas ng loob na magtanong sa kaniya: ‘Sino ka?’ sapagkat alam nila na iyon ang Panginoon. Lumapit si Jesus at kinuha ang tinapay at ibinigay ito sa kanila, at gayundin ang isda. Ito na ngayon ang ikatlong pagkakataon na si Jesus ay nagpakita sa mga alagad pagkatapos na ibangon siya mula sa mga patay.”—Juan 21:12-14.
Kung gayon, makasusulat si Pedro taglay ang ganap na pananalig: “Pagpalain ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, sapagkat alinsunod sa kaniyang dakilang awa ay nagbigay siya sa atin ng isang bagong pagsilang tungo sa isang buháy na pag-asa sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo mula sa mga patay.”—1 Pedro 1:3.
Nagpahayag si apostol Pablo ng kaniyang tiyak na pag-asa nang sabihin niya: “Naniniwala ako sa lahat ng mga bagay na inilagay sa Batas at nasusulat sa mga Propeta; at may pag-asa ako sa Diyos, na siyang pag-asa na iniingatan din ng mga taong ito mismo, na magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.”—Gawa 24:14, 15.
Milyun-milyon kung gayon ang magkakaroon ng matibay na pag-asa na makitang muli sa lupa ang kanilang mga minamahal na buháy ngunit nasa ilalim ng totoong naiibang kalagayan. Ano nga kaya ang mga kalagayang iyon? Ang iba pang mga detalye ng salig-sa-Bibliyang pag-asa para sa ating yumaong mga minamahal ay tatalakayin sa huling bahagi ng brosyur na ito, na pinamagatang “Isang Tiyak na Pag-asa Para sa mga Patay.”
Ngunit una muna ay isaalang-alang natin ang mga tanong na maaaring nasa isip mo kung ipinagdadalamhati mo ang pagkamatay ng isang minamahal: Normal bang magdalamhati nang ganito? Papaano ko mapagtitiisan ang aking pagdadalamhati? Ano ang magagawa ng iba upang matulungan akong makayanan ito? Papaano ko matutulungan ang iba na nagdadalamhati? At higit sa lahat, Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa isang tiyak na pag-asa para sa mga patay? Makikita ko pa kayang muli ang aking mga mahal sa buhay? At saan?