Isang Tiyak na Pag-asa Para sa mga Patay
Isang 25-taóng-gulang na babae ang sumulat: “Noong 1981 ang aking ina-inahan ay namatay dahil sa kanser. Ang kaniyang pagkamatay ay napakahirap para sa akin at sa aking kinakapatid na lalaki. Ako’y 17, at ang aking kapatid ay 11. Hinahanap-hanap ko siya nang gayon na lamang. Dahil sa itinuro sa aking nasa langit siya, aba, gusto ko na ring magpakamatay para makasama ko siya. Siya ang aking pinakamatalik na kaibigan.”
Waring di-makatuwiran na magkaroon ng kapangyarihan ang kamatayan upang kunin ang iyong minamahal. At kapag iyon ay nangyari, ang alaala na hindi mo na kailanman makakausap, makakatawanan, o mayayakap ang iyong minamahal ay siyang pinakamahirap na batahin. Ang kirot na iyan ay hindi totoong napawi sa pagsasabi sa iyo na ang iyong minamahal ay nasa langit.
Gayunman, ang Bibliya ay may inilalaang naiibang pag-asa. Gaya ng atin nang nalaman, ang Kasulatan ay nagpapakitang posible na makasamang muli ang iyong minamahal sa malapit na hinaharap, hindi sa isang walang-nakaaalam na langit kundi dito mismo sa lupa sa ilalim ng mapayapa, matuwid na mga kalagayan. At sa panahong iyan ang mga tao’y magtatamasa ng sakdal na kalusugan, at hindi na sila kailangang mamatay na muli kailanman. ‘Pero mahirap yatang paniwalaan iyan!’ baka sabihin ng iba.
Ano ang kailangan upang mapaniwala kang ito’y isang tiyak na pag-asa? Upang maniwala sa isang pangako, dapat mong tiyakin na ang nangako ay kapuwa nagnanais at may kakayahang tuparin iyon. Sino, kung gayon, ang nangangakong mabubuhay-muli ang mga patay?
Noong tagsibol ng 31 C.E., tuwirang nangako si Jesu-Kristo: “Kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at binubuhay sila, gayundin na binubuhay ng Anak yaong mga ibig niya. Huwag kayong mamangha rito, sapagkat ang oras ay dumarating na ang lahat niyaong nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig [ni Jesus] at lalabas.” (Juan 5:21, 28, 29) Oo, nangako si Jesu-Kristo na milyun-milyong patay ngayon ang mabubuhay-muli sa lupang ito at may pag-asang manatili roon magpakailanman sa ilalim ng mapayapa, malaparaisong kalagayan. (Lucas 23:43; Juan 3:16; 17:3; ihambing ang Awit 37:29 at Mateo 5:5.) Yamang si Jesus ang nangako, maaasahang kapani-paniwala na nanaisin niyang tuparin iyon. Ngunit kaya ba niyang gawin iyon?
Wala pang dalawang taon mula nang ipangako iyon, ipinakita ni Jesus sa isang makapangyarihang paraan na kapuwa nais niya at kaya niyang gawin ang“Lazaro, Lumabas Ka!”
Iyon ay isang makabagbag-damdaming tanawin. Malala na ang sakit ni Lazaro. Ang kaniyang dalawang kapatid na babae, sina Maria at Marta, ay nagpasabi kay Jesus, na nasa kabilang ibayo ng Ilog Jordan: “Panginoon, tingnan mo! ang isa na minamahal mo ay may-sakit.” (Juan 11:3) Alam nilang mahal ni Jesus si Lazaro. Hindi kaya nanaisin ni Jesus na makita ang kaniyang may-sakit na kaibigan? Nakapagtataka, sa halip na pumunta agad sa Betania, si Jesus ay nanatili pa rin sa kaniyang kinaroroonan nang sumunod na dalawang araw.—Juan 11:5, 6.
Namatay si Lazaro pagkaraang ibalita ang tungkol sa kaniyang pagkakasakit. Alam ni Jesus kung kailan namatay si Lazaro, at may binabalak siya tungkol doon. Nang sa wakas ay dumating si Jesus sa Betania, ang kaniyang mahal na kaibigan ay apat na araw nang patay. (Juan 11:17, 39) Mabubuhay pa kaya ni Jesus ang isa na gayong katagal nang patay?
Nang mabalitaang darating si Jesus, si Marta, isang babaing maliksi, ay patakbong sumalubong sa kaniya. (Ihambing ang Lucas 10:38-42.) Palibhasa’y nabagbag sa kaniyang pagkalumbay, tiniyak sa kaniya ni Jesus: “Ang iyong kapatid ay babangon.” Nang ipahiwatig niya ang kaniyang pananampalataya sa isang pagkabuhay na muli sa hinaharap pa, maliwanag na sinabi ni Jesus sa kaniya: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay. Siya na nagsasagawa ng pananampalataya sa akin, kahit na siya ay mamatay, siya ay mabubuhay.”—Juan 11:20-25.
Nang nasa libingan na, iniutos ni Jesus na alisin ang batong tumatakip sa pasukan. Pagkatapos, pagkaraang manalangin nang malakas, iniutos niya: “Lazaro, lumabas ka!”—Juan 11:38-43.
Lahat ng mga mata ay nakatitig sa libingan. Walang anu-ano, mula sa kadiliman, lumitaw ang isang kaanyuan. Juan 11:44.
Nababalutan ang kaniyang mga paa at kamay, at ang kaniyang mukha ay may balot na tela. “Kalagan ninyo siya at hayaan siyang makalaya,” ang utos ni Jesus. Ang pinakahuling kinalag na benda ay nalaglag sa lupa. Oo, si Lazaro nga, ang lalaking apat na araw nang patay!—Talaga Bang Nangyari Iyon?
Ang ulat ng pagkabuhay na muli ni Lazaro ay inilahad sa Ebanghelyo ni Juan bilang isang makasaysayang pangyayari. Ang mga detalye ay napakalinaw upang ito’y maging isa lamang talinghaga. Ang pag-aalinlangan sa pagiging makasaysayan nito ay nangangahulugan ng pag-aalinlangan sa lahat ng himala sa Bibliya, kasali na ang mismong pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo. At ang pagtanggi sa pagkabuhay-muli ni Jesus ay nangangahulugan ng pagtanggi sa Kristiyanong pananampalataya sa kabuuan.—1 Corinto 15:13-15.
Ang totoo, kapag tinanggap mong umiiral ang Diyos, wala kang magiging suliranin sa paniniwala sa pagkabuhay-muli. Upang ilarawan: Maaaring i-videotape ng isang tao ang kaniyang huling habilin, at pagkamatay niya, makikita at maririnig siya ng kaniyang mga kamag-anak at kaibigan, sa totoo, habang ipinaliliwanag niya kung ano ang gagawin sa kaniyang ari-arian. Noong nakalipas na isandaang taon, ang gayong bagay ay imposible. At sa ilang tao sa ngayon na nakatira sa mga liblib na dako ng daigdig, ang teknolohiya ng video recording ay hindi abot ng kanilang isip anupat ito’y waring kahima-himala. Kung ang makasiyentipikong mga tuntunin na itinatag ng Maylikha ay nagagamit ng mga tao upang makabuo ng gayong nakikita at naririnig na panoorin, hindi kaya makagagawa nang higit pa roon ang Maylikha? Kung gayon, hindi kaya makatuwiran na ang Isa na lumikha ng buhay ay makalilikhang-muli niyaon?
Ang himala ng pagbabalik ng buhay ni Lazaro ay nakapagpapatibay ng pananampalataya kay Jesus at sa pagkabuhay-muli. (Juan 11:41, 42; 12:9-11, 17-19) Sa isang makabagbag-pusong paraan, isinisiwalat din nito ang pagnanais at hangarin ni Jehova at ng kaniyang Anak na isagawa ang pagkabuhay-muli.
‘Magtataglay ang Diyos ng Mithiin’
Ang pagtugon ni Jesus sa pagkamatay ni Lazaro ay nagsisiwalat ng isang mapagmahal na damdamin ng Anak ng Diyos. Ang kaniyang labis na pagdaramdam sa pagkakataong ito ay maliwanag na nagpapahiwatig ng kaniyang matinding hangaring buhaying-muli ang mga patay. Mababasa natin: “Si Maria, nang siya ay dumating sa kinaroroonan ni Jesus at makita siya, ay sumubsob sa paanan niya, na sinasabi sa kaniya: ‘Panginoon, kung narito ka, ang aking kapatid ay hindi sana namatay.’ Sa gayon, si Jesus, nang kaniyang makita siya na tumatangis at ang mga Judio na sumama sa kaniya na tumatangis, ay dumaing sa espiritu at nabagabag; at sinabi niya: ‘Saan ninyo siya inilagay?’ Sinabi nila sa kaniya: ‘Panginoon, halika at tingnan mo.’ Si Jesus ay lumuha. Sa gayon ang mga Judio ay nagpasimulang magsabi: ‘Tingnan ninyo, kung anong pagmamahal mayroon siya para sa kaniya!’”—Juan 11:32-36.
Ang buong-pusong pagkahabag ni Jesus ay ipinahihiwatig rito sa pamamagitan ng tatlong salita: “dumaing,” “nabagabag,” at “lumuha.” Ang mga salita sa orihinal na wikang ginamit sa pag-uulat ng makabagbag-damdaming tanawing ito ay nagpapahiwatig na lubhang naapektuhan ang damdamin ni Jesus sa kamatayan ng kaniyang mahal na kaibigang si Lazaro at ang Kaniyang mga mata’y napunô ng luha sa pagkakitang tumatangis ang kapatid na babae ni Lazaro. *
Ang totoong kapansin-pansin ay na si Jesus ay dati nang bumuhay ng iba pang dalawa. At lubusan niyang Juan 11:11, 23, 25) Gayunman, siya’y “lumuha.” Ang pagbuhay-muli sa mga tao, kung gayon, ay hindi lamang isang gawain para kay Jesus. Ang kaniyang mapagmahal at taimtim na damdamin na nakita sa pagkakataong ito ay maliwanag na nagpapahiwatig ng kaniyang matinding hangarin na wakasan na ang pamiminsala ng kamatayan.
hinangad na gayundin ang gawin kay Lazaro. (Ang mapagmahal na damdamin ni Jesus nang buhaying-muli si Lazaro ay nagpapaaninag ng kaniyang matinding hangarin na wakasan na ang pamiminsala ng kamatayan
Yamang si Jesus ‘ang eksaktong representasyon ng mismong sarili ng Diyos na Jehova,’ makatuwiran lamang na gayundin ang ating asahan sa ating makalangit na Ama. (Hebreo 1:3) Hinggil sa pagnanais mismo ni Jehova na magsagawa ng pagbuhay-muli, sinabi ng tapat na lalaking si Job: “Kung ang isang matipunong tao ay mamatay mabubuhay pa kaya siya? . . . Ikaw ay tatawag, at ako mismo ay sasagot sa iyo. Sa gawa ng iyong mga kamay magtataglay ka ng mithiin.” (Job 14:14, 15) Dito ang salita sa orihinal na wika na isinaling “magtataglay ka ng mithiin” ay tumutukoy sa masidhing pananabik at hangarin ng Diyos. (Genesis 31:30; Awit 84:2) Maliwanag, labis na inaasam ni Jehova ang pagkabuhay-muli.
Mapaniniwalaan nga kaya natin ang pangako ng pagkabuhay-muli? Oo, walang-alinlangang si Jehova at ang kaniyang Anak ay kapuwa nagnanais at may kakayahang tuparin iyon. Ano ang kahulugan nito para sa iyo? Ikaw ay may pag-asang makasamang-muli ang namatay na mga minamahal dito mismo sa lupa ngunit sa ilalim ng totoong naiibang mga kalagayan!
Ang Diyos na Jehova, na nagpasimula ng sangkatauhan sa isang magandang halamanan, ay nangako na muling isasauli ang Paraiso sa lupang ito sa ilalim ng pamumuno ng Kaniyang makalangit na Kaharian sa mga kamay ng ngayo’y niluwalhati nang si Jesu-Kristo. (Genesis 2:7-9; Mateo 6:10; Lucas 23:42, 43) Sa isinauling Paraisong iyon, ang pamilya ng mga tao ay magkakaroon ng pag-asang tamasahin ang buhay na walang katapusan, ligtas sa anumang sakit at karamdaman. (Apocalipsis 21:1-4; ihambing ang Job 33:25; Isaias 35:5-7.) Mawawala na rin ang lahat ng galit, pagtatangi ng lahi, paglalabanan ng mga lipi, at paniniil sa ekonomiya. Dadalhin sa gayong nilinis na lupa ang mga patay na bubuhaying-muli ni Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.
Ang pagkabuhay-muli, salig sa haing pantubos ni Jesu-Kristo, ay magdudulot ng kagalakan sa lahat ng mga bansa
Iyan na ngayon ang pag-asa ng Kristiyanong babae na binanggit sa pasimula ng bahaging ito. Maraming taon ang lumipas pagkamatay ng kaniyang ina, tinulungan siya ng mga Saksi ni Jehova na maingat na pag-aralan ang Bibliya. Naaalaala niya: “Pagkatapos na matutuhan ang tungkol sa pag-asa ng pagkabuhay-muli, napaiyak ako. Nakalulugod na malamang makikita ko uli ang aking ina.”
Kung ang iyong puso ay nasasabik ding makitang muli ang isang minamahal, magagalak ang mga Saksi ni Jehova na tulungan kang matutuhan kung papaano mapapasaiyo ang tiyak na pag-asang ito. Bakit hindi makipag-ugnayan sa kanila sa isang Kingdom Hall na malapit sa inyo, o sumulat sa pinakamalapit na direksiyon na nakalista sa pahina 32.
^ par. 20 Ang Griegong salita na isinaling “dumaing” ay mula sa pandiwang (em·bri·maʹo·mai) na tanda ng nasaktan, o lubhang naapektuhang damdamin. Isang iskolar sa Bibliya ang nagsabi: “Dito iyon ay nangangahulugan lamang na ang gayong matinding emosyon ay dumaig kay Jesus anupat isang di-kinukusang pagdaing ang kumawala mula sa Kaniyang dibdib.” Ang salitang isinaling “nabagabag” ay mula sa Griegong salitang (ta·rasʹso) na nagpapahiwatig ng pagkabahala. Ayon sa isang lexicograpo, iyo’y nangangahulugang “magdulot ng pagkaligalig sa kalooban, . . . maapektuhan ng matinding sakít o kalumbayan.” Ang salitang “lumuha” ay mula sa Griegong pandiwang (da·kryʹo) na nangangahulugang “umiyak, humibik.”