BAHAGI 3
Ang Aklat ng Maaasahang Patnubay
“ANG Bibliya ay isang produkto ng pinagsama-samang sibilisasyon ng sangkatauhan at ng mga karanasan sa buhay at ito’y namumukod-tangi,” sabi ng isang babasahing inilathala ng Chung Shang University sa Guangzhou, Tsina. Si Immanuel Kant, isang maimpluwensiyang pilosopo noong ika-18 siglo, ay sinipi sa pagsasabing: “Ang pag-iral ng Bibliya, bilang isang aklat para sa mga tao, ang siyang pinakadakilang kapakinabangan na naranasan ng lahi ng tao kailanman. Ang bawat pagsisikap na maliitin ito . . . ay isang krimen laban sa sangkatauhan.” Ang The Encyclopedia Americana ay nagsasabi: “Ang impluwensiya ng Bibliya ay hindi lamang limitado sa mga Judio at sa mga Kristiyano. . . . Ito ay minamalas ngayon bilang isang etikal at relihiyosong kayamanan na ang di-maubos na turo nito ay magiging higit pang mahalaga habang ang pag-asa sa isang pandaigdig na sibilisasyon ay lumalago.”
2 Anuman ang iyong kinaaanibang relihiyon, hindi ka kaya magiging interesado na malaman ang ilang bagay tungkol sa gayong aklat? Sa katapusan ng ika-20 siglo, ang Bibliya ay naisalin na, sa kabuuan o sa bahagi nito, sa mahigit na 2,200 wika. Ang karamihan sa mga tao ay makasusumpong ng kopya nito sa wika na maaari nilang mabasa at maunawaan. Mula nang maimbento ang imprenta na may isahang tipong letra, tinatayang may apat na bilyong kopya ng Bibliya ang naipalaganap na sa buong daigdig.
3 Ngayon, pakisuyong buksan ang iyong Bibliya kung mayroon kang kopya, at tingnan ang talaan ng mga nilalaman. Makikita mo ang mga pangalan ng mga aklat, na nagpapasimula sa Genesis at nagtatapos sa Apocalipsis. Ang Bibliya ay tunay na isang aklatan ng 66 na aklat na isinulat ng may 40 iba’t ibang tao. Ang unang bahagi, na binubuo ng 39 na aklat na tinatawag ng marami na Matandang Tipan, ay wastong tawagin na Hebreong Kasulatan sapagkat ang kalakhang bahagi nito ay isinulat sa Hebreo. Ang ikalawang bahagi, na binubuo ng 27 aklat na tinatawag ng marami na Bagong Tipan, ay wastong tawagin na Kristiyanong
Griegong Kasulatan, sapagkat ito ay isinulat sa Griego ng mga Kristiyanong manunulat. Kinailangan ang mahigit sa 1,600 taon, mula noong 1513 B.C.E. hanggang 98 C.E., para matapos ang pagsulat ng Bibliya. Ang mga manunulat ay hindi kailanman sumangguni sa isa’t isa, at ang ilang aklat ay isinulat nang sabay-sabay sa mga lugar na libu-libong kilometro ang agwat. Subalit, ang Bibliya ay may iisa lamang tema at nagkakaisa sa kabuuan; hindi nito sinasalungat ang sarili. Likas lamang na isipin natin, ‘Paano maisusulat ng mahigit sa 40 lalaki na nabuhay sa loob ng 16 na siglo ang isang aklat na may gayon na lamang antas ng pagkakasuwato?’4 Bagaman ang pagsulat ng Bibliya ay natapos mahigit 1,900 taon na ang nakalilipas, ang nilalaman nito ay pumupukaw ng pansin ng mga lalaki at mga babae sa makabagong panahon. Halimbawa, buksan ang iyong Bibliya sa Job 26:7. Tandaan na ang tekstong ito ay isinulat noong ika-15 siglo B.C.E. Ito’y kababasahan: “Iniuunat [ng Diyos] ang hilaga sa ibabaw ng dakong walang laman, na ibinibitin ang lupa sa wala.” Pagkatapos, bumaling sa Isaias 40:22, taglay sa isipan na ang aklat ng Isaias ay isinulat noong ikawalong siglo B.C.E. Ang talatang ito ay kababasahan: “May Isa na tumatahan sa ibabaw ng bilog ng lupa, na ang mga nananahanan doon ay gaya ng mga tipaklong, ang Isa na nag-uunat ng langit na gaya ng manipis na gasa, na naglaladlad nito na parang isang toldang matatahanan.” Ano ang pumapasok sa isip mo nang binasa mo ang dalawang paglalarawang ito? Isang larawan ng bilog na bagay na ‘nakabitin’ sa kalawakan. Malamang ay nakita mo na ang gayong larawan sa mga ritratong ipinadala mula sa makabagong sasakyang pangkalawakan. Maaaring nag-iisip ka, ‘Paanong ang mga taong nabuhay noong matagal nang panahon ay makagagamit ng gayong tumpak na mga pananalita hinggil sa siyensiya?’
5 Isaalang-alang natin ang isa pang tanong hinggil sa Bibliya. Ang Bibliya ba ay tumpak hinggil sa kasaysayan? Ang ilan ay nag-iisip na ang Bibliya ay isa lamang kalipunan ng mga alamat, na walang saligan sa kasaysayan. Kuning halimbawa, ang kilalang hari ng Israel na si David. Hanggang kamakailan, ang tanging saligan para malaman ang kaniyang pag-iral ay ang Bibliya. Bagaman ang kilalang mga istoryador ay kumikilala sa kaniya bilang isang totoong tauhan, sinisikap ng ilang mapag-alinlangan na ituring siya bilang isang alamat na inimbento ng mga propagandistang Judio. Ano ba ang ipinakikita ng mga katunayan?
6 Noong 1993 isang inskripsiyon na tumutukoy sa “Bahay ni David” ang nasumpungan sa mga kagibaan ng sinaunang lunsod ng Dan sa Israel. Ang inskripsiyon ay bahagi ng isang wasak na monumento mula noong ikasiyam na siglo B.C.E., bilang pag-aalaala sa isang pananagumpay sa mga Israelita ng kanilang kaaway. Nagkaroon agad ng sinaunang pagtukoy kay David maging sa labas ng mga pahina ng Bibliya! Ito ba ay mahalaga? Hinggil sa natuklasang ito, si Israel Finkelstein, ng Tel Aviv University, ay nagsabi: “Ang pangmalas na ang Bibliya ay walang kabuluhan ay dagling gumuho nang matuklasan ang inskripsiyon tungkol kay David.” Kapansin-pansin, si Propesor William F. Albright, isang arkeologo na gumugol nang ilang dekada sa paghuhukay sa Palestina, ay minsang nagsabi: “Ang sunud-sunod na mga natuklasan ay nagpatunay sa katumpakan ng di-mabilang na mga detalye, at nagbunga ng higit na pagkilala sa kahalagahan ng Bibliya bilang isang pinagmumulan ng kasaysayan.” Muli, maaari nating itanong, ‘Di-tulad ng mga kuwento at mga alamat, paano ngang ang sinaunang aklat na ito ay lubhang tumpak hinggil sa kasaysayan?’ Subalit hindi lamang iyan.
7 Ang Bibliya ay isa ring aklat ng hula. (2 Pedro 1:20, 21) Ang salitang “hula” ay maaaring magpaalaala sa iyo ng hindi natupad na mga salita ng nangalandakang mga propeta. Subalit isaisantabi muna ang anumang haka-haka, at buksan ang iyong Bibliya sa Daniel kabanata 8. Dito’y inilalarawan ni Daniel ang isang pangitain ng paglalaban sa pagitan ng isang barakong tupa na may dalawang sungay at isang mabalahibong kambing na lalaki na may “isang sungay na kapansin-pansin.” Ang kambing na lalaki ay nanaig, subalit ang malaking sungay nito ay nabali. Apat na sungay ang tumubo kahalili nito. Ano ang kahulugan ng pangitain? Ang ulat ni Daniel ay nagpapatuloy: “Ang barakong tupa na iyong nakita na may dalawang sungay ay kumakatawan sa mga hari ng Media at Persia. At ang mabalahibong kambing na lalaki ay kumakatawan sa hari ng Gresya; at kung tungkol sa malaking sungay na nasa pagitan ng mga mata nito, iyon ay kumakatawan sa unang hari. At nang mabali ang isang iyon, anupat may apat na sa kalaunan ay tumayong kahalili nito, may apat na kaharian mula sa kaniyang bansa na tatayo, ngunit hindi taglay ang kaniyang kapangyarihan.”—Daniel 8:3-22.
“Ang sunud-sunod na mga natuklasan ay nagpatunay sa katumpakan ng di-mabilang na mga detalye, at nagbunga ng higit na pagkilala sa kahalagahan ng Bibliya bilang isang pinagmumulan ng kasaysayan.”—Propesor William F. Albright
8 Natupad ba ang hulang ito? Ang pagsulat sa aklat ng Daniel ay natapos noong humigit-kumulang 536 B.C.E.
Ang hari ng Macedonia na si Alejandrong Dakila, na ipinanganak makalipas ang 180 taon, ay lumupig sa Imperyo ng Persia noong 356 B.C.E. Siya ang “malaking sungay” sa pagitan ng mga mata ng “mabalahibong kambing na lalaki.” Ayon sa Judiong istoryador na si Josephus, sa pagpasok sa Jerusalem bago ang kaniyang tagumpay sa Persia, ipinakita kay Alejandro ang aklat ng Daniel. Inisip niya na ang mga salita ng hula ni Daniel na ipinakita sa kaniya ay tumutukoy sa kaniyang sariling kampanyang militar laban sa Persia. Karagdagan pa, sa mga aklat-aralin hinggil sa kasaysayan ng daigdig, mababasa mo ang nangyari sa imperyo ni Alejandro pagkamatay niya noong 323 B.C.E. Apat na heneral ang namahala sa kaniyang imperyo sa dakong huli, at noong 301 B.C.E., hinati-hati ng ‘apat na sungay’ na humalili sa “malaking sungay” ang kaharian sa apat na bahagi. Muli na naman, may dahilan tayo upang mag-isip, ‘Paano maihuhula nang napakaliwanag at napakatumpak ng isang aklat kung ano ang magaganap makalipas pa ang mga 200 taon?’9 Sinasagot mismo ng Bibliya ang mga katanungan sa itaas: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang.” (2 Timoteo 3:16) Ang salitang Griego na isinaling “kinasihan ng Diyos” ay literal na nangangahulugang “hiningahan ng Diyos.” “Inihinga” ng Diyos sa isip ng humigit-kumulang 40 manunulat ang impormasyon na masusumpungan natin ngayon sa mga aklat ng Bibliya. Ang ilang halimbawa—makasiyensiya, makasaysayan, at makahula—na ating isinaalang-alang ay maliwanag na nagpapakita ng isa lamang konklusyon. Ang namumukod-tanging aklat na ito, ang Bibliya, ay produkto, hindi ng karunungan ng tao, kundi ng Diyos. Subalit, marami sa ngayon ang nag-aalinlangan sa pag-iral ng Awtor nito—ang Diyos. Kumusta ka naman?