Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

BAHAGI 8

Ang Daan Pabalik sa Isang Kasiya-siyang Buhay

Ang Daan Pabalik sa Isang Kasiya-siyang Buhay

BAGAMAN ang sangkatauhan ay nasadlak sa isang walang-saysay na paraan ng pamumuhay bilang resulta ng kanilang paghihimagsik laban sa banal na pamamahala, ang mga tao ay hindi pinabayaan ng Diyos sa kawalang pag-asa. Ipinaliliwanag ng Bibliya: “Ang sangnilalang ay ipinasakop sa kawalang-saysay, hindi sa sarili nitong kalooban kundi sa pamamagitan niya na nagpasakop nito, salig sa pag-asa na ang sangnilalang din mismo ay palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Roma 8:20, 21) Oo, ang Diyos ay naglaan ng pag-asa para sa mga supling ng unang mag-asawang tao. Ito ay ang tiyak na pag-asa na palalayain ang sangkatauhan mula sa minanang kasalanan at kamatayan. Sila ay ibabalik sa isang matalik na kaugnayan sa Diyos na Jehova. Paano?

Ang Diyos ay naglaan ng pag-asa para sa sangkatauhan upang sila ay mapalaya mula sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan

2 Nang magkasala sina Adan at Eva, pinagkaitan nila ang kanilang mga inapo ng pag-asang magtamasa ng isang kasiya-siyang buhay magpakailanman sa lupa. Kapalit ng kalayaang magpasiya kung ano ang mabuti at masama para sa kanilang sarili, ipinagbili nila ang kanilang magiging pamilya sa kasalanan at kamatayan. Palibhasa’y ipinanganak sa pamilyang iyon, ang kanilang mga inapo ay maihahalintulad sa mga alipin na nakakulong sa isang malayong isla kung saan nagpupuno ang malulupit na tagapamahala bilang mga hari. Tunay nga, ang kamatayan ay nagpupuno bilang hari sa sangkatauhan na alipin naman ng isa pang hari​—ang kasalanan. (Roma 5:14, 21) Parang walang sinuman ang makapagliligtas sa kanila. Aba, ang kanilang mga ninuno ang nagbili sa kanila sa pagkaalipin! Subalit isang mapagkawanggawang tao ang nagsugo sa kaniyang anak, na nagdala ng buong halagang kinakailangan upang mapalaya ang lahat ng nasa pagkaalipin.​—Awit 51:5; 146:4; Roma 8:2.

3 Sa ilustrasyong ito ang tao na nagligtas sa mga alipin ay kumakatawan sa Diyos na Jehova. Ang anak na nagdala ng halaga para sa kalayaan ay si Jesu-Kristo. Siya’y umiral bilang ang bugtong na Anak ng Diyos bago naging tao. (Juan 3:16) Siya ang pinakauna sa paglalang ni Jehova, at ang lahat ng iba pang mga nilalang sa sansinukob ay lumitaw sa pamamagitan niya. (Colosas 1:15, 16) Makahimalang inilipat ni Jehova ang buhay ng espirituwal na Anak na ito sa bahay-bata ng isang birhen, na nagpangyaring maisilang ang sanggol na isang sakdal na tao, ang kinakailangang halaga upang matugunan ang mga kahilingan ng banal na katarungan.​—Lucas 1:26-31, 34, 35.

4 Nang si Jesus ay mga 30 taóng gulang na, siya’y nabautismuhan sa Ilog Jordan. Sa kaniyang bautismo, siya’y pinahiran ng banal na espiritu, o ng aktibong puwersa ng Diyos. Kaya, siya’y naging ang Kristo, na nangangahulugang “Pinahirang Isa.” (Lucas 3:21, 22) Ang ministeryo ni Jesus sa lupa ay tumagal nang tatlo at kalahating taon. Noong mga taóng iyon, itinuro niya sa kaniyang mga tagasunod ang hinggil sa “kaharian ng Diyos,” ang makalangit na pamahalaan na sa ilalim nito ay maibabalik ang sangkatauhan sa isang mapayapang kaugnayan sa Diyos na Jehova. (Lucas 4:43; Mateo 4:17) Alam ni Jesus ang paraan upang magkaroon ang mga tao ng isang maligayang buhay, at binigyan niya ang kaniyang mga tagasunod ng mga espesipikong giya hinggil sa kaligayahan. Bakit hindi mo buksan ang iyong Bibliya sa Mateo kabanata 5 hanggang 7 at basahin ang ilan sa kaniyang mga turo sa Sermon sa Bundok?

Hindi ka ba makadarama ng malaking utang-na-loob sa isa na nagpalaya sa iyo mula sa pagkaalipin?

5 Di-tulad ni Adan, si Jesus ay namuhay sa pagsunod sa Diyos sa lahat ng paraan. “Hindi siya nakagawa ng kasalanan.” (1 Pedro 2:22; Hebreo 7:26) Sa katunayan, siya’y may karapatan na mabuhay magpakailanman sa lupa, subalit ‘ibinigay niya ang kaniyang kaluluwa’ upang bayaran sa Diyos kung ano ang iwinala ni Adan. Sa pahirapang tulos, ibinigay ni Jesus ang kaniyang sakdal na buhay-tao. (Juan 10:17; 19:17, 18, 28-30; Roma 5:19, 21; Filipos 2:8) Sa paggawa nito, si Jesus ay naglaan ng pantubos, o binayaran ang halagang kinakailangan upang bilhing muli ang sangkatauhan mula sa pagkaalipin sa kasalanan at sa kamatayan. (Mateo 20:28) Gunigunihin mo na nagtatrabaho ka sa isang maruming pabrika, na nabubuhay sa literal na pagkaalipin. Hindi ka ba tatanaw ng utang-na-loob sa isa na nagsaayos na mapalaya ka mula sa pagkaalipin at sa isa na kusang nagsakripisyo ng kaniyang buhay para sa iyo? Sa pamamagitan ng kaayusan ng pantubos, nabuksan ang isang daan para sa iyo na makapanumbalik sa pansansinukob na pamilya ng Diyos at mamuhay ng isang tunay na kasiya-siyang buhay, na malaya sa pagkaalipin sa kasalanan at sa kamatayan.​—2 Corinto 5:14, 15.

6 Ang pagkaalam at pagpapahalaga sa di-sana nararapat na kabaitan ni Jehova ay higit na nagbibigay sa iyo ng lahat ng dahilan upang ikapit sa iyong sariling buhay ang mga salita ng karunungan na masusumpungan sa Bibliya. Halimbawa, kunin ang isa sa mga simulain na pinakamahirap ikapit​—ang pagpapatawad sa iba kapag nagkasala sila sa iyo. Natatandaan mo ba ang mga salitang masusumpungan sa Colosas kabanata 3, talatang 12 hanggang 14, na ating isinaalang-alang sa Aralin 2? Ang mga talatang iyon ay humihimok sa iyo na patawarin ang iba kahit na may dahilan ka na magreklamo laban sa kanila. Ipinaliliwanag ng konteksto kung bakit, sa pagsasabing: “Kung paanong si Jehova ay malayang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo.” Minsang isinapuso mo kung ano ang ginawa ni Jehova at ni Jesu-Kristo alang-alang sa sangkatauhan, mapakikilos ka na magpatawad sa iba para sa anumang kasalanang nagawa nila, lalo na kung sila ay nagsisisi at humihingi ng tawad.